Ikaapatnapu't-pitong Kabanata

1.9K 72 3
                                    

Captive

Isasaksak ko na kay Alexeus ang hawak kong palaso ngunit pinilit kong pigilan ito. Napakahirap para sa'kin ang gawin ito dahil hindi ko mismo kontrolado ang sarili ko. Para akong nakikipagbuno sa aking sarili. Ang isa kong kamay ay nais saksakin si Alexeus ngunit pilit ko naman itong pinipigilan ng isa kong kamay.

Mukhang mahimbing talaga ang pagkakatulog ni Alexeus at hindi ko rin naman magawang ibuka ang aking bibig. Kaya't naisip kong sipain ang mahabang upuang tinutulugan niya. Kahit hirap na hirap akong makipagbuno sa sarili ko ay nagawa ko pa ring sipain ito.

Naalog ang upuan at nakagawa rin ito ng ingay. Agad-agad namang nagising si Alexeus. Agad siyang bumangon at halata sa kanyang mukha ang gulat at pagtataka.

"Charlotte, anong ginagawa mo?" pagtataka niya habang iniilagan ang mga pagtatangka kong pagsaksak sa kanya.

"H-hindi ko alam! Hindi ako 'to! Pakiusap, Alexeus. Tulungan mo 'ko!" pagsusumamo ko sa kanya habang patuloy lang sa pagtangka sa kanyang isaksak ang hawak kong palaso.

Nang may pagkakataon at sinalo ni Alexeus ang mga kamay kong may hawak ng palaso. Mahigpit siyang nakikipagbuno sa akin dahil sa oras na mabitiwan niya 'ko ay maisasaksak ko talaga iyon sa kanya.

Naagaw na niya ang palaso mula sa akin at agad itong itinapon. Wala na nga akong hawak na kahit ano ngunit sadya ko na lamang itinulak si Alexeus. Malakas ang pagkakatulak ko sa kanya dahil na rin sa kapangyarihan ng kosmima ng lupa kaya't tumalsik si Alexeus at napahampas sa pader ang kanyang likod. Sigurado akong napakasakit no'n dahil sa malakas niyang pagdaing.

Hindi pa man nakakabangon si Alexeus mula sa pagkakabagsak niya ay kusang gumalaw na naman ang aking katawan at lumabas ako mula sa aming tinutuluyan. Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng sarili kong katawan na mistulang may sariling pag-iisip.

Mabilis na kumikilos ang aking mga paa kung saan-saan. Walang katao-tao sa daan sa pagkat malalim pa ang gabi. Puno ng niyebe ang paligid at patuloy pa rin ang pagbagsak nito mula sa maulap na langit. Nararamdaman ko rin ang lamig nito sa aking mga paa ngunit hindi ko ito alintana.

Nakalampas na ako sa siyudad at nakarating na ako sa kakahuyan. Napakadilim at napakalamig ng paligid. Bakit naman kaya ako dadalhin dito ng sarili kong mga paa?

Kaunting lakad pa ay nakarating ako sa isang kuweba. Malaki ito at madilim. Ngunit habang dumadaan ako ay may mga sumisinding mga sulo na nakasabit sa pader. Nakakapagtaka lang dahil kulay lila ang apoy nito.

Naglakad pa ako nang naglakad at damang-dama ng mga paa ko ang malamig at mamasa-masa ang lupang nilalakaran ko.

Mayamaya'y nakarating na ako sa pinakaloob nito. Nakita ko ang isang malawak at patag na lupa at napalilibutan ito ng mga sulo na may kulay lilang apoy. Inilibot ko pa ang aking paningin at nagulat ako nang makarinig ako ng mga yabag ng paa kaya't tumingin ako sa direksyon kung saan ko ito narinig.

Nanlaki ang mga mata ko sa kung sinong nakita ko. "Kamusta, Magissa? Nagkita tayong muli," nakangising sambit nito.

"D-Despoina..."

"Mabuti't kilala mo pa 'ko. Nakakatuwa ka naman," sarkastiko niyang sambit.

"I-ikaw ang nagdala sa'kin dito?" tanong ko.

"Oo at wala nang iba. Nasa ilalim ka ngayon ng aking kapangyarihan," nakangisi niyang sabi.

Pagkatawa niya gamit ang matinis at nakakairita niyang tinig ay nakita ko na lamang na may mga taling may liwanag na kulay lila na nakagapos sa magkabila kong kamay at paa. Pinilit kong igalaw ang mga ito ngunit hindi talaga. Hindi ako makagalaw!

Magíssa: Elemental SorceressWhere stories live. Discover now