Kabanata 1

94 8 0
                                    

Kabanata 1

Nagising ako isang umaga na nagtatalo sina Papa at Mama sa hapag kainan. Napatingin ako kay Ate George nang bigla itong tumayo.

"Ano namang masama sa pagtatrabaho ni Chenniah, Papa?"

Galit na tumingin si Papa kay Ate. "Ikaw nga na malaki na ay hindi ko pinagtatrabaho! Tapos si Jamie na labing anim na taon pa lamang, gusto niyo nang itaboy pa maynila?! Ano bang nangyayari sa inyo?!"

Natahimik si Ate George, tumayo si Mama at iniatras si Ate. "Sa tingin mo ba, sapat ang kinikita mo sa atin? Nag-iisip ka ba, Romulo?  Bakit ayaw mong pagtrabahuin si Chenniah? Eh wala naman iyang ginagawa rito!"

"Gina! Nag-aaral pa si Jamie!"

"Wala akong pakialam! Tanginang bata 'yan! Puro gastos na lang! Sa kaniya lahat napupunta, lahat ng sahod mo!" Tinuro niya si Papa. "Pasasamahin ko 'yang si Chenniah kina Aling Berna papuntang Maynila at wala kang magagawa roon!"

Galit na tumayo si Papa at padabog na binitawan ang hawak na baso bago lumabas ng bahay. Nagtago ako sa hagdan na kahoy namin at hinintay na tumahimik bago lumabas doon. Lumakad ako palapit sa kusina at pinukol agad ako ng galit na mga tingin nila Ate George at Mama.

Nagbaba ako ng tingin at dumiretso sa lababo. Naghilamos ako at nagmumog. Muntik na akong matumba nang bundulin ako ng mga balikat ni Ate George.

"Tumabi ka nga! Tanghali na gumising! Ni hindi ka man lang nakapaglinis dito!"

Hindi ako nagsalita at binigyan siya ng espasyo sa lababo. Napatingin ako kay Mama na masama ang tingin sa akin.

"Bukas na bukas din ay sasama ka kina Aling Berna. Nasabihan ko na 'yon kahapon."

Kahit na alam ko na naman kung para saan ito ay nagtanong pa rin ako.

"Bakit po ako sasama?"

"Magtatrabaho ka roon. Aba, Chenniah, hindi man puwedeng habambuhay ka na lang nakaasa sa amin at sa Papa mo, kailangan mo ring magbanat ng buto. Puro paghihirap na lang ang naranasan namin sa 'yo."

Kinagat ko ang pang-ibabang labi. "P-Paano po ang pag-aaral ko? Hindi pa po ako tapos ng Grade ten."

"Wala akong pakialam sa pag-aaral mo. Titigil ka na. Hindi ba at ikaw lang naman ang may gusto niyang pagpasok mo sa school?"

"Naiinggit kasi sa akin, Ma." Singit ni Ate George.

"Mainggit ka talaga sa Ate mo, nakapagtapos ng highschool. Kaya kailangan mong magtrabaho para may maipang tuition ito sa college niya."

Hindi na ako nakapagsalita kahit na ang dami kong gustong sabihin sa kanila, alam kong mas magagalit lang silang dalawa sa akin at baka hindi na mahintay ang bukas at ngayon na ako paalisin.

"Ano?!" Si Cha.

Bumuntong hininga si Jen. "Bakit ka pupuntang Maynila?"

"Magtatrabaho raw ako e." Tinapon ko ang maliit na bato patungo sa ilog. Gumawa iyon ng bulabog sa tubig na masarap panoorin.

Narito kami sa ilog malapit kina Jen ngayong hapon. Mamayang gabi na ako mag-aayos ng mga damit at bukas ng madaling araw daw kami aalis papuntang Maynila sabi ni Aling Berna sa akin. Pumunta siya sa amin kanina at kinumpirma kung sasama nga ako. Sinabi raw kasi ni Papa na hindi siya payag pero walang nagawa si Papa nang si Mama na ang nagsabi na isama na nga raw ako bukas.

"Ha at bakit naman?! Ang bata mo pa, Chen!" Inis na sinabi ni Cha. "Si Mama nga ay hindi pinapayagan si Kuya Charles na magtrabaho kahit na twenty na iyon."

"Magkaiba naman kasi kayo ng Mama, Cha. Alam nating lahat na mangkukulam si Aling Gina." Si Jen at agad na yumakap sa akin.

"Paano na ang pag-aaral mo, Chen?"

Lost Stars (On-Going)Where stories live. Discover now