Capítulo 10

17 3 0
                                    

***










"Ang bagay na 'yon ay isang TV o television. Telebisyon sa Tagalog." sabi ni Isabella at itinuro ang rektanggulong bagay na nasa aming harapan. "At eto naman, ang remote control. Ito ang nagkokontrol sa TV. Gaya ng pagiba-iba ng mga palabas." dagdag niya pa at ipinakita sa akin ang bagay na kaniyang kinuha sa tapat ng telebisyon kanina. May pinindot siya na isang boton mula doon sa remote control at kaagad namang nawala ang dalawang lalaki na aming nakikita sa loob ng telebisyon at pinalitan ito ng dalawang magkasintahan na naglalakad habang nag-uusap.

Napatango na lamang ako habang pinapakinggan siya na nagsasalita. Napanganga naman ako ng inibigay niya sa akin iyong remote control at bumago-bago muli ang mga palabas sa telebisyon dahil sa aking pagpindot-pindot sa mga numero na nakalagay sa mga boton na nasa remote control. Napangiti na lamang ako sapagkat may isa na naman akong bagay na alam sa panahong ito, bukod sa aking pagkaalam sa bagay na tinagurian ni Isabella na selpon.

Mula sa dalawang magkasintahan na nag-uusap, pinalitan ito ng isang pamilya na nagsasalo-salo sa hapag. May pinindot na naman ako at naging madilim ang kulay ng telebisyon. Aking tingnan si Isabella na ngayon ay diretsong nakatingin sa telebisyon sa aming harapan. Itatanong ko sana sa kaniya kung bakit dumilim ang telebisyon ngunit sinenyasan niya lamang ako na tumingin muli doon. Binalingan ko na lamang ang aking tingin pabalik sa telebisyon na hanggang ngayon ay madilim pa rin.

May tumutugtog na nakapanginginig na musika galing sa telebisyon. Kaagad namang may nagpakita na isang babae na nakasuot ng pangmadre na duguan ang mukha. Gulat naman akong tumayo at sumigaw nang nasilayan ko ang babaeng iyon. Muntikan ko ring naihagis sa sahig ang remote control na aking hinahawakan dahil doon. Samantala, si Isabella ay walang humpay na tumatawa. Tiningnan ko naman si Isabella na ngayon ay tawa pa rin nang tawa.

"Ano bang kaguluhan ang nangyari sa inyo?" tinig ni Tía Claudia habang papalapit sa amin.

"Isabella! Palitan mo nga 'yan." sabi pa ni Tía Claudia.

Tumatawa pa rin si Isabella habang tumatayo at inaabot ang remote control na nasa aking kamay. Pinalitan niya naman ang palabas sa telebisyon nang makuha niya ito. Rinig na rinig ko pa din ang malakas na pagtibok ng aking puso. Hinawakan ko ang aking dibdib habang humihinga ng malalim. May sinabi ulit si Tía Claudia ngunit hindi ko ito masyadong narinig dahil sa matinding kaba na namamayani sa aking katawan. Dumating naman si Hannah na may dala-dalang baso ng tubig. Pinaupo ako ni Tía Claudia sa sopa at ibinigay sa akin ang tubig na aking ininom.

"Isabella!" hiyaw na tinig ni Tía Claudia na nagpatigil sa paghalakhak ni Isabella.

"Patawad po, Ma." tugon naman ni Isabella habang pilit na pinipigilan ang kaniyang pagtawa.

Unti-unti naman akong nahimasmasan at nakapaghinga na ng maayos. Tiningnan ko si Isabella na bahagya pa ring natatawa dahil sa aking reaksyon. Nanlilisik naman akong tumitig sa kaniya na mas lalo pang natawa. Itinapat niya ang kaniyang mga palad at bahagya itong yumuko habang tawa pa rin nang tawa. Napabuntong-hinga na lang ako, at iniwas ang aking tingin sa kaniya.

"Ayos ka lang ba, Maximo?" tanong sa akin ni Tía Claudia. Tumango naman ako at bumalik na siya sa kusina.

"Talagang ayos ka lang ba, miedoso?" Natatawang sabi sa akin ni Isabella sabay tapik sa aking kaliwang braso. Napangiwi na lamang ako nang mapagtanto ko na nandoon pala ang aking sugat. Tiningnan ko siya ng masama habang iniinda ang sakit na galing sa aking braso. Nawala na sana ang sakit ng aking sugat nang ginamot ito ni Tía Claudia kaninang umaga ngunit bumalik ito dahil nadaplisan ito ni Isabella.

Mi Querido, EspérameWhere stories live. Discover now