Forty Five

56.2K 459 7
                                    

Ang nakakatoreteng tili mula kay Ava ang agad na sumalubong kay Hana pagkababa niya ng traysikel. Naroon siya sa bayan kung saan naroroon ang maliit na convenient store ng kanyang Nanay --- ang pangkabuhayang ipinangako ng Governor at ni Madam Aurora noong namatay ang Tatay niya. Nagpaligsahan papunta sa kanya si Ava at ang Nanay niya. Agad siyang niyakap ng mga ito.

"Bakit ikaw lang? Si Ram?" anang Nanay niya matapos ang matagal na yakapan.

"Nasa mansiyon po. Magpapahinga daw po muna siya. Napagod yata sa pagmamaneho," aniya.

"Ang sabihin mo, mailap lang talaga sa tao 'yang asawa mo. Takot yata sa mga taga-San Gabriel. Sabihin mo sa kanyang 'di naman kami nangangagat, " ani Ava. "Pero in fairness sa'yo, friend, gumanda ka ga lalo. Hiyang na hiyang 'yang beauty mo sa Maynila. Ang sosyal mo ng tingnan, friend. Grabe!"

"Uy, 'di naman," ang nahihiya niyang wika.

"Mamaya na 'yang kuwentuhan, pumasok muna tayo sa loob," anang Nanay niya bago siya nito iginiyang papasok sa loob ng tindahan.

"Kamusta ang buhay Maynila, friend? 'Saka ang buhay may asawa. Magkuwento ka naman," ani Ava habang nagbubukas ng softdrink at saka iniabot sa kanya matapos lagyan ng drinking straw.

"Maayos naman ang pakikitungo ni Ram sa'yo?" ang sabat ng Nanay niya matapos maglagay ng kung anu-ano sa ibabaw ng mesang pinagkakainan niya.

"Oo naman po," aniya. "Ang dami po yata nito, 'di naman po kayo malulugi nito?"

"Naku, hindi malulugi 'yang si Madir, friend. Pano, laging may bagong deliveries ng stocks mula kay Mayora. Pandagdag puhunan din 'yon," pagkukuwento ni Ava.

Napangiti siya. Mukhang tinutoo talaga ni Madam Aurora ang pangako nitong aalagaan ang Nanay niya. May kapalit 'yon siyempre. Kahit na 'di nito iyon deretsahang sabihin iyon, alam niyang may kapalit ang lahat ng iyon. Ang alagaan at "tiisin" si Ram. Pero kahit naman walang anumang kapalit, alam niyang gagawin pa din niya iyon. Kasi nga mahal niya ito. Mahal niya si Ram.

"Talaga bang okay ka lang, ha, Hana?" ang muling tanong ng Nanay niya. Parang 'di io kumbinsido.

"Okay naman po. Maayos na maayos po ang kalagayan ko sa Maynila, 'wag po kayong mag-alaala, Nay," aniya.

Hindi perpekto ang buhay mag-asawa na meron siya pero kaya niyang tiisin iyon alang-alang sa ina at sa pag-ibig niya kay Ram.

"Ano ba naman kayo Aling Lumen, hindi niyo ba nakikitang kumukuti-kutitap ang mga mata nitong si Hana? Inlab na inlab ang peg, eh."

Natawa siya sa kumento ni Ava.

"Thanks, friend, ha?" ang baling niya dito.

"Thanks saan?"

"Sa pag-aalaga mo sa Nanay ko habang wala ako dito. At sa pagtulong mo sa kanya dito habang wala ako," aniya. Ipinagpalit kasi ito ang pangarap na mag-DH para magsilbing assistant ng Nanay niya.

"Naku, wala 'yon. Ako nga ang dapat magpasalamat, eh. Kasi nagkaroon ako ng trabaho, saka malaki magpasweldo Nanay mo, above minimum ako."

"Eh, ayaw mo naman kasing pumayag sa minimum wage," ang sabat ng Nanay niya.

"Siyempre, Aling Lumen, iba na ang panahon ngayon. Mahal na ang mga bilihin."

"Tse! Sa make-up lang naman napupunta 'yang kinikita mo."

"Di naman po lahat. Mga one-third lang po," ang nakangising sagot ni Ava.

Natatawa siya sa bangayan ng dalawa. Oh, she missed them both. She missed them so much. She missed San Gabriel!

Buying Love (Published Under UMPRINTABLES!) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon