Manang Pinay

146 0 0
                                    

Matagal na akong nabubuhay sa mundong ito.
Ang edad ko siguro'y lagpas na sa isang libo.
Marami akong kuwentong ibabahagi sa inyo.
Subalit, maaaring alam niyo na rin ang ilang detalye tungkol sa buhay ko.

Bago ang lahat, ipapakilala ko muna ang sarili ko.
Ako nga pala si Manang Pinay, ang serbidora ng palasