KABANATA 50

36.5K 997 74
                                    

Jordanna's P.O.V.

Nahahawi ang aking dinaraanan habang lumalapit ako sa nakahandusay na katawan ng asawa ko. Ang lahat, nakatingin sa akin, habang nakasunod sa akin ang mga nakalambong na grupo nina lola Senda. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Saklob man ako ng pagkagimbal at labis-labis na kalungkutan, hindi ko naman magawang umiyak.

Naro'n lamang ako. Marahang naglalakad. Nakatulala. Hindi mawari kung namamanhid ba o nasasaktan. O pwede rin namang...namamanhid na ako sa sobrang sakit.

Naabutan kong kalong-kalong ni uncle Manuel ang ulo ni Jasper. Habang binubunot ng isang hindi ko nakikilalang engkanto, ang espadang nakatarak sa dibdib ng asawa ko. Hindi ko man nakikita—dahil hindi ako nakatingin, naririnig ko ang iyakan ng mga natitira pa n'yang mga kakampi, habang ako nama'y walang siglang lumuluhod upang humalili kay uncle Manuel sa pagkalong sa ulo ng aking mahal na kabiyak.

Nang maramdaman ko ang kanyang balat, naramdaman ko na rin ang pagpatak ng aking mga luha. Mga luhang lumanit na sa kanyang noo habang marahan kong niyayakap nang mahigpit ang kanyang ulo.

Ang daya n'ya. Bakit s'ya pa ang kailangang kumitil sa buhay n'ya? Hindi man lamang ba n'ya ako inisip? Saglit pa lamang kami nakakasal, iniwanan na n'ya ako agad? Pa'no na ako at ang magiging mga anak namin? Paano na ang lahat ng umaasa sa kanya?

"Jazz..." Bulong ko, pilit pinipigilan ang mawala sa aking sarili.

Sa gitna ng aking pagtangis, narinig ko ang pakakagulo ng mga nilalang sa magkabilang kampo. Dumadaan pala si Lucio, upang personal na saksihan ang pagtatagumpay n'ya laban sa asawa ko.

Napapalibutan ito ng kanyang mga alipores, na walang patumangga namang tinatabig ang mga tumatangis na kasamahan ng asawa ko habang sila'y dumaraan. Sumulyap lamang ako sa kanya sandali, bago muling ipinagpatuloy ang aking pag-iyak.

"Masaya ka na ba ngayon?" Nadinig kong sambit ni ate Senda kay Lucio. Napatingala ako sa kanya. Nakataklob pa rin ang kanyang mukha.

"Sino ka?" Kunot-noong tanong ni Lucio kay ate Senda.

Sa halip na sumagot, marahang tinanggal ni ate Senda ang takip sa kanyang mukha. Umalingawngaw ang mga bulung-bulungan matapos n'yang ibunyag ang kanyang pagkakakilanlan. Matinding pagkagulat naman ang gumuhit sa mukha ni Lucio.

"S-Senda?!" Mahinang sambit nito. Namumutla.

"Ako nga."

"B-buhay ka?" Ang hitsura nito'y tila gusto nitong lapitan si ate Senda upang yakapin.

"Binabati kita." Malumanay sa sagot sa kanya ni ate Senda. "Hindi natupad ang propes'ya. Iyong-iyo na ang buhay na walang hanggan at walang katapusang paghahari."

Hindi nakasagot si Lucio, bagama't humihinga ito nang malalim.

"Tutal," Pagtutuloy ni ate Senda, "Wala na rin namang silbi na ipagpatuloy pa ang digmaang ito. Nanalo ka na. Natalo sila. Bakit hindi mo na lamang sila hayaang mailibing nang maayos ang kanilang pinuno?"

Nakapagtatakang nanahimik lang si Lucio; nakatitig ito sa mukha ni lola Senda.

"Ituring mo itong, kahuli-hulihan kong kahilingan sa 'yo."

***

Jasper's P.O.V.

Binulaga ako ng pangitain ng dalawang lalaki na nakatutok ang mga mukha sa akin. Asul na asul ang kanilang mga mata, maamo ang kanilang mga mukha at kulay olandes ang mga alon-alon nilang mga buhok.

Napabalikwas ako, bumangon nang paupo, bago nagmamadaling umusod papalayo sa kanila. Nang makalayo ako, mas nakita ko na sila sa kanilang kabuuan. Sila'y malalaking kalalakihang higit na matatangkad kumpara sa akin.

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon