2

18 1 0
                                    

"Galing pala sya sa Manila. Tapos na pala ng Senior High School yan noong nakaraang taon. May babalikan lang na ibang subjects ngayong sem." Kwento ni Sophy habang nakatingin kami sa lalaking nakupo isang upuan lang ang pagitan sa amin mula sa unahan. Dikit ang mga upuan naming tatlo dahil dalawang row lang ang mga upuan sa silid na iyon. Napapagitnaan ako ng dalawa habang ang nasa likod namin sina George at Mike pati ang iba pa naming barkadang lalaki.

"Kaya pala ngayon ko lang sya nakita." Saad ni Lucy mula sa kanan ko.

Hindi na tumigil si Sophy sa pagkalkal ng impormasyon sa lalaking ito dahil sa insecurities nya. Di na kasi sya napapansin ng mga teachers namin dahil sa bago kuno naming kaklase.

"At alam nyo ang bali-balita?" Napatingin naman ako kay Sophy na sinadyang hinaan ang boses dahil kanina pa tumitingin sa gawi namin si Mr. Duray.

"Sya daw ang nag-iisang anak ni Mayor sa una nyang asawa. Hindi ata makasundo ang bagong asawa kaya ngayon lang nagpakita dito."

"Saan mo naman nakuha yan?" Ngayon ay interesado na ako kaya humarap na ako sa kaniya.

"Sa kabilang section. Andun ang anak ni Vice Mayor diba?" Bulong nya sa'kin dahil tumingin sa gawi namin iyong lalaki.

"Sa kabilang section daw sa anak ni Vice Mayor." Baling ko kay Lucy dahil hindi nya narinig ang sabi ni Sophy.

Nakita kong tumingin sya sa'kin pero binalewala ko lang iyon at nagkunwaring nakikinig kay Sir.

Hindi naman sya mukhang nerd kahit naka-salamin sya pero halatang matalino at halatang may ipagyayabang.

Nang umuwi ako pagkatapos ng klase ng araw na iyon ay hindi ko inasahang nasa bahay na si mama.

"Maaga kayo ma'?" Dumeretso ako sa kwarto ko na di rin lang kalayuan sa pinakang sala ng bahay namin na may dalawang upuang yari sa yantok at maliit na mesang tabla. Ilang hakbang mula roon ay ang maliit na kusina ng aming bahay. Doon ko naabutan si mama na nagkakape.

"Aalis ako ng isang isang linggo." Mula sa kwarto ko ay natigil ako sa paghubad ng uniform ko dahil sa narinig. Mula noong napabalita ang tungkol sa kanila ni mayor ay madalas na ang pag-alis nya at pag-uwi ng gabing gabi na o kung hindi man ay umaga na. Pero kadalasan ay isa hanggang dalawang araw lang pero ngayon, isang linggo.

"Saan ka pupunta ma?" Di ko pinahalata ang pagdududa sa tanong ko.

"Sa Maynila." Tuluyan na akong nanghina sa narinig. Ngayon rin ang pinakamalayong pupuntahan nya. Bakit? Hindi na ako nagtanong. Tinuloy ko ang pagbihis at pagkatapos ay lumabas. Naabutan ko pa rin sya doon pero wala na ang tasa ng kape.

"Maghahanap ako ng trabaho roon." Kahit Hindi ako nagtanong ay sinagot nya ang kanina pang nasa isip ko napatango lang ako at kinuha ang kladero para magsaing.

"Pag nakahanap ako ng trabaho babalik ako dito. Kukunin kita at doon na tayo titira." Magandang balita iyon pero masyadong malungkot ang pagkakasabi nya. Mula sa likod ay tiningnan ko sya. Alam kong problemado sya pero ayaw Kong magtanong. Nakinig lang ako sa susunod nyang sasabihin.

"Wag kang mag-alala mag-iiwan ako ng pera para sa gastusin mo sa isang linggo." Yun lang at tumayo na sya. Iniwan akong tulala pero walang naiisip na magandang gawin o sabihin. Wala naman akong magagawa. Hanggang binubuhay ako ni mama, wala naman akong dapat ireklamo o isumbat.

Nang sumunod na araw ay hindi ko na naabutan si mama pag-uwi ko galing eskwelahan kaya alam kong nakaalis na sya. Nawala rin ang iilan nyang mga damit kaya siguro nga ay nasa tinuloy nya ang plano nya. Nakita ko naman ang tatlong libo sa mesa. Masyadong malaki iyon para sa isang linggo pero di ko na inisip kung bakit at saan sya kumuha ng ganong halaga.

Heat, Waves and Heartbreak| Blazing Series #1Where stories live. Discover now