Capítulo 7

55 3 0
                                    

***






"Kuya, maayos lang ba siya?"

"Maximo, ayos ka lang ba?" narinig kong tugon ni Christian, at kaagad naman akong nanumbalik sa realidad.

"Maximo?" Hinawakan niya ang aking magkabilang balikat, at tiningnan akong mabuti sa aking mga mata. "Umiiyak ka ba?"

"Ano? H-hindi. Hindi ako umiiyak." agad ko namang itinugon sa kaniya, at dali-daling pinunasan ang mga luhang nakawala sa kanilang mga lungga.

Bumalik naman sa kaniyang pagkakaupo si Christian, at nilaro ang walang laman niyang baso. "Bakit ka ba umiiyak, Maximo?" sabi niya at tumingin sa akin.

"Hindi ako umiiyak. Napaluha lang." tugon ko at bahagyang tumawa, at pilit na isinusupil ang sakit na aking nararamdaman.

"At bakit ka naman napaluha, aber? Anong ginawa ng kapatid ko sa'yo?" sabi ni Christian habang nakatingin pa rin sa akin.

"Kuya!"

Napalingon na lang ako sa babaeng sumigaw. Ano nga bang ginawa niya sa akin at naging ganito ako? "May naalala lang." tugon ko, at pinagmasdan pang mabuti ang kaniyang mukha. Ang kaniyang hindi gaanong kadilim na kayumangging mga mata ay nakatingin sa akin. Ang kaniyang maayos na pagkahulmang mga buto sa kaniyang panga at ilong ay nagbibigay-diin sa kaniyang pagkakaroon ng lahing Kastila, maliban sa kaniyang pagkamestiza. At ang kaniyang mahahabang mga pilikmata, na labis kong kinasasabikang makita muli sa malapitan ay para bang bumabagal habang ikinakampay niya ang mga ito.

"Ano namang naalala mo?" tanong pa ni Christian. Kinuha naman ni Natalia ang tingin niya sa akin, na para bang labis niya na ikinahihiya na tingnan ako. Iniwas ko rin ang pagtingin ko sa kaniya, at uminom nalang sa aking baso na wala na palang laman.

"Wala. Hindi na importante iyon." sabi ko sa kaniya, at binalingan muli ng tingin si Natalia na ngayon ay para bang hindi siya nakagiginhawa ng maayos sa kaniyang kinauupuan.

May tumunog galing sa kinauupuan ni Christian. Tiningnan ko siya, at mayroon siyang kinuha galing sa kaniyang bulsa. Kagaya ito sa bagay na hinahawakan ni Carlo, pero kulay pula ito. "Sandali lang." sabi ni Christian at lumakad papunta sa labas ng kusina.

Naiwan naman kaming dalawa ni Natalia na hanggang ngayon ay kibo pa rin ng kibo sa kaniyang kinauupuan na para bang hindi niya nagustuhan na iniwan siya ng kaniyang kapatid kasama ako. Napalunok siya at nilaro ang kaniyang mga daliri habang nakatingin sa kaniyang mga paa na ngayon ay nasa ilalim ng hapag-kainan. Napakamilyar ng kaniyang paggalaw. Ito ang kaniyang parating ginagawa kapag siya ay nahihiya o hindi ba ay hindi siya komportable sa mga nangyayari sa kaniyang paligid. Napangiti na lamang ako ng bahagya sa kaniyang gawi. Siya ng ito, hindi ako nagkakamali.

Bumalik naman sa kusina si Christian. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkabigo, napaisip naman ako kung bakit. "Kailangan ko ng bumalik sa opisina." sabi niya, at binalingan ako ng tingin.

"Ba't ba, kuya? Anong nangyari?" tugon naman ni Natalia. Hindi ako sanay na marinig siyang nagta-Tagalog kaya nakakapanibago ito sa aking pandinig.

"Kumuha ng abogado ang nasasakdal na galing pa sa Espanya. Magiging mas magulo at mahirap na ipanalo ang kasong ito. May malaking pagkakataon na mawalang bisa rin ang kasong ipinatong ng kliyente ko sa nasasakdal, lalo na't isa rin itong Kastila." paliwanag ni Christian at napabuntong-hinga nalang ito. Binalingan niya naman ng tingin si Natalia. "Isabella, ikaw na ang bahala kay Maximo. Ikaw na rin ang magpakilala sa kanya kay Papa." tanging sabi ni Christian at lumabas muli ito ng kusina. Natalia. Hindi Isabella.

"Pero kuya!" tugon ni Natalia pero nakaalis na si Christian. Tiningnan naman ako ni Natalia na para bang nahihiya siya sa akin. Tiningnan ko rin siya.

Mi Querido, EspérameWhere stories live. Discover now