Chapter 39

182 11 0
                                    

Sarado ang pinto, patay ang mga ilaw at mga basag na gamit. Iyan ang matatagpuan sa silid ni Theo na ngayon ay nakahiga sa kama at nakatalukbong ng kumot. Dalawang araw na itong nagkukulong sa silid, walang kain at iniinom na tubig. Kapag pumapasok naman sina Caridad, Armando, at Dr. Steve ay pagsigaw lamang ni Theo ang bumubungad sa mga ito.

Samantala, habang walang kamalay-malay si Rina sa mga kaganapan sa loob ng mansion, abala naman siya sa pag-aasikaso sa kanyang ina na nasa hospital. Sa kabutihang palad, maayos naman ang ina niya, ang kailangan lamang talaga ay palakasin ang resistensya ng ginang para hindi na ito mabilis na dapuan ng sakit.

"Ma, huwag po ninyong pababayaan ang sarili n'yo. Kaya nga ako nagtatrabaho ay para hindi na kayo mahirapan at makakain kayo ng tama tapos ito ang malalaman ko," wika ni Rina sa kanyang ina na nakahiga pa rin sa kama ng hospital.

"Pasensya na Anak, tinitipid ko lang din kasi ang perang binibigay mo sa amin kasi alam ko naman kung gaano kahirap kumita ng pera."

"Ma, h'wag n'yo na po akong alalahanin, at isa pa, malaki-laki naman ang sinasahod ko kaya please, huwag n'yo na pong intindihin iyon."

"Pero..."

"Basta, Ma. Kapag nagpadala ako ng pera, gusto ko ay bumili ka nang mga pagkain na sasapat para sa inyo. Huwag n'yo pong tipirin ang sarili ninyo lalo na sa mga masusustansyang pagkain dahil kailangan n'yo iyon."

"Okay, nak."

"Promise 'yan, Ma, a. Matulog din nang maaga at huwag magpapagod. Andyan naman sina Jan at Julius. Pwede n'yo po silang utusan hindi 'yong sinasalo n'yo lahat ng gawain."

"E, nag-aaral ang mga kapatid mo."

"Ma, ayos lang 'yon. Mababait at masisipag naman ang mga kapatid ko kaya tiyak na maiintindihan ka nila kung may ipapakisuyo ka."

"Sige nak."

Huminga si Rina nang malalim. Noong nabalitaan niyang nasa hospital ang kanyang ina, hindi talaga siya mapakali subalit nang makita at masiguro niyang okay na ito, doon pa lang din siya nakahinga nang maluwag. Mahal na mahal kasi niya ang kanyang ina, iniwan na nga sila ng kanyang ama kaya hindi siya makapapayag na pati ito ay iwan silang tatlong magkakapatid. Gusto niya pang masaksihan nito ang pagtatapos ng dalawa niyang kapatid at kung papalarin ay ang makita nitong nakapagtapos din siya. Alam kasi niya kung gaano kahalaga at kasaya ang isang magulang kapag nakikita nito ang mga anak na nakapagtapos at nakuha ang diploma.

Panalangin niya na sana mas bigyan pa ng mahabang buhay ang kanyang ina dahil kapag siya ay nakaluwag-luwag o nakapag-ipon, nais niyang manatili nang matagal kapiling ang pamilya o masulit ang panahong kasama ang mga ito. Sa ngayon ay hindi pa niya iyon magagawa dahil mayroon siyang trabaho. Hindi rin naman pwedeng hindi siya magtrabaho dahil hindi sila mabubuhay.

Hihintayin na lamang niya ang panahon na nakaluwag-luwag na sila.

Tatlong katok sa pinto ng silid kung nasaan sila ang nagpabalik kay Rina sa kasalukuyan. Tumayo siya at lumapit sa pinto upang buksan iyon. Gumuhit ang nahihiyang ngiti sa mga labi niya nang mapagkungsino ang naghihintay sa labas ng silid na mapagbuksan. Ang mag-asawang Armando at Caridad.

"Bakit po kayo nandito?" nauutal na tanong niya.

"Gusto lang din namin kumustahin ang mama mo," sagot ni Caridad pagkatapos inangat nito ang hawak na basket na may lamang mga prutas.

"Pasok po kayo."

Magkatabing naupo ang mag-asawa. 

"Kumusta ho kayo?" simula ni Caridad sa ina ni Rina na higit na mas matanda rito.

Enchanted in HellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon