Chapter 8: A Forest behind the Wall

Start from the beginning
                                        


"Mahilig ka talaga sa itim at navy blue ano? Sa totoo lang bumagay talaga sayo ang isinuot mo ngayon Black Navillerian Angelus," sorpresang bungad ng asul an paruparo sa aking kaliwa na parang kabute. Hindi na rin ako nagulat na magpapakita ulit siya sa akin bago pa namin simulan ang misyon. Pero naiinis lang ako nang konti sa kanya dahil tinawag na naman niya ako sa aking palayaw sa laro at dito pa mismo sa restroom. Alam naman nating marami ring pumapasok rito at baka mabuking pa ang sikreto ko kapag may isang user o estudyanteng nakapasok dito.


Huminga ako nang malalim at saka hinarap ang asul na paruparo upang kausapin siya. "Nandito ka na naman pala asul na paruparo," malumanay kong sabi sa kanya.


"Siyempre naman ano? Kahit saan ka pa pumunta lagi kitang pinagmamatyagan," masayang sabi nito.


Nanag marinig ko ang kanyang mga sinabi ay agad kong tinakpan ang aking dibdib gamit ang dalawang kamay na nakahawak sa magkaibang direksyon ng aking balikat. Hindi ko alam kung ano bang trip ng paruparong ito at hindi ko inakalang pati rin pala sa pagbibihis ko rito ay sinusundan pa ako. Anak ng tinapang giliw naman oh!


"Sandali lang, kanina mo pa ba ako minamatyagan habang nagbibihis ako rito?" nagtatakang saad ko sa kanya.


"Ngayon lang ako nagpakita Zenrie noh! Anong akala mo sa'kin mamboboso? Hindi ako ganoon lalo na't babae rin ako gaya mo pero paruparo nga lang," sagot naman ng asul na paruparo.


Nakahinga ako nang maluwag at ibinaba ang aking mga kamay. Akala ko tuloy kanina pa ito nakamasid at talagang mapipisa ko na siya kung nagkataon.


"Sabi mo nga eh," kalmadong sabi ko. "Paano mo nga pala ako nahanap sa virtual world asul na paruparo?"


"Dahil sa data energy signal na taglay mo Zenrie. Isa pa, huwag mo akong tawaging asul na paruparo dahil may pangalan ako," medyo naiinis niyang saad saka nagbuntong hininga muna. "Ako si Blaurei. Pasensya na kung nakalimutan kong magpakilala sayo sa unang pagkikita natin. Ikaw kasi bigla na lang nag-log out nang banggitin ko na ang pangalan mo sa laro na nagsisimula sa 'K'."


Napakaganda naman ng pangalan ng paruparong ito. Blaurei. Parang mula sa salitang German ang kanyang pangalan at talaga namang bumagay sa kanya ito.


Pero nakakapagtataka. Ano bang meron sa data energy signal ko kaya sunod nang sunod sa akin si Blaurei kahit sa beta test pa lang? Siguro nga iniengkanto na ako o susunduin na ng isang shinigami sa virtual world. Sa usaping agad nag-log out naman, inunahan ako ng aking kaba dahil babanggitin na niya ang aking pangalan maliban sa alyas kong Black Navillerian Angelus. Iniisip ko noon na isa siyang AI na stalker.


"Pasensya na kung agad akong nag-log out noon. Ikaw naman kasi Blaurei ginulat mo ako," sabi ko sa kanya.


"Humihingi na rin ako ng pasensya dahil hindi rin ako nagpaalam sa iyo agad na nagsasalita ako," sabi niya.


Mabuti naman at nagkakamabutihan na kami kahit para siyang kabute kung sumulpot. Ang mas nakakatakot lang dito ay baka sumulpot siya habang kasama ko ang iba pang mga estudyante lalong-lalo na si Zoiren na hindi pa alam ang aking sikreto.

Class Code: ERRORWhere stories live. Discover now