Eleven

68.4K 614 11
                                    

Tila nabunutan ng tinik si Hana nang matapos ang dance number niya at nakita niyang nagpalakpakan ang mga manonood. Napangiti siya. Mukhang nagustuhan ng judges ang talent niya, lalo na iyong anak ng mayor, si Juan Miguel dela Francia, kuya ni Ram. Pano, ang lakas ng pagkakapalakpak nito, mas malakas pa sa palakpak ni Zoey na naroon din sa harapan ng stage ng mga sandaling iyon. Bigla tuloy siyang nagkaroon ng lakas ng loob. Mukhang may laban siya.

Agad siyang sinalubong ni Ava sa may backstage. Nagtitili ito.

"Grabe, ang ganda ng pagkakasayaw mo. Giling kung giling. May itinatago ka pala talagang talent sa pagsayaw. Ba't 'di mo ipinakita 'yan noong praktis?"

"Talaga bang okay lang ang pagkakasayaw ko. 'Di ba masagwang tingnan?"

"Di kaya. Ang ganda nga ng kinalalabasan, eh. Kung makapalakpak nga 'yong anak ng mayor, parang matatanggal na 'yong mga braso niya."

Natawa siya. "Pansin ko nga rin."

"May gusto siguro sa'yo."

"Tange!"

Bigla niyang naalala si Ram. Nagpalinga-linga siya. Ba't 'di niya ito nakikita.

"Sinong hinahanap mo, si Andrei? Nandoon yata sa banda doon. Naghahanda para sa talent niya. Kaya ka siguro inspired, ano? Dahil doon sa nangyari sa Marriage Booth? Ikaw ha, 'di ka pa nagkukwento. Ano? Sa'n ka ba niya k-in-iss? Sa kamay? Sa pisngi? O sa lips?"

"Wala nga. Tumakbo nga kasi ako palabas."

"Ha? Tinkasan mo si Andrei?" Napalatak ito. "Sayang naman pala 'yong ibinayad ko para "makasal" lang kayo. Tinakasan mo lang pala"

"Eh, sino ba naman kasi ang nagsabing ipalista mo kami doon?" aniya.

"Siyempre kaibigan kita. At gusto ko masaya ka para inspired ka para sa darating na pageant. So anong nangyari pagkatapos?"

"Wala," aniya. Siyempre hindi niya pwedeng ikuwento dito ang tungkol sa biglang paghatak ni Ram sa kanya. Lalong-lalo na ang pagsabi nito ng "I like you" sa kanya. Kahit na 'di siya sigurado kong totoo ba iyon o joke, masasaktan pa din si Ava. Siyempre.

Nasaan na nga kaya si Ram? Ba't 'di siya nanood? Eh, andito tatay niya, nag-speech pa nga kanina. Nangangakong magtatayo ng panibagong building at aayusin na ang water system ng paaralan. Nandidito din ang nakakatanda nitong kapatid, si Juan Miguel. Isa sa mga judges. Pero bakit wala si Ram?

Eh, ano kung wala si Ram? Affected ka, teh? ang saway niya sa sarili.

Natigil ang pag-uusap nila ni Ava noong isa-isa na silang tinawag para sa Question & Answer portion. Halos mabiyak ang kaba ng dibdib niya noong siya na ang tinawag. Nagkataon pang si Juan Miguel dela Francia ang magtatanong sa kanya.

"Kung magkakaroon ka ng pagkakataong maging first lady ng San Gabriel balang araw, ano ang unang-una mong bibigyan ng pansin?" anito.

Guapo ito, pansin niya. Pero mas guapo pa din si Ram.

Bigla niyang sinaway ang sarili nang ma-realize niyang kinukumpara niya ang dalawa.

"Magandang hapon po sa inyong lahat, lalo na po sa inyo, Mayor dela Francia, at sa inyo din po, Mr. Juan Miguel dela Francia," ang mahaba niyang pasakalye nang mabawasan kahit na konti ang tensyong nararamdaman. "Unang-una po, bakit naman po ako papayag na maging first lady ng San Gabriel, kung pwede naman po akong maging mayor?"

Tawanan ang lahat, pati si Juan Miguel dela Francia.

"At kung mangyari nga ho ang bagay na 'yon, siguro po, ang unang-una kong bibigyan ng pansin ay edukasyon. Sabi nga po ni Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Anong kinabukasan po ang naghihintay sa San Gabriel kung 'di po mabibigyan ng magandang edukasyon ang mga bata?"

"Ibig mo bang sabihin, eh, hindi maganda ang kalidad ng edukasyong nakukuha ninyo ngayon dito sa San Gabriel?" Si Juan Miguel.

"Kung maganda po ang kalidad ng edukasyong makukuha dito sa SGNHS ngayon, sa tingin niyo po ba kailangan niyo pa pong pumuntang Maynila para mag-aral?"

Saglit na 'di nakasagot si Juan Miguel. Bigla tuloy siyang kinabahan, baka nagalit ito sa naging sagot niya.

Pagkatapos ay nakita niyang tumaas ang isang gilid ng bibig nito. Unti-unti itong ngumiti.

"Good answer," anito.

Noon lang siya nakahinga nang maluwag.

"Salamat po."

At tumalikod na siya pabalik sa backstage. Napangiti siya dahil sa lakas ng palakpakan ng mga naroroon.

"Okay ba 'yong sagot ko?" aniya kay Ava pagkapasok niya ng backstage.

Ngunit tila wala itong naririnig na mula sa kanya. Mukhang may sinisilip ito sa labas.

"Hoy!" aniya dito.

"Ha?" Tila noon lang siya nito napansin.

"Yung sagot ko, kamusta? Okay ba?"

"Ha? Eh... kasi..." Nagkakamot ito ng ulo.

"Ano?"

"Di ko kasi narinig."

"Anong 'di mo narinig? Kakainis naman 'to, oh!"

"Nakita ko kasi si Ram kanina. Eh, nawala bigla. Kaya ayon, sinilip-silip ko. Nawala tuloy sa isip ko 'yong tungkol sa sagot mo. Pasensya na," anito habang muling nagkamot ng ulo.

"Talaga? Nandito si Ram? Sa'n banda?" Napasilip na rin siya.

"At kailan ka pa naging interested kay Ram?" Nakapamaywang ito.

"Ha? Sinong nagsabing interesado ako sa kanya?" biglang-bawi niya.

"Di ba?" Tinaasan siya nito ng kilay.

"Di kaya!" aniya sabay talikod dito.

"Ikaw ha, may 'di ka sinasabi sa 'kin." Sumunod ito sa kanya.

Buying Love (Published Under UMPRINTABLES!) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon