Kabanata 31

47 3 0
                                    

Kabanata 31

Maliwanag ang buwan, kumikinang ang mga bituin doon at parang pinapahiwatig sa akin na magiging maaaraw kinabukasan.

Napangiti ako at naisip na maglalaba agad ng maaga, bukas. Mabuti na iyong sigurado, ang hirap pa naman makipag-agawan doon sa sampayan na nasa harapan.

"Chenniah!"

Mabilis akong napalingon sa likuran ko at ngumuso.

Bumukas ang pinto. Bumungad sa akin si Ate George na nanliliit na naman ang mga mata.

"Hindi ba sabi ko sa'yo, isarado mo na ang mga bintana at mahamog na?" Naglakad siya palapit sa akin. "Bakit nakabukas na naman ito?"

"Ate, huwag ka ngang sumigaw riyan. Baka magising si Calli," suway ko at agad tiningnan ang batang mahimbing na natutulog sa kama.

Ngumuso si Ate George at sumulyap doon saka lumapit. "Ang baby namin ay tulog na tulog," she poked her small nose. "Tangos talaga!"

Napairap ako at hinila si Ate palayo sa kama. "Pag iyan nagising mo, ikaw magpapatulog."

"Sus! Malaki na 'yan si Callista, kayang-kaya na nga niyan maglaba roon sa may poso eh."

"Ate!" Umirap ako.

Sabay kaming natahimik nang gumalaw si Calli. Halos kurutin ko si Ate nang nakitang dumidila pa ito sa anak ko habang nahihirapang kuhanin ang kulay pink niyang teddy bear.

Sabay naming nahigit ang hininga nang muling bumalik sa pagkakatulog si Callista.

"Ate naman," impit kong suway nang umakmang lalapit na naman ito sa bata.

Inis kong hinila si Ate palabas ng kuwarto. Tatawa-tawa naman itong nagpahila sa akin hanggang sa nakalabas kami.

"Ikaw talaga, huwag mo masyadong ibaby si Calli. Inaaway nga ako niyan eh! Kita mo ba 'to?" Nakanguso niyang pinakita ang braso sa akin. "Kinurot niyan ako kanina."

Umirap ako. "Ang sabi niya sa akin ay inasar mo na naman daw siya."

Tumawa si Ate George. "Pikon kasi eh, gusto ba naman akong gawing kabayo, sasakyan niya raw ako hanggang kanto."

Humalakhak ako at hinampas si Ate George na nakakatawa kung magkuwento.

"Kumain ka na ba? Late ka na naman umuwi ah?" Aniya at hinila ako papasok sa maliit naming kusina. "Hindi ka pa nakakapagpalit ng damit?" Aniya habang inaayusan ako ng pinggan.

Diretso itong kumuha ng kanin sa rice cooker at tumungo sa kaldero saka nagsalin ng ulam sa may bowl.

"Kauuwi ko lang eh, pinatulog ko muna si Calli," umupo ako sa kahoy na upuan at tiningnan si Ate. "Kumain ka na ba?"

"Oo kanina pa, kasabay ko si maldita," nilapag niya ang pinggan sa harapan ko. "Kumain ka na. Ang lakas ng loob mong magmuni-muni pa roon sa may bintana eh hindi ka pa pala nakakapagpalit ng damit."

Ngumuso ako sa sinabi niya. Pinulot ko ang kutsara at tinidor saka nagsimula nang kumain.

Umupo si Ate George sa harap ko habang hawak ang cellphone niya. Maya-maya pa ay bigla itong bumuntong hininga.

"Hindi ko alam kung sasabihin ko sa'yo.."

Nag-angat ako ng tingin. "Sinabi mo na, kaya go."

"Tinanong ko roon sa kakilala kong pulis sa bayan ang tungkol kay Papa."

I felt my heart skip a beat. "A-Ano raw?"

Namungay ang mga mata ni Ate George. "Susubukan niya raw icheck, pero mukhang matatagalan daw dahil anim na taon na ang nakakalipas."

Lost Stars (On-Going)Where stories live. Discover now