===Zenrie===
Mag-isa akong nakatayo sa harapan ng hardin habang pinagmamasdan ko ang mga magagandang paruparo sa paligid. Naaamoy ko rin ang halimuyak ng mga bulaklak na nakatanim dito at tila mas lumalago na habang nakatingin ako sa mga ito lalo na sa mga makukulay nitong talulot. Humahaplos ang malamig na hangin sa aking balat at tinatangay pa ang iilang hibla ng aking buhok. Maaliwalas din ang panahon at nakangiti ang haring araw sa kalangitan.
Habang nakatingin sa lilang rosas, isang napakalambing na tinig ang tumawag sa aking pangalan na biglang nagpaudyok sa aking mga luha na tumulo. Isang boses na matagal ko nang hindi naririnig sa halos isang dekada.
"Zenrie, anak?" pagtawag niya sa akin.
Lumingon ako sa aking likuran at nasilayan ko ulit ang kanyang mga matang nagniningning na parang bituin sa langit. Mga ngiting abot langit ang kanyang nararamdaman nang muli kaming magkita ulit. Nakasuot din siya ng lab coat na kasingkulay ng perlas at ito ang isa sa mga damit na minsan ko nang sinubukang isuot noong bata pa ako.
"Mama!" nagagalak kong saad.
Agad akong lumapit sa kanya at niyakap nang mahigpit at ganoon din siya. Muli ko na namang naramdaman ang kanyang mainit na pagmamahal na matagal ko nang hindi naramdaman simula nang maaksidente siya.
"Ano pong ginagawa niyo rito?"
"Binibisita kita anak," nakangiting sabi nito.
Maya-maya pa'y nag-iba ang kanyang ngiti at tingin. Unti-unting naging seryoso ang pagtingin ni mama sa akin at huminga pa ito nang malalim. Parang may gusto siyang sabihin sa akin na isang mahalagang bagay pero hindi ko alam kung ano 'yon. Naninibago ako sa kanya nang konti.
"May problema po ba ma?" pagtataka ko.
Hinawakan niya agad ako sa kanang balikat at tumingin sa akin nang diretso na parang nagungusap ang kanyang mga mata sa aking isipan.
"May kailangan akong sabihin sayo Zenrie."
"Ano po ba 'yon ma? May kinalaman po ba ito sa virtual world?"
Tumango siya sa akin ng dalawang beses nang mabanggit ko ang mga salitang virtual world. Hindi ko alam kung ano ba ang nais niyang sabihin tungkol dito dahil sa mga oras na ito ay may natutuklasan na naman kaming mga misteryo.
"Zenrie, kailangan mong mahanap ang asul na paruparo sa virtual world dahil nasa kanya ang susi upang mapanatili ang kailgtasan nila laban sa nag-aabang na delubyong darating sa mundong iyon. Kailangan maging maingat ka at alisto sa lahat ng pagkakataon," paalala niya sa akin.
Napakunot ako ng noo sa aking mga narinig at agad na nagtaka sa kanyang mga sinabi. Ano namang klaseng delubyo ang sinasabi niyang darating sa Virtual World? At isa pa, bakit gusto niyang ipahanap sa akin ang asul na paruparo? Eh lagi namang umaaligid sa akin 'yon habang naka-log in ako.
"Delubyo? Asul na paruparo? Ano po bang ibig sabihin ng sinasabi mong delubyong darating sa virtual world? Huwag niyo po sabihing may masamang mangyayari sa mundong iyon kaya ka dumalaw sa'kin," sabi ko habang napahimas sa baba.
"Maliban sa pagbisita ko sayo, kailangan din kitang balaan at paalalahanan anak," sabi naman niya.
Napayuko ako nang konti sa mga sinabi niya. Magkahalong saya at kaba ang nararamdaman ko habang kaharap ko si mama. Hindi ito kagaya ng dati sa oras na makaharap ko siya ay lagi ko na lang masilayan ang kanyang mga ngiti. Ngayon kasi... parang ang seryoso niya kahit medyo malambing ang boses niya.
YOU ARE READING
Class Code: ERROR
Science FictionHighest rank #1 in Virtualworld (12-03-2020) "Project: Virtualrealmnet" - the advance technology equipment that helps every student to continue their education despite the pandemic caused by a terrible virus called RespiroRoachVirus. It's a portal t...
