Capítulo 22

8 2 0
                                    

***





Alas siyete na ng gabi sa araw ng Linggo ay nandito ulit kami sa Casa. Akin lamang napag-alaman galing kay Isagani na nasa ilalim talaga ng Casa ang tagpuan ng mga Katipunero. Isang bahay-tuluyan ang Casa de los Filipinos de Espanya ng mga turista upang ikubli ang totoong layunin nito kung bakit ito itinayo. Ang lahat ng mga bulwagan na aking napasukan noong ako'y narito sa Casa sa unang pagkakataon ay nasa ilalim ng lupa, mula sa ospital nito na kung saan ako pinagaling hanggang sa silid ni Ginoong Lorenzo kung saan kami unang nagkakilala.

Kasalukuyan kaming narito ni Isabella sa bubong ng Casa kung saan aming nakikita ang ciudad ng San Juan mula sa itaas. Pareho kaming nakasandal sa barandilya habang tinatanaw ang mga buhay na nasa ibaba.

"Sa mga oras na ito ay hindi ko alam kung ano nang nangyayari sa mga tao na aking iniwan sa aking panahon." tinig ko sa kawalan habang nakatitig sa isang pamilya na pumapasok sa isang gusali na nasa kabilang panig ng daan.

Napabuntong-hinga na lamang ako nang pumasok sa aking isipan ang huling pag-uusap namin ni Simon bago ako sumabak sa rebolusyon.

~

"Kuya, ikaw ay mangako sa akin. Babalik ka ng buo rito sa ating tahanan. Walang labis at walang kulang." wika ni Simon sa akin habang ako'y naglilinis ng aking rebolber.

Napatingin naman ako sa kaniya, at ngumiti. Ginulo ko ang buhok nito na nagpainis sa kaniyang mukha. Natawa na lamang ako, at isinantabi ang aking baril.

"Sabi nang huwag mo na po iyong gawin sa akin, eh. Hindi ka talaga marunong makinig, Kuya. May sira ba iyong pandinig, Kuya Simong?" Napailing-iling na lamang ako nang lumapit siya sa akin, at akmang titingnan ang aking tainga nang pinigilan ko ito. Ngumisi naman sa akin si Simon, at inihalukipkip ang kaniyang mga kamay.

"Iiyak ka ba kapag hindi ako makabalik?" tanong ko rito, at kinuha ang isang silya sa ilalim ng mesa. Nasilayan ko naman ang pagbabago ng kaniyang emosyon nang tinanong ko iyon.

Umupo roon si Simon na nakaharap sa akin. Tiningnan niya ako habang itinaas ko naman ang aking kilay sa kaniya. Napakibit-balikat lamang si Simon, at yumuko.

"Simon, pangako ko sa iyo, babalik ako. Walang labis, at walang kulang. Ipagdidiwang pa natin ang iyong ikalabing-tatlong kaarawan, hindi ba?"

Tumingin naman siya sa akin, at bahagyang ngumiti.

"Huwag mo akong iiwan, Kuya, ha? Gagawan ko pa kayo ng kuwento ni Ate Natalia sa oras na akin siyang makilala." ngiti nito. Ngumiti naman ako sa kaniya, at muling ginulo ang kaniyang buhok. Hindi naman siya nainis dahil dito, sa halip ay lumundag siya sa kaniyang upuan at yinakap ako.

"Huwag kang mag-alala, aking kapatid. Kailangan munang pumuti ang mga uwak bago ako mawala sa iyo." Narinig ko naman ang pagtawa nito habang nakayakap sa akin, kung kaya't mas lalo ko pang hinigpitan ito.

~

Hindi pa pumuputi ang mga uwak, ngunit iniwan ko na siyang mag-isa sa aming panahon. Tiyak na siya'y nangungulila na sa akin. Nagbuntong-hinga na lamang muli ako, at sinundan ng tingin ang iba pang mga tao kasama ang kanilang mga kaibigan, kasintahan, at pamilya.

"Anong pinag-usapan niyo ng Supremo kahapon, Maximo?" tanong ni Isabella, pambasag ng katahimikan na pumapalibot sa amin. Nilingon ko naman siya na nakatanaw pa rin sa malayo. Bahagya naman akong napangiti habang siya'y tinititigan. Lumingon din siya sa akin, at tumaas ang kaniyang kilay. Ngumiti lamang ako sa kaniya.

Mi Querido, EspérameΌπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα