Capítulo 11

18 3 0
                                    

2nd of September 2019
Residencia de Alfonso,
Calle de San Francisco, Cubao, Cuidad de Salcedo, Filipinas
06:23

"Saan ang punta mo, Isabella?" tanong ko sa kaniya nang inilapag niya ang kaniyang tampipi sa isang upuan dito sa kusina.

Si Tía Claudia ay nagpupunos pa daw sabi ni Hannah na ngayon ay naghahanda ng almusal. Tinutulungan ko naman siyang magbasag ng mga itlog na kaniyang lulutuin. Samantalang si Ginoong Lorenzo naman ay kanina pang alas sais umalis kasama si Esteban patungong Maynila.

Nakasuot ngayon si Isabella ng puting camisa na mataas ang manggas sa ilalim ng itim na terno, na mayroong tatak sa kanang itaas na bahagi nito. Itim na pantalon naman ang kaniyang suot pang-ibaba.

"Aalis ka na, Isabella?"

Rinig naming tinig ni Tía Claudia na ngayon ay pababa na ng hagdanan. Lumingon naman si Isabella sa kaniyang ina, at ngumiti ito. "Opo, Ma."

"Kumain ka ho muna, Isabella. Luto na ho ang torta." Nakangiting sabi ni Hannah kay Isabella, napalingon naman si Isabella sa kaniya at ngumiti ito.

Inihanda naman ni Hannah ang kakailanganing mga pinggan, at inilapag ito sa hapag-kainan. Si Isabella ay nakaupo na din sa aking tapat. Ang kaniyang buhok ay nakapusod sa kaniyang ulo na nagbigay-linaw sa kaniyang maamong mukha. "Bakit hindi mo sinagot ang aking tanong?" Mahinahong tanong ko sa kaniya, at tumingin diretso sa kaniya.

Tumingin din siya sa akin, at nagsalita. "May pasok kami ngayon, Maximo."

"Saan?" tanong ko muli sa kaniya at sinubo ang tortang itlog na nasa aking kutsara.

"Sa Santo Tomas."

"Pati ba naman ikaw?!" Bahagya naman akong nasamid dahil sa gulat. Dali-dali naman akong binigyan ng tubig ni Hannah at ininom ko ito.

Iginulong lamang ni Isabella ang kaniyang mga mata at bumalik na sa kaniyang pagkain. "Ikaw ba ay nagagalit pa sa akin, Isabella?" tanong ko. Napatigil naman siya sa kaniyang pagkain na kaniya pang isusubo at tumingin sa akin. Walang kung anong emosyon ang lumalabas sa kaniyang mga mata. Marahan akong napabuntong-hinga at tumingin diretso sa kaniya. "Patawad. Hindi dapat kita ininis." ani ko at iniwas ang aking tingin at kumain muli.

"Ayos lang, Maximo." Napatingin naman ako sa kaniya na ngayon ay bahagyang nakangiti habang nakatingin din sa akin. Ngumiti naman ako sa kaniya, at humupa na ang kaba ng aking dibdib.

Bahagya namang umubo si Tía Claudia na nasa upuan ni Ginoong Lorenzo sa dulo ng hapag. Agad naman kaming napatikom at bumalik na sa aming kinakain.

"Maximo, maayos lang ba sa'yo na mag-isa dito sa bahay?" tanong sa akin ni Tía Claudia, lumingon naman ako sa kaniya.

"May pupuntahan rin ba kayo, Tía Claudia?"

Tumango siya sa akin. "Pupunta kami sa Orfanato de San Martin. Tatlong beses sa isang linggo ay dadalawin namin ni Hannah ang mga bata doon."

"Hindi ba maaari na ako'y sumama kay Isabella sa Santo Tomas, Tía Claudia?" tanong ko sa kaniya. Lumingon din ako kay Isabella na napatigil sa kaniyang kinakain at nagkatinginan ng kaniyang ina. Ibinalik ko naman ang aking tingin kay Tía Claudia. Tumingin din siya sa akin bago bumaling kay Isabella.

"Isabella?" tawag nito sa kaniyang anak.

"Hindi ko po alam kung puwede po ba, Ma. Pero puwede ko namang kausapin si Tío Julian mamaya." Tumango naman si Tía Claudia at binaling muli ang kaniyang tingin sa akin.

"Kailangan pang magpaalam ni Isabella sa kapatid ko na isa sa mga tagapangasiwa ng paaralan, Maximo. Kung sumang-ayon si Julian ay puwede ka namang sumama kay Isabella bukas."

Mi Querido, EspérameWhere stories live. Discover now