Capítulo 2

236 10 0
                                    

12th of October 1890
Universidad Complutense de Madrid, Madrid, España

Isang linggo pagkatapos ng pagpapalista sa mga bagong mag-aaral ay mayroong isang kasiyahan na ginanap dito sa Unibersidad ng Complutense ng Madrid dito sa Madrid, Espanya, para sa mga mag-aaral na bago pa rito.

Mag-iisang buwan na simula nang kami'y nakarating dito sa Espanya ni Isagani Domingo, ang matalik kong kaibigan at kababata. Siya'y mag-aaral ng abogasya samantalang ako ay mag-aaral ng medisina rito.

Kahit noon pa man ay nais ko nang maging isang manggagamot. Lumaki ako sa isang bansang walang ibang hinangad kung hindi ay ang kalayaan. Nakikipaglaban sila para roon, at nais ko silang tulungan kahit maliit man lang gamit ang aking propesyon.

Nakasuot ng ternong asul si Isagani habang ako'y nakaitim na terno't pantalon. Narito kami sa isang malaking bulwagan sa loob ng unibersidad kung saan ginanap ang kasiyahan. Isang magiliw na musika ang pinapatugtog ng isang pangkat ng mga musikero, at sumasabay naman dito ang karamihan sa mga estudyante. Iilan lamang ang nakaupo sa kanilang mga upuan, habang ang iba nama'y nag-iinuman at nagkakatuwaan.

Gaya na lamang ni Isagani sa isang kanto, nakikipag-usap sa mga dayuhang binibini na rito rin mag-aaral. Nang nakita ako nito ay agad niya akong kinawayan at pinapunta sa kaniya.

Tahimik akong naglakad sa kaniyang kinauupuan. Umiinom ito nang isang basong alak habang panay na nakikipag-usap sa mga babae.

Napaupo ako sa isang upuan, at agad naman ako nitong nilaharan ng isang baso ng alak. Alam niyang hindi ako gaanong umiinom, ngunit palagi ako nitong pinipilit kaya tinanggap ko na lamang ito.

Nahagip ng aking paningin ang isang babaeng kasali sa pangkat na kausap ni Isagani ngunit hindi kasali sa usapan. Tahimik itong umiinom galing sa kaniyang baso habang iginagala ang kaniyang tingin sa bulwagan, hanggang sa nakita ako nito.

Sandali kaming nagkatitigan bago niya iniwas ang kaniyang tingin sa akin. Napangiti na lamang ako habang nakatitig pa rin sa kaniya. Matataas ang mga pilikmata nito, matangos ang ilong na halatang may lahi siyang Kastila. Mapipintog ang kaniyang mga labi, at nakita ko ang kayumanggi niyang mga mata nang muli siyang tumingin sa akin.

Isa siyang Espanyol.

Ibinaba niya muli ang kaniyang baso, at muling umiwas ng tingin. Mas lalo pa akong napangiti nang hinawi nito ang kaniyang mga buhok na lumalagaylay sa gilid ng kaniyang mukha. Marikit itong kumilos, at muling napako ang kaniyang tingin sa akin.

"Maximo, nakikinig ka ba sa akin?" tanong ni Isagani. Umiling-iling na lamang ako nang di siya tinitingnan, at narinig ko ang pagbuntong-hininga nito. Nagkatitigan pa rin kami ng kung sino man ang Kastilang iyon, hindi na niya iniiwas ang kaniyang mga titig.

Marahan akong ngumiti sa kaniya, at siya naman sa akin.

Maganda ang kaniyang mga ngiti. Nakakabighani't nakakapanghalina.

"As I was saying, Maximo." ani ni Isagani at bumaling sa akin, kahit na ayaw ko siyang pakinggan. "This is Marie-Louise Lefèvre, Amelia Pierre, Suzanne Horenberger, Agnés de la Fuente, and, Natalia Vizcaíno."

Iniwas ko na ang aking titig sa kaniya, at isa-isang kinamayan ang mga bibining kaniyang ipinakilala. Napatigil na lamang ako nang ang dapat ko na sanang kamayin ay ang babaeng aking katitigan kanina. Nakatayo na ito, nakalahad ang kaniyang kamay sa akin. Ngumiti ako rito, at siya naman sa akin nang bahagya.

Magaan kong kinuha ang kaniyang kamay, at dinamdam ang init ng kaniyang balat. Nang tiningnan ko ito ay nakatingin na pala ito sa akin. Marahan kong inangat ang kaniyang palad sa aking labi habang nakatingin pa rin sa kaniya.

Mi Querido, EspérameWhere stories live. Discover now