Simula

222 12 1
                                    

Sabi nila, isa raw akong kumikinang na bituin. Tinitingala raw ako ng lahat. Marami pa ang nagsasabi na suwerte ang makakasungkit ng matamis kong "oo". Marami ang sumubok, pero natatawa na lang ako kapag paulit-ulit nilang sinasambit na isa akong bituin sa kalangitan.

Kumikinang, nakakahalina, magandang pagmasdan..at higit sa lahat mahirap abutin.

Hindi ko iyon pinapansin noon dahil biru-biruan lang naman iyon sa amin. Hindi ako naniniwala dahil malabo iyon. Parang wala iyon sa bokabularyo ko.

Wala ako sa teleserye o sa libro para pangarapin ang bagay na iyon.

Ang buong atensyon ko ay nasa aking pag-aaral, ang aking pamilya at kung paano ko sila maiaangat sa kumunoy ng kahirapan.

"Chenniah!" May sumigaw ng pangalan ko. Dinig na dinig ko 'yon kahit na nasa tuktok ako. Alam ko na agad kung sino 'yon base pa lang sa tono.

Mabilis akong tumayo at tiningnan ang dalawa kong kaibigan na nag-aalala na ang tingin sa akin.

"Mauna na ako, Jen at Cha!"

Nagkatinginan sila at agad na tumayo. "Mag-ingat ka, Chen. Balitaan mo kami. Pumunta ka agad kina Cha, ah?" Si Jen na halata ang pag-aalala. Sumegunda si Cha at tumango-tango pa.

Ngumiti ako at tumango. "Sige! Ingat kayo pauwi! Maraming bato sa dinaanan natin." Kumaway pa ako bago tumalikod sa kanila.

Sinimulan ko nang baybayin ang matalahib na daan pababa. Madali lang naman pumunta sa tuktok kung saan kami tumatambay nila Jen at Cha kaso ang mahirap ay ang pababa na. Masyadong inggitero ang daan na ito sapagkat nangangailangan talaga ng matinding atensyon.

Kamuntikan na akong madulas buti na lang agad kong naibalanse ang sarili. Natawa ako at inayos ang suot na bestida.

"Chenniah!! Chenniah!" Iyon agad ang bungad pagkapasok ko sa loob ng bakuran.

"Po? Nandiyan na po!" Sigaw ko at agad na umakyat sa bahay. May hagdan kasi kami bago pa makapasok sa pinakaloob.

Luma na rin ang bahay na ito na tinirhan pa yata ng mga ninuno ko. Hindi ko alam pero halata naman sa dingding, ngunit ayos pa naman siya. Isang beses lang namin itong naipaayos.

Hinihingal akong pumasok sa loob. Naabutan ko si Ate George na masama na agad ang tingin sa akin. Katabi niya ang nobyo niya na hindi ko mawari kung normal lang ba ang bawat pagtitig niya o ewan. Hindi pa rin ako sanay na narito palagi ang nobyo niya sa bahay.

"Saan ka na naman galing?" Tumaas ang isang kilay niya. "Naglakwatsa ka na naman, ang mga hugasin sa kusina, hindi mo man lang inayos!"

"Naghugas ako kanina, Ate-"

"Sabing huwag mo akong tawaging Ate!"

Hindi ako nagsalita at pinigilan ang sarili na mangiti. Sanay na ako kaya hindi na ako nagugulat pa sa mga sigaw nila.

"Nariyan na si Chenniah?!" Hinanda ko agad ang sarili sa isa pang sisigawan ako.

Sorry, eardrums. Huwag kayong mangangalas, okay?

"Saan ka na naman galing?! Ang mga hugasan mo sa lababo! Pati 'yong mga labahan sa labas?! Sinong pakikulusin mo roon?" Sunod-sunod na sigaw niya.

Tumayo sina Ate George, lumingon pa siya sa akin habang naiiling. Pinanood ko silang pumasok sa silid nilang dalawa bago ako lumingon kay Mama.

"Pasensya na po. Hinugasan ko na po ang mga hugasin kanina pa bago ako umalis. Naglinis na rin po ako-"

"Tangina! Sinungaling ka talagang bata ka!" Binaba ko ang tingin sa sahig namin na may bakas pa ng floorwax mula sa paglilinis ko kanina. "Edi kung naglinis ka, sana walang kalat ngayon!" Hindi na rin ako nagulat nang malakas niya akong duruin sa noo. "Ano bang gagawin ko sa 'yo! Nakakainit talaga ng dugo ang histura mo! Lumayas ka sa harap ko at baka masampal na naman kita." Hindi pa man ako nakakahakbang ay nagsalita ulit siya. "Umayos ka ha, parating ngayon ang papa mo."

Lost Stars (On-Going)Where stories live. Discover now