Ikadalawampu't-walong Kabanata

2.9K 121 25
                                    

Attack of Fidi

Pinatamaan ko ng palaso isa-isa ang mga Fidian na umaatake sa amin. Tapos ay nagiging yelo sila sabay dudurugin sila ni Alexeus sa pamamagitan ng pag-atake niya gamit ang Flago.

Sa totoo lang, kanina pa namin 'to ginagawa. Parang hindi sila nauubos. Alam kong ramdam na namin ang pagod ngunit wala sa isip namin ang pagsuko. Hindi namin maaaring hayaan na sirain pa nila ang baryong ito.

"Mukhang 'di sila nauubos. Ano nang gagawin natin?" tanong ko kay Alexeus habang hinihingal at magkatalikuran na kami kaya't ramdam ko na rin ang paghingal niya.

Inaatake namin ang mga Fidian na nagtatangkang lumapit sa mga kabahayan at sa mga halamang pananim. Pero ang dami talaga nila. 'Yong tipong pag may namatay, may darating agad. 'Yong totoo? Saan ba galing ang mga 'to?

"Kailangan nating paabutin ng umaga ang laban na 'to kahit anong mangyari," sambit ni Alexeus matapos niyang durugin ang isang Fidian na ginawa kong yelo.

"Hindi ko alam kung kaya ko pa, Alexeus." Hinihingal kong sambit matapos kong tamaan ng palaso ang isa at ito'y naging yelo. Wala naman kasi kaming pahinga at hindi rin naman puwede. Ni hindi ko na nga rin alam kung anong oras kami nag-umpisa.

Tumakbo si Alexeus sabay talon bilang pagbuwelo niya sa pagdurog sa Fidian gamit ang kanyang Flago, na ginawa kong yelo. 

"Kailangan nating kayanin, Charlotte. Para sa mga taga-Goiteia," sambit niya.

Bigla ko tuloy naisip 'yong magandang samahan at pakikitungo sa isa't isa ng mga tao dito. At 'yong mga bata. Tama. Kakayanin ko 'to. Hihintayin lang naman naming sumikat ang araw.

Bumunot ako ng isang palaso mula sa aking likuran. Hinaplos ko ito bilang basbas ng kapangyarihan ng kosmima ng apoy. Heto naman nito ang gagamitin ko ngayon.

Pinakawalan ko na ang palaso at umapoy ang Fidian na tinamaan nito. Nagtatatarang habang sumisigaw sa sakit ang Fidian na aking tinamaan habang siya ay unti-unting tinutupok ng apoy. 

Ang ibang Fidian naman na katabi nito at taranta ding nagsilayuan sa nasusunog nilang kasama.

"Nakita mo 'yon, Charlotte?" tanong sa akin ni Alexeus kaya't napatingin ako sa kanya.

"Napansin mo rin pala," sambit ko. Nagtanguan kami sa isa't isa. Pagkatapos ay pinaliyab ni Alexeus ang kanyang Flago. Habang ako naman, patuloy ko lamang gagamitin ang palaso ko na may basbas ng kosmima ng apoy.

Dahil nakakapaglabas din ng apoy ang Flago, lahat ng nahihiwa nito ay bukod sa nahahati kaagad sa dalawa, lumiliyab pa ang nahati nito. At gano'n mismo ang nangyayari sa mga Fidian na kalaban ngayon ni Alexeus.

Nagsisitalsikan sa paligid ang mga malalapot at kulay maitim na berde nilang mga dugo kapag ang mga katawan nila ay nahahati sa dalawa. Nagkalat na ito sa paligid ngayon, kasama ang mga abo ng mga natupok nilang mga katawan.

Nagtagal ang labanan namin hanggang sa unti-unti ko nang nakikita ang pagbabago ng kalangitan, na mula sa itim ay nagiging kulay indigo na ito. Konti na lang at paumaga na. Konting tiis na lang!

Nang tuluyan nang sumilip ang Haring araw ay nagsitakbuhan na papalayo ang mga natirang Fidian. Mukhang takot nga talaga sila sa apoy at liwanag.

Napasalampak ako sa lupa at saka tuluyang naramdaman ang sobrang kapaguran. Hinahabol ko ang aking paghininga habang nanlalambot ang aking buong katawan. Mukhang nasabik yata ang katawan ko sa pahinga.

Si Alexeus naman ay napaluhod na rin sa sobrang pagod habang hinahabol din ang kanyang paghinga. Tumingin siya sa akin at binigyan ako ng isang ngiti. Napangiti na rin naman ako at kahit papaano'y naibsan ang pagod na nararamdaman ko kahit kaunti.

Magíssa: Elemental SorceressWhere stories live. Discover now