Kabanata 25

33 4 0
                                    

Kabanata 25

Kabado ako habang bitbit ang mga pinamili ko sa palengke bago dumiretso sa bahay. Nasa may kanto pa lang ako ay ilang tricycle driver na ang nang-uto sa akin para sa kanila sumakay, pero mas mahal kasi kapag hindi sa kanto magmumula ang tricycle.

Isang malaking eco bag ang bitbit ko at sukbit ko naman ang bagpack sa likod. Ayaw ko sanang umuwi ngayong pasko, dahil magiging malungkot si Jerace ngayon lalo pa at hindi pa rin sila nagkakabalikan ni Drain. Kaso wala naman akong magagawa dahil lalo lang magdamdam si Papa..saka si Ate George.

Napangiti ako nang maalala na nagiging mabuti na ang sitwasyon namin ni Ate George. Sa halos apat na buwan ay palagi siyang natawag na hindi ko inakalang posible pa lang mangyari.

Bago ako bumyahe kanina, ginising ko muna si Jerace para magpaalam. Mahigpit ang yakap nito sa akin at sinabing mag-enjoy raw ako at bumalik sa 26. Natatawa pa nga ako dahil halata na naiiyak siya.

"Punasan mo muna luha mo," pang-aasar ko.

Napanguso ito at maya-maya'y humikbi na. Nagulat ako.

"C-Chenny, sama na lang ako sa'yo, puwede?" Aniya habang pinupunasan ang mga luha.

"Paano sina Ma'am Kate?" Umupo ako sa kama niya at nakitulong na rin sa papupunas ng kaniyang mga luha. "Babalik din naman ako sa 26, dalawang araw lang ako roon, o kaya kahit sa 25 ng hapon."

"Talaga? Video call tayo mamayang noche buena ah?" She smiled.

Tumango ako. "Makipag-ayos ka na kasi kay Drain, ilang buwan ka na ring hinahanabol noon."

Natigilan siya at maya-maya'y ngumiti ng malungkot sa akin. "B-Bukod sa nahihiya ako sa kaniya, hindi ko pa kaya siyang harapin."

Nakakaintindi akong tumango at ilang beses pang nagpaalam bago niya ako pakawalan. Pinagbaon niya pa ako ng sobrang daming pagkain na ako na nga lang ang nagbalik ng iba sa kusina nila noong hindi siya nakatingin. Binigay niya na rin ang regalo sa akin at nagulat pa ako nang makitang two piece swimsuit iyon! Sila raw dalawa ni April ang pumili kaya dapat daw akong magalak.

Bumuntong hininga ako at tiningnan ang kawayan naming gate. Dahan-dahan akong lumapit doon at binuhat iyon para hindi makaladkad ang lupa. Hindi kasi iyon mabubuksan kung itutulak lang, lalo at basa ang lupa. Tiyak akong maulan dito sa amin dahil buwan ng Disyembre.

Umihip agad ang malamig na hangin na nagpataas sa mga balahibo ko. Kinuha ko muna ang eco bag bago ako tuluyang pumasok sa loob. Hindi pa man ako nakakalapit sa hagdan paakyat ng pintuan ay dinig ko na ang malakas na tunog sa loob, mukhang nagpapatugtog sila.

May lumabas sa pinto kaya natigilan kami pareho. Lumawak ang ngiti ni Ate George nang makita akong paakyat pa lang sa hagdanan!

"Chen!" Sigaw nito at mabilis na bumaba.

Kinabahan pa ako dahil baka sumala ang mga paa niya sa hagdan.

"Dahan-dahan, Ate George," suway ko sa kaniya.

Agad niyang kinuha ang eco bag na bitbit ko at ngingiti-ngiting pinagmasdan ako. Umiwas ako ng tingin, hindi ako sanay na ganito siya sa akin.

"Ilang buwan kitang hindi nakita ah?" Ramdam ko ang ilang niya. "S-Sa tawag ko lang, naririnig ang boses mo."

Ngumiti ako. "Ako rin, Ate George."

"Lalo kang gumanda," nahihiyang aniya at iginiya na ako paakyat. "Nariyan si Mama, pero paalis din 'yan maya-maya, nag-aayos ngayon eh." Bulong niya.

Nang makapasok kami ay bumungad sa amin si Samuel na natigilan nang makita ako sa likuran ni Ate George. Nagtatakang tumingin si Ate sa kaniya bago sa akin.

Lost Stars (On-Going)Where stories live. Discover now