Capítulo 21

14 2 0
                                    

21st of September 2019
Casa de los Filipinos de España,
Ciudad de San Juan, Manila, Filipinas

Kasalukuyan kaming nakasakay sa elevator patungo sa auditoryum kung saan isasagawa ang pagpupulong ng mga representante ng iba't ibang distrito ng Anak ng Katipunan. Kagaya pa rin noong una akong nakasakay kasama si Isabella sa elevator ay mahigpit pa rin akong nakakapit sa rehas na nasa gitna nito. Narinig ko namang natawa sa akin si Isabella, kung kaya't tiningnan ko lamang ito nang masama.

Nauna na rito si Ginoong Lorenzo, samantalang si Christian naman ay didiretso lamang daw rito galing sa kaniyang opisina. Nang nakita ni Christian ang kapusukan namin ni Isabella kagabi ay papaalis na pala siya noon patungo sa Maynila, sapagkat may aayusin pa raw siya sa kasong kaniyang hinahawakan. Sina Tía Claudia at Hannah naman ay nagtungo muli sa bahay-ampunan ng San Martin.

"Nakilala mo na ba ang Supremo, Isabella?" tanong ko kay Isabella na komportableng nakatayo sa gitna ng silid, habang ako'y mahigpit na nakakapit sa rehas.

Lumingon naman sa akin si Isabella, at muling natawa sa akin. Sinamaan ko na lamang siya ng tingin, ngunit lalo pa itong natawa. Kung kaya't hindi ko na lamang ito pinansin.

Natawa naman siya dahil sa aking ginawa, at humarap sa akin. "Pangalawang beses ito na makita ko siya, Simong." tawa nito, at ngumiti.

Napailing-iling na lamang ako, at siya'y pinagmasdang mabuti. Maluwag ang pagkatirintas ng buhok nito, kung kaya't mayroong iilang mga hibla na lumalagaylay mula rito. Nakasuot siya ng isang maong na pantalon, at pambabaeng terno na kulay itim na kaniyang pinaibabaw sa isang puting camisa. Kung noon ay nababaguhan ako sa mga damit sa panahong ito, ngayon ay natatawa na lamang ako sa laki ng pinagbago nito mula noon.

"Tinatawa mo d'yan?" Natawa na lamang ako sa panono na ginamit ni Isabella, at sa kaniyang mukha nang sinabi niya ito.

"Wala. Ako'y napaisip lamang na mas maganda ka pa rin sa suot mo noong nandoon pa tayo sa Europa." Nakangiti ko ritong tugon. Kumunot naman ang noo ni Isabella sa aking sinabi, at akmang mayroon siyang sasabihin ngunit hindi niya ito itinuloy.

Hindi ko na lamang ito binigyan pa ng pansin sapagkat bumukas na rin ang pinto ng elevator, kung kaya't lumabas na rin si Isabella. Sinalubong kami ng isang mahabang pasilyo. May mga nakahilerang mga pinto sa magkabila na mga pader nito. Hindi ito ang palapag kung saan ako ginamot sapagkat puti ang kulay at pangmoderno ang disenyo ng mga pader doon, samantalang dito ay pangklasikong Espanya. Kagaya ng mga pangunahing disenyo ng mga bahay sa aking panahon.

Sa pinakadulo ng kanang bahagi ng pasilyo ay mayroong malaking pinto, at dalawang lalaking nakaterno at pantalon ng itim na nakatayo sa labas nito. Lumakad kaming dalawa ni Isabella patungo sa pintong iyon, at pinapasok naman kami ng mga lalaki.

Pagpasok namin ay kaagad kaming sinalubong ng isang malawak na bulwagan. May isang mahabang mesa na nakasentro sa bulwagan kung saan nakaupo ang karamihan sa mga tao na naririto. Kaniya-kaniya silang may kinakausap o ginagawa kung kaya't hindi nila napansin ang pagpasok namin ni Isabella.

Napangiti na lamang ako nang aking nakita ang malaking larawan na nakakabit sa pader na katapat sa mahabang mesa. Isang retrato ni Isagani, ngunit kinuha ito noong panahon namin. Mayroon namang iba pang mga larawan na mas maliit sa kay Isagani, ngunit hindi ko na ito binalingan pa ng atensyon. Alam ko na na si Isagani nga ang Supremo.

"Maximo! Isabella!"

Napalingon ako nang narinig ko ang aking pangalan. Aking nakita si Ginoong Lorenzo na naglalakad palapit sa aming kinatatayuan ni Isabella. Kasama niya si Heneral Marcus Castillo na nakasuot ng simpleng madilim na pagka-asul na terno at pantalon, kalakip na rin nito ang kaniyang kurbata na may kaparehong kulay, malayo sa nakasanayan nitong pang-heneral na kasuotan. Habang si Ginoong Lorenzo naman ay nakasuot ng kaniyang kulay-abo na terno at pantalon, at itim na kurbata.

Mi Querido, EspérameWhere stories live. Discover now