Chapter 9

363 35 24
                                    

Lunes nang makabalik si Rina sa trabaho. Alas kuwatro nang umaga siya bumiyahe para makarating agad sa mansion ng Ledesma.

Nasa asotea siya upang abangan ang paglitaw ng araw. Masarap pagmasdan ang pagsikat nito sa puwesto niya dahil nasa mataas siyang lugar. Bukod sa mga bundok at kalangitan ay natatanaw niya rin sa malayo ang mga maliliit na kabahayan na bukas ang mga ilaw. Parang maliliit na bituin sa lupa ang mga bahay na iyon na may mumunting liwanag.

Hindi kalakihan ang Baranggay San Pascual. Halos maliliit na kabahayan lang ang makikita rito. May mga malalaking bahay rin subalit wala pang tatalo sa laki ng mansion ng Ledesma. 

"You're here."

Napalingon si Rina sa nagsalita sa likod niya. Si Theo iyon na naglalakad palapit sa direksyon niya subalit bigla na lamang itong huminto nang malapit na ito sa glass door. Umatras ito nang bahagya.

Ngumiti si Rina at hinatak sa kamay si Theo palabas. Kailangan nitong subukan lumabas. Kung hindi nito gagawin iyon ay paano ito masasanay? Paano nito makakalimutan ang pinagdaanan nito noon kung palagi nitong kinukulong ang sarili?

"Wait," nauutal na pigil nito sa kaniya habang pilit na tinutukod ang isang paa para hindi niya ito magawang hatakin.

"Ano ka ba, okay lang 'yan," pangungumbinsi ni Rina sa lalaki.

Dahan-dahan silang naglakad. Nang makalapit ay nilagay ni Rina ang kamay ni Theo sa harang. 

"Ano bang nakakatakot sa paglabas? Ayaw mo bang makita ang ganda ng mundo?" 

Umismid si Theo at nanatili lang ang tingin sa isang direksyon. Halos hindi nito ginagalaw ang ulo at katawan.

"Anong nangyari sa 'yo? Naestatwa ka na riyan," natatawang sabi ni Rina habang nakatitig sa lalaki.

"Shut up!"

"Enjoyin mo kaya ang paligid."

"I'm trying. Tinitingnan ko naman kaso wala talagang maganda sa nakikita ko. It is all junk. Mga maliliit na bahay. Iyon lang."

"Aminin mo, kailan ka huling nakalabas ng bahay niyo?"

Napakapit si Theo nang mahigpit sa hawakan sa Asotea. Naalala niya na naman ang nangyari noon dahil sa tanong ni Rina sa kaniya.

Walong taong gulang pa lang siya noon ay palagi na siyang mag-isa dahil palaging wala ang mommy at daddy niya. May mga kasambahay pa sa mansion ng Ledesma noon. Sila rin ang palaging nagbabantay at nag-aalaga sa kaniya. Subalit dahil musmos pa ay hindi maiaalis sa kaniya ang kagustuhan na makita ang mundo. Lumabas siya ng mansion nang mag-isa. Hindi siya nagpaalam dahil alam niyang hindi siya papayagan ng mga masusungit nilang kasambahay.

Noon pa man ay napakahigpit na rin ng ama niya sa kaniya. Lagi siya nitong pinagbabawalang lumabas ng bahay. Elementarya pa lang siya noon at ang tanging napupuntahan niya lang ay ang school at mansion nila.

Dala na rin ng kuryosidad at kasabikan na makita kung ano pa ang nasa labas, pinili niyang umalis ng mansion at hanggang sa may taong humarang sa daraanan niya. Binuhat siya nito at sinabit sa balikat na animo'y nagbubuhat lang ng isang sakong bigas.

Napaatras si Theo at napabalik sa loob ng mansion. Mabilis ang paghinga niya at nanlalaki ang mata na para bang nakakita ng nakakatakot na nilalang. Napatid siya at napaupo sa sahig.

"Theo, okay lang 'yan."

Nakita ni Theo ang imahe ng kaniyang ina na yumakap sa kaniya. Yumakap din siya rito pabalik. "Theo, okay lang. Walang mangyayaring masama."

Napakurap si Theo nang marinig ang boses ni Rina sa halip ang kaniyang ina. Doon ay napagtanto niya na si Rina ang yumakap sa kaniya at hindi ang kaniyang ina.

Enchanted in HellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon