KABANATA 101

11.5K 475 72
                                    

Jasper's P.O.V.

Ayon sa kasunduang nais n'yang pirmahan ko, pakakawalan daw n'ya si Mommy, si Jordanna at si lola Senda, kung kusang-loob ko raw ibibigay sa kanya ang una o panganay sa magiging mga anak ko balang araw.

"Ang mga Engkanto? Gusto kong pakawalan n'yo na rin sina Alondra at lolo Alfonso!".

"Hindi kasama sa kasunduan ang hinihingi mo."

Napamura ako nang pabulong. "Ano pa bang kailangan mo pa sa 'kin, para mabawi ko ang mga kaibigan ko?!"

"Ang mga pakpak mo."

"Ano?!"

"Kung ipapuputol mo sa akin ang mga pakpak mo, pakakawalan ko ang mga bihag na engkanto."

"Aanhin mo naman ang mga pakpak ko?"

Umastang tila nag-iisip ito, "Wala naman. Susunugin ko lang."

"H'wag! H'wag kang papayag, Jasper!"

Napalingon ako sa nagmamay-ari ng tinig; kay Lucio. Mukhang nagbalik na ito sa dati nitong anyo. Lumilipad-lipad ito sa bandang itaas ng kinaroro'nan namin, at tila nakikipagpatintero pa sa mga demonyong umaali-aligid sa himpapawid.

"H'wag mong ibibigay ang mga pakpak mo!" Muling sigaw ni Lucio sa akin.

"Anong ibig mong sabihin?!" Tanong ko rito.

"Bukod sa hindi mo na mababawi ang mga pakpak mo kapag nasunog na ang mga ito, mawawala rin ang lahat ng kapangyarihang minana natin kay Arakiel. Isang ordinaryong tao. Magiging isang ordinaryong tao ka na lang! Mawawala ang kapangyarihan mong makapanakit at makapagpatalsik ng mga demonyo. Mawawala rin ang kapangyarihan mong manggamot at ang mabilis na makapagpahilom ng sariling mga sugat at karamdaman."

Humalakhak si lola Marietta. "Kita mo nga naman kayong dalawa, magkakampi na? At akala yata ng gagong ito—" Nakatingin ito sa lumilipad na si Lucio, "Wala akong inihanda para sa kanya." Kumumpas ito, at sa isang iglap, isang lupon ng mga demonyo ang nagsidatingan mula sa puyo sa langit. Hinagad ng mga ito si Lucio; at hindi nila tinigilan ito hangga't hindi nila ito nahuhuli.

***

Samantala...

Jordanna's P.O.V.

"Ate Senda...mommy Helga...kaya n'yo pa ba?" Kaunting kiskis ko na lang sa lubid, gamit ang matalas na batong nahagilap ko, mapakakawalan ko na ang sarili kong mga kamay.

"Kaya ko pa, Jordanna." Sagot ni lola Senda, "P-pero si Helga...masama na ang lagay ni Helga. Nawalan na naman ito ng malay."

"Diyos ko po..." Bulong ko. Pinanggigigilan ko pa rin ang lubid na iginapos sa aking mga pupulsuhan. "Tulungan n'yo po kami."

"Bitawan n'yo ako!"

Napatingin kami ni lola Senda sa may-ari ng tinig. Pumapasok itong bihag ng labindalawang demonyo sa gawi ng lagusang nasa kabila ng bangin ng kumukulong asupre.

"Lucio!" Pagtawag ni ate Senda.

Nagulat si Lucio nang makita n'ya kami ro'n. "Senda?!" Pinagtutulugan na rin itong itali ng mga demonyo.

"Lucio..." Sa pagkakataong ito'y umiiyak na si lola Senda.

Naging hudyat naman 'yun para lalong manlaban si Lucio. Hinagip at sinakal nito ang mga demonyong bumibihag sa kanya at saka nito isa-isang itinapon sa bangin ng kumukulong asupre. Sinamantala ko naman ang pagkakataong 'yun para mapakawalan ko ang aking sarili.

Pinakamalapit si ate Senda sa akin kaya ito muna sana ang kakalasan ko pero, "Unahin mo na muna si Helga, Jordanna. Mukhang masama na talaga ang lagay n'ya. Mas matagal na s'ya rito kaysa sa 'tin." Tumango ako at walang inaksayang oras. Tinakbo ko ang kinaroro'nan ni mommy Helga at kinalas ang makakapal na lubid na nakapulupot mula sa kanyang mga binti, hanggang sa kanyang mga balikat.

"Mommy..." Bulong ko. Wala pa rin itong malay nang sinambot ko ito. "Mommy..." Tinampal ko nang bahagya ang kanyang namumulang pisngi. Hindi pa rin ito magising. Napasulyap ako sa gawi ni lola Sendang papalapit na rin pala sa amin matapos itong makalasan ni Lucio.

"Lucio...si Helga." Ani lola Senda sa kasama n'ya, "Tulungan mo kaming mailabas s'ya rito."

