Ikalabingapat na Kabanata

3.8K 159 38
                                    

The Temple of Zelion

Charlotte

"Narito na tayo," sambit ni Lucio pagbaba namin ng karwahe.

Napaawang ang aking bibig sa laki ng templo ng kanilang sinasabing pinuno. Hindi maipagkakaila ang antas ng kanilang 'pinuno' sa lipunan dahil sa kanyang tahanan. Ang laki. Parang Taj Mahal, 'yong museleo na mukhang palasyo ng isang maharlika sa India. At napalilibutan din ito ng tubig.

Pumasok na kami sa loob. 'Di ko maiwasang ilibot ang aking paningin dahil sa ganda at lawak ng paligid. Aba, may mga tubig din na dumadaloy sa bangbang ng sahig. Mukhang konektado ito sa isang malinis na ilog.

"Bakit panay tubig ang templong ito?" usisa ko habang patuloy lang kami sa paglalakad.

"Sapagkat nakatayo ito sa ibabaw ng isang ilog. Ayon ito sa kagustuhan ni Pinuno," sagot ng isa. Kaya pala. Bakit niya kaya ito naisipang gawin? Kakaiba ang trip ng isang 'to ah.

Nagpalinga-linga pa 'ko sa paligid. Halos puti at berde ang nangingibabaw na kulay dito. Makintab na gawa sa marmol ang sahig. Napakatataas ng kisame at sa sobrang lawak ng lugar, umaalingawngaw sa paligid ang aming mga yabag.

Tapos sa may mga nadadaanan din kaming mga naglalakihang rebulto. Iba-iba, may rebulto ng mga hayop, mandirigma, at ng diyosa. Mga kulay puti rin ang mga ito na mukhang gawa din sa marmol.

May mga muwebles din kaming mga nadaanan na 'di maipagkakailang may kamahalan pag iyong pinresyohan.

Pakiramdam ko, ilang oras na kaming naglalakad. Ang laki naman kasi ng templong ito. Medyo napapagod na ang mga paa ko.

"Narito na tayo," sambit bigla no'ng isa.

Huminto kami sa tapat ng isang malaking pintuan. Mukhang gawa sa isang matibay at makapal na kahoy ang malaking pintuan na ito na kulay puti at may mga komplikadong disenyo. Maging ang busol nito ay gawa sa ginto. Tapos ay kumatok ang isa naming kasama.

"Tuloy," sambit ng nasa loob.

Habang binubuksan nila Lucio ang malaking pintuang nasa harapan namin, na silid ng kanilang tinatawag na 'Pinuno' ay 'di maalis ang bilis ng kabog ng dibdib ko. Napapalunok na lamang ako at napagkuyom ko ang aking mga palad sabay hinga ng malalim habang nag-iipon ng isang baldeng lakas ng loob.

Pagpasok namin, yumuko agad ang mga rebeldeng kasama ko bilang paggalang siguro sa pinuno nila.

"Mahal na Pinuno, narito kami ngayon upang iharap sa inyo ang hinirang na Magíssa ng Stavron," sambit ng isa.

Nakatalikod siya sa'min habang nakatayo sa harap ng isang bintana.

"Ganoon ba? Sige. Maaari ninyo na kaming iwanan," utos ng kanilang 'Pinuno.'

Lalong lumala ang kabang nararamdaman ko kanina nang iwanan na ako dito nila Lucio. Pero kailangan kong harapin ang taong 'to sa ngalan ng kaligtasan ng pamilya ni Alexeus at ng Imperyo ng Stavron.

Nakasuot siya ng isang damit na mukhang pangmaharlika. Kulay itim na vintage gothic military jacket na may gintong detalye. Puti ang kanyang pantalon at naka-leather boots na itim at may kulay itim din siyang kapa. Talagang nayaman nga siguro ang taong 'to.

"Ikinagagalak kitang makilala, mahal na Magíssa," bati niya sa'kin sabay harap niya. Tapos ay ningitian niya 'ko.

Hindi naman ako makapaniwalang bata pa pala ang kanilang pinuno. Isang matangkad at makisig na binata, na siguro matanda lang sa'kin ng hanggang limang taon.

Tila mais ang kulay ng kanyang buhok at kulay kayumanggi ang kanyang mga mata. Maputi rin ang kanyang kutis.

"Bakit ganyan ka makatingin sa akin? Nabighani ka na ba sa taglay ko'ng kakisigan?" sambit niya habang iaayos-ayos pa ang kanyang buhok.

Magíssa: Elemental SorceressWhere stories live. Discover now