Capítulo 43

13 3 0
                                    

Isabella Alfonso

***





"Anong ginawa mo, Maximo?!" sigaw ko sa kaniya nang mapagtantong narito na naman kami sa panahon niya. "Ba't di mo na lang ako iniwan doon?! Nandoon si Papa!"

"Hindi mo na siya ama, Isabella!"

Malakas ko itong nasampal dahil sa galit. Hindi niya man lang ako inintindi at pinakinggan. Mas mainam kapag nanatili na lang ako roon, kaysa naman bumalik sa panahong ito kung saan tanging sakit lang ang naidulot sa akin.

Hindi ba niya maintindihan na mas gusto ko pang mawalay sa kaniya kaysa sa araw-araw na gumising para lang makita siyang may kinakasamang iba? Nagkaayos na kami, pero hindi ibig sabihin na hindi na ako maaapektuhan sa kanila ni Natalia.

"I-Ibalik mo na ako, pakiusap." Pagpapakiusap ko sa kaniya, ngunit nanatili lang itong nakatikhim habang nakatitig sa akin. Naramdaman ko ang unti-unting pagbagsak ng aking mga luha, at ang paglabo ng mga mata ko dahil dito.

"Hindi ka babalik doon sapagkat wala ka nang babalikan doon." Malamig niyang wika, at tinalikuran ako.

"Mas gusto ko pang manatili roon kaysa rito, Maximo! Di bale nang wala akong babalikan kaysa sa may babalikan ako pero hindi naman ako ang inuuwian!" giit ko sa kaniyang likod. Kaagad itong napatigil, at lumingon sa'kin. Kahit na may namumuo ng mga luha sa mga mata nito, bakas pa rin dito ang nararamdaman niya ring galit.

"Kung iyon lamang ang iyong dahilan, huwag ka nang mag-alala, Isabella, mawawala na rin si Natalia sa istorya nating dalawa." tinig niyang kasing-lamig ng yelo. Kunot-noo ko itong tiningnan, pero hindi pa rin nagbabago ang tingin nito sa akin.

"Isali mo na rin si Javier."

Gulat ko siyang tiningnan, pero tuluyan na itong tumalikod sa'kin at nagsimulang maglakad. Nakasunod lamang ako sa kaniya hanggang sa nakarating kami sa pasukan ng kampo.

Inaasahan ko ang mga gulat na mga tingin at bulong-bulungan ng mga mamamayan doon, pero tanging mga huni lang ng mga ibon at ng hangin ang nasagip ng aking mga tainga. Nasunog ang lahat ng mga kabahayan, walang ni isang kubo ang nanatiling nakatayo.

Nabaling ang tingin ko kay Maximo na nanatiling malamig na nakatitig sa sunog na kampo ng Katipunan. Hindi man lang ito nagulat. Iginala niya lang ang paningin niya, at sa huli'y nagbuntong-hininga.

"N-Nasaan sila?" Nangangamba kong tanong sabay lingon kay Maximo na walang imik.

Nagkibit-balikat lang ito, at saka naglakad papasok sa kampo. Wala nang natira maski isang bubong, pati mga punongkahoy ay nalagas din ng apoy.

"Hindi ito nagmula sa isang sunog lang." Tahimik kong wika habang nakatitig sa wasak na kubong minsan ko ring natuluyan. Nilingon ko si Maximo, at nakatikhim lamang itong nakatitig din doon.

"Alam ko," Tanging sabi nito, at naglakad kung saan.

Sinundan ko ito, hanggang sa nakarating kami sa kabilang pasukan ng kampo. Napayuko na lang ako nang may napansin akong mga bakas sa lupa. Mga bakas iyon ng mga paa ng mga kabayo, at may iilan namang paa ng tao.

"Maximo," tawag ko sa kaniya, kaagad din naman itong napalingon at naglakad patungo sa akin.

"Wala tayong mga kabayo, maaaring nilusob tayo ng mga Kastila. Ngunit, walang bakas ni isang patak ng dugo." konklusyon ko sa kaniya. Gaya ng dati, nanatili lang itong malamig na nakatitig sa akin. Di ko masabi kung nakikinig nga ba ito, o wala.

"Marahil ay dahil hindi sila kalaban." tanging sagot nito, at ginala ang kaniyang mga mata. Kumunot naman ang noo ko dahil sa sinagot niya sa'kin. Kailan pa naging hindi kalaban ang mga Kastila?

Mi Querido, EspérameWhere stories live. Discover now