Walang pag-aalinlangang nilapitan ni Lucio si mommy Helga. Binuhat muna ito nito, bago nito kami sinenyasang mauna na sa paglabas sa lagusan.

***

"Hindi tayo maaaring lumabas dito." Ani Lucio sa amin. Nakasilip ito sa bunganga ng kweba. "Maraming nakabantay na mga demonyo sa lupa at sa himpapawid.

"Kailan pa nag-umpisang maging sunod-sunuran ang mga demonyo kay Marietta?" Wika ni lola Senda," Nagsimula na itong umiyak, "hindi ko rin maatim na kinaya n'yang gawin ito sa aking pamangkin." Hinaplos n'ya ang noo ni mommy Helga. Kalong kasi n'ya ang ulo nito sa kanyang kandugan. "Nasaan na kaya si Jasper?"

"Magkausap sila kanina." Ani Lucio. Nakasilip pa rin ito sa labas. "Pinipilit ni Mariettang lumagda ito sa isang kasunduan, kapalit ng kalayaan n'yo at lahat ng mga kakampi n'yang mga engkanto."

"Ano namang klaseng kasunduan?" tanong ko.

Copyright ⓒ 2014, DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Sumulyap ito saglit sa akin, bago muling bumalik sa pagmamasid sa labas, "Hinihingi nito ang magiging panganay na anak ni Jasper, maging ang kanyang mga pakpak."

"Ano naman ang kailangan n'ya sa magiging panganay na anak ni Jasper?" tanong ni lola Senda kay Lucio, "May espesyal na kapangyarihan din ba ito, tulad n'yong dalawa?"

"Wala, kung ito'y anak n'ya sa isa lamang ordinaryong babae." Sumulyap ito kay ate Senda at sa akin, bago muling sumilip sa labas. "Bagama't ito naman ang kanyang magiging kalamangan kung magkataon, ayon sa nakatalang kasabihan sa isa sa mga kasulatan ng aming angkan. 'Ang buhay ng panganay naming anak, ang s'yang karugtong ng aming buhay.' Kaya oras na makuha n'ya ang unang anak ng kanyang panganay na apo, maaari na rin n'yang patayin, ipapatay o hayaang mamatay si Jasper. Kapag nakuha n'ya ang panganay na anak ni Jasper, ito na ang magtutuloy ng pakinabang n'ya rito. At dahil s'ya ang magpapalaki rito, mas madali na n'ya itong mapasusunod sa lahat ng mga gusto n'ya."

Sumulyap muna si ate Senda sa akin, "Pero ano naman ang ibig mong sabihin sa ordinaryong babae?"

Humarap na si Lucio sa amin; nagbuntong-hininga. "Kahit sinong babaeng tao. Kahit sinong babaeng hindi si..." Tumingin ito sa akin, "Jordanna o kahit sinong katulad ni Jordannang may dugong anghel."

"Pero paano kung..." Tumingin muli sa akin si lola Senda.

"Kung anak n'ya ito kay Jordanna o sa isang katulad nito?" Nakangisi si Lucio.

Hinawakan ni lola Senda ang isang kamay ko at pinisil 'yun, "Oo."

Tila lumakas ang pagtibok ng puso ko sa pinaghalong kaba at pananabik sa kung ano man ang sasabihin ni Lucio.

"Kapag panganay na babaeng nagmula sa angkan ni Penue, na tulad mo, Jordanna. Wala itong pambihirang kapangyarihan ng mga anghel, ngunit ito naman ang magmamana ng walang kapantay na katalinuhan ng mga Nephilim, mula sa lahi ni Penue. Kapag panganay na lalake, ito'y magtataglay lamang ng ordinaryong kapangyarihan ng mga Nephilim, ngunit..."

"Ngunit, ano?" Ako na ang sumingit.

"May kakayahan itong umani ng kapangyarihang higit pa sa pinagsamang kapangyarihan namin ni Jasper, kung ito mismo ang kikitil sa buhay ng kanyang ama, sa pamamagitan ng 'Banal na Sibat ng Kapalaran'(1). Kung magkagayon...isipin n'yo na lang ang lakas ng kapangyarihang mapapasakamay ni Marietta, kung ang batang ito'y magiging sunod-sunuran sa kanya? Wala nang makahahadlang sa anumang naisin n'ya. Wala na ring makatatapat sa kapangyarihang maaari niyang abusuhin at paglaruan para masunod ang lahat ng kanyang kagustuhan."

***

Footnote

(1) Banal na Sibat ng Kapalaran: Kilala rin bilang ang Banal na Sibat ni Longhino. Isang paniniwala mula sa ebanhelyo ni Juan, na s'yang ginamit ng sundalong Romano na si Longhino (Longinus) na pangsibat o panaksak sa tagiliran ni HESUS (JESUS) habang ito ay nakapako sa Krus. (also known in the English translation as, the Holy Spear, the Spear of Destiny and the Lance of Longinus).

[ITUTULOY]

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon