Ikawalompu't-isang Kabanata

888 36 4
                                    

The Evil Emperor

Makulimlim ang langit. Nangingitim ang makakapal na ulap na bumalot sa bughaw na kalangitan. Kumikidlat din na kulay lila na may kasamang kulog na dumadagundong sa kapaligiran. Bahagya ring lumakas ang ihip ng hangin.

"Umalis na kayo rito. Hindi na ligtas ang lugar na ito," sambit ko sa mga kasama ko.

"Charlotte, kung may maitutulong kami sa'yo, magsabi ka lang," sambit ni Erasmus.

"Kamahalan, sa ganitong pagkakataon, ang tanging maitutulong ninyo sa akin ay ang panatilihing ligtas ang inyong mga sarili. Kaya naman bumalik na kayo sa inyong mga ligtas na pinagtataguan," sambit ko.

Napansin ko naman si Prinsesa Adara na patuloy pa rin sa pag-iyak. Marahil hindi niya matanggap na wala na si Alexeus.

"Prinsesa Adara, paumanhin...Dahil sa'kin kaya nawala si Alexeus," sambit ko.

Tumingin siya sa'kin ng deretso. "Oo, Charlotte. Kasalanan mo kung bakit nawala si Alexeus. Gusto kong magalit sa'yo at sisihin ka. Ngunit naalala ko, siya nga pala ang iyong hinirang na kabalyero. Marahil iyon talaga ang kanyang kapalaran. Ang ibuwis ang kanyang buhay upang mapanatili kang ligtas at buhay," sambit niya.

"May nararamdaman akong malakas na puwersa. At hindi maganda ang kutob ko rito. Sige na, humayo na kayo at manatiling ligtas," sambit ko.

Tumango naman sila. Tapos ay sumakay na sila sa kanilang mga kabayo at tumakbo paalis.

Pumasok na ako sa bulwagan ng palasyo. Ang dating kulay pula at ginto na nangigibabaw na kulay sa palasyo, ngayon ay kulay itim at lila na.

Naglakad-lakad pa ako at tila walang tao dahil sobrang tahimik ng lugar. Mayamaya ay huminto ako dahil may nararamdaman ako sa paligid na may kung sinong nagmamasid sa'kin.

Paglingon ko sa gawing kaliwa ay may nakita akong isang dama.Nagtatago siya sa may poste ng palasyo na tila takot na takot. Pagkatapos ay nilapitan ko siya.

"M-Magissa..." sambit niya. Bakas ang labis na takot na may halong lungkot sa kanyang mukha.

"Anong nangyari rito? Nasaan ang mga tao?" tanong ko.

"A-Ang ilang dama po ay naiwan dito at ginawang tagasilbi ni Emperador Basilious at Despoina nang masakop nila ang Stavron," sambit nito.

Napansin ko naman na may nakakabit sa kanyang leeg. Lumiliwanag ito na kulay lila.

"Ano 'yang nasa leeg mo?" usisa ko.

Kinapa niya ang bagay na nasa kanyang leeg. "Eto po ba? Lahat kami na nagsisilbi rito sa palasyo ay kinabitan ng ganito ni Basilious. Kapag sinuway namin siya,isang pitik lang niya ay gagana ang bagay na ito at pupugot sa aming ulo," sagot niya.

Napagkuyom ko ang aking kamay at nagpuyos ang aking damdamin. Napakahayop talaga ng Basilious na 'yan.

"Nasaan siya?" tanong ko sa dama.

"Marahil po ay nasa silid-sambahan siya ni Panginoong Mulciber. Ngunit ngayo'y ginawa na niya itong sambahan ni Skotadi,"sagot ng dama.

"Magtago ka na at mag-ingat ka. Salamat," sambit ko. Tapos ay nagmadali na akong lumakad papunta sa silid-sambahan.

Nasa pinakadulo 'yon nitong unang palapag ng palasyo. Takbo lang ako nang takbo. Nararamdaman ko nga ang malakas na presensya at lalo itong lumalakas habang papalapit ako.

Mayamaya lang ay nasa tapat na ako nito. Lalong lumakas ang aking pakiramdam. Dahan-dahan kong itinulak ang malaki at matayog na pinto nito.

Pagpasok ko sa loob ay nakita kong madilim dito. Ngunit may mga apoy ang mga sulo sa bawat sulok ng silid na nagsisilbi nitong liwanag.

Magíssa: Elemental SorceressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon