Chapter 5: A Night Before Class

Start from the beginning
                                        


"Cyberus Synch!"



========


Strelia Aurelis University, 09:00 PM


Dinala ako ng Virtualreamlnet sa eksaktong lokasyon dito sa gusali ng Arts and Sciences Department at umupo sa may bench habang naghihintay kay Mimi. Ang kaibahan lang ngayon ay nakasuot ako ng pantulog at kulay itim na hoodie jacket dahil na rin sa lamig ng hangin dito. Para talagang nasa tunay na SAU ako rito sa virtual world dahil sa mga nararamdaman ko gaya ng hangin. Napakaliwanag din ng buwan sa langit kasama ng mga nagniningning na bituin. Ang ganda talagang pagmasdan ng mga ito. Pero mas maganda pa rin kapag nasa tunay na mundo ka.


Maya-maya pa'y may tumapik sa aking kanang balikat na ikinagulat ko. Lumingon ako agad sa likod at tumambad nga sa aking harapan si Mimi na nakasuot ng kulay rosas na pajama at isang makapal na puting sweater. Nakangiti siya sa akin at ganoon din ako sa kanya.


"Kumusta Riri," masayang sabi nito sa akin.


Walang anu-ano'y agad ko siyang niyakap sa sobrang pangungulila ko sa kanya simula noong ipinatupad ang community quarantine sa bansa. Napakasaya ko ring makita siya kahit hindi ito ang tunay na mundong kinagagalawan namin.


"Nagkita na rin tayo rito sa wakas dito sa virtual world Mimi. Na-miss talaga kita!" masayang sabi ko sa kanya.


"Ako rin naman kahit dalawang araw tayong hindi nagkita simula noong ipinatupad ang pagpapauwi sa atin dahil sa nakakainis na RespiroRoachVirus na 'to."


Agad kaming kumalas sa pagkakayakap at umupo sa bench. "Sinabi mo pa. Marami pa naman akong ikukuwento sayo ngayon simula nang umuwi ako sa amin at saka kasama na 'yong nangyari matapos kang tumawag sa akin kahapon."


Huminga na muna si Mimi nang malalim at saka lumingon ulit sa akin. Sa ginagawa niyang ito ay inilabas na muna niya ang kanyang nararamdamang inis dahil sa mga pinaggagagawa sa akin ng pugita at pusit sa dati kong tinitirhan. Lagi ko kasing ikinukuwento sa kanya ang mga kaganapan at kalagayan ko sa tuwing umuwi ako sa amin at siya rin ang pinagbabantaan ni madra noon.


"Ok Riri, sabihin mo sa akin ang mga nangyari."


Tumango ako sa kanya nang dalawang beses at sinimulang ikuwento sa kanya ang mga pangyayari. Sinabi ko na rin sa kanya ang nangyari matapos ko siyang tawagan kahapon na binuhusan ako ni madra ng tubig, pinagpapalo gamit ang matigas na sandok, mga pananakit at ang pagsira ni Arman sa aking salamin kaninang umaga bago pa man kami makatakas. Nagulat ako sa reaksyon ni Mimi at talagang nanggigigil na talaga siyang manapak ng isang halimaw dahil sa mga narinig niya.


"Anak ng tinapa!" nabulalas sa inis si Mimi. "Grabe naman ang mga kumag na 'yon sayo Riri. Alam ba nilang pwede silang makulong dahil sa pagmamaltrato nila sayo? Ano rin ba kasi ang nakain ng mga swapang na 'yon kaya nila kinokontrol ang isipan ng papa mo at hinayaan kang magdusa sa mga kamay nila? Isa pa, hindi ako matitinag sa kung ano pa man ang ibabanta sa akin ng pugita mong madrasta at gagawin ko talaga ang nararapat," sabi sa akin ni Mimi na may halong gigil sa pananalita nito.

Class Code: ERRORWhere stories live. Discover now