Napakurap kaagad ako. Kung aalis ako, ang dami kong maiiwan. Si Jahsmine, ang iba ko pang mga kaibigan, at lalong-lalo na si Justin.

“If you come with me, pwede kong maipagamot ang mama ro'n, may mga kakilala akong expert sa sakit niya. At bukod pa riyan, pwede kitang mapag-aral doon ng kahit anong gusto mo.”

Mag-aaral...

Dati ko pa gustong bumalik sa pag-aaral, pero dahil mas inuuna ko si Mama, inalis ko na lang ang kagustuhang iyon at mas nag-focus na lang kay Mama.

Kung sasama nga ako sa Tita ko, may chansang gagaling nga si Mama at makakapag-aral pa ako. Hindi ko na kailangang magtrabaho ng ilang part-time jobs araw-araw para lang mabili ang mga kailangan namin pati na gamot ni Mama.

Nakagat ko ang ibabang labi ko. “Uhm... pag-iisipan ko po muna, Tita.”

Ngumiti siya sa akin. “Okay. Remember, next week na ang alis ko. As much as possible, make your decision quick para maproseso ko na agad at mabilhan kayo ng tickets.”

Tumango lang ako bilang sagot.

Tinapik niya ang balikat ko at saka siya nagpaalam na aalis na muna siya at babalik siya rito bukas. Umalis na rin ang mga kapitbahay namin at iniwan lang si Mama sa may sala sa tabi ng sofa. Napabuga ako ng hangin at ngumiti lang ako nang nagbaling sa akin ng tingin si Mama.

Buong araw ay pinag-iisipan ko kung tatanggapin ko ba ang alok ng tita ko at tinitimbang ko ang mga magiging desisyon ko. Gusto kong gumaling na si Mama at makapag-aral ulit ako, pero ayaw ko namang iwan ang ibang mahal ko sa buhay rito. Kung sasabihin ko 'to kay Jahsmine, sure naman akong papayag siya dahil suportado ako no'n kahit anong desisyon ko. Si Justin naman, hindi ko lang sure. Siguro papayag siya, pero ayaw ko namang iwan siya lalo pa't bago lang kami at hindi pa nga nag-iisang buwan noong naging opisyal ang relasyon namin.

Kinabukasan, maaga akong nag-time in sa cafe ni Honey. Lunes ngayon kaya maraming customer ulit kaya kakailanganin nila ng extra waiter.

“Uy, gagi, tanggapin mo na agad!” sabi kaagad ni Honey. Sinabi ko kasi sa kaniya ang tungkol sa alok sa akin ng tita ko na dadalhin kami sa America at doon ipapagamot si Mama at pag-aaralin naman ako. “Ayaw mo no'n? Magiging matiwasay na ang buhay mo ro'n, hindi mo na kailangang magtrabaho dahil may tutulong naman sa inyo. Hindi ba't nagtatrabaho ka lang naman para may pambiling gamot para sa nanay mo?”

Napabuga ako ng hangin habang pinupunasan ang table. “Oo, pero... hindi ko alam. May parte sa akin na ayaw umalis, eh,” sagot ko sabay lumakad para kunin ang mop na nasa gilid ng cashier.

“Ayaw mong iwan si Justin dito?”

Napabinto ako at napabaling na ng tingin sa kaniya. Napabuga naman siya ng hangin.

“Te, sobrang green flag niyang boyfriend mo. Sure ako kapag sasabihin mo sa kaniya 'to, papayag 'yan siya ay susportahan ka. Ikaw lang 'tong ayaw!”

Napabuga na lang din ako ng hangin. “Iyon na nga, eh, papayag siya. Eh bago pa lang kamo, iiwan ko na siya agad dito?”

Napairap siya. “Parang hindi ka naman babalik.”

Nahinto na ang pag-uusap namin dahil may mga customer ulit na sunod-sunod na pumasok at naging busy na ulit kami sa trabaho.

Pagkatapos ko sa cafe ni Honey, tinext ko kaagad si Justin na may gusto akong sabihin sa kaniya pero mamaya na lang kapag nasa ShowBT na ako. Nag-reply naman siya na nandoon nga sila ngayon dahil may tinatapos silang script at recording.

Dahil sa sobrang busy ko, hindi ko na namalayan ang oras. Ni hindi ako nakakaramdam ng pagod habang tinatapos lahat ng trabaho ko sa lahat ng part-time ko.

Broken Strings || ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon