KABANATA 81

20.1K 695 24
                                    

Jasper's P.O.V.

Pitong araw rin naming minatiyagan ang ika-labing anim ni balwarteng nais naming mabawi kay Lucio. Isa itong liblib na bayan na may walong baranggay sa lalawigan ng Roxas. Naririto kami ngayon sa ika-pitong baryo.

"Nagsisisiuwian na ang mga tao." Bulong sa akin ni Ricardo, habang nakakubli kami sa mga sanga at makapal na dahon ng isang puno ng balete. Naro'n kami sa itaas; nakaupo sa makapal na sanga. "Ano bang oras na?" Nasilip ito sa aking relo.

"Alas k'watro." Mahinang tugon ko.

"Ang sabi ni Alondra, hindi pa man daw kumakagat ang dilim dito, nag-iikot na ang mga kampon ni Lucio para maghanap ng makakain."

"Nasa'n ba si Alondra ngayon?"

"Nasa ikalawang baryo. Sabi ko nga mag—"

"Sshhh!" Pagputol ko sa kanyang pagsasalita. May naaninag kasi akong mga taong nagkakagulo sa kabilang kalye.

"Bakit?"

Sa halip na sagutin, itinuro ko na lang sa kanya ang aking natatanaw. Tumingin naman ito, bago ako gumapang sa bandang gitna ng sanga. Hinawi ko ang mga dahon para mas makita ko kung ano ang nangyayari.

Isang grupo ito ng mga taong baryo, nasa tantya kong mga labing-dalawa hanggang labing-lima ang bilang. Ang ikatlong bahagi ng kanilang pangkat ay tila may isang mahabang bagay na pinag-uusungan. May ilang kababaihan at mga kabataan ang nagsisiiyakan, habang ang iba nama'y tila nakikisali lamang.

"Anong nangyari?" pagsalubong sa kanila ng isang lalaking naka-tsaleko. May kasama itong dalawa pang naka-tsaleko rin.

"Nakita na po namin si Beloy." Sagot ng isa sa mga kalalakihang may usong sa isang bagay na nakabalot sa banig na yari sa buri.

"Ha? Saan?!" Tanong ng nangunguna sa mga lalaking naka-tsaleko.

"Do'n po sa sukalan." Sabi ng isa pa sa mga may usong. Itinuturo nito ang direksyon ng kanilang pinanggalingan. "Ang kaso po..."

"Ang kaso'y ano?"

"Halos hindi na po namin s'ya makilala. Luray-luray po ang kanyang katawan at puro kagat ang kanyang mukha."

Sinenyasan ng isa sa mga naka-tsaleko ang mga magkakausong, upang ibaba na ng mga ito ang kanilang bitbit. Matapos itong maibaba, iniutos naman nilang buksan ang nakabalot na banig. Sumunod naman ang isa sa mga nag-usong.

Halos sabay-sabay na napasinghap ang mga tao matapos tumambad sa kanila ang isang bangkay na lalaki. Marahil ay dahil sa masangsang na amoy ng bangkay, maging ang karimarimarim na na hitsura nito.

"Pang-lima na 'to Kapitan." Wika ng isa sa mga taong kasamahan ng mga nag-usong. Nakatingin ito sa nangungunang lalaking naka-tsaleko. Mukhang 'yun ang Kapitan ng kanilang baranggay.

"Ang balita namin, mas higit pa ang mga nabibiktima sa ating mga karatig baryo." Wika ng isa sa mga kababaihang kasamahan ng mga nag-uusong. "May sagot na po ba kayo mula kay Mayor?"

Copyright ⓒ 2014, DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Umiling ang Kapitan, "Kagagaling lang namin do'n kanina. Kasama ko itong sina Konsehal Mario." Inginuso nito ang isa sa mga kasamahan n'yang naka-tsaleko. "Napakaraming tao ro'n mula sa ibang baranggay. Pero hindi naman n'ya kami hinarap. Si bise lang ang humarap sa amin at binilinan kami na manahimik na muna bago kami matunugan ng media. Inaalala raw kasi ng Mayor na baka makaapekto ito sa turismo at kalakalan ng bayan. Malaking kawalan daw sa atin kung mawawala ang mga investors na nais magtayo ng negosyo sa ating lugar."

"Pero anong gusto nilang gawin natin?" sabi ng isa sa mga matatandang lalaking nagmimiron. "Ang pabayaan na lang nating lipulin tayo ng kung anong klaseng mga halimaw itong unti-unting pumapaslang sa ating mga kababaryo?"

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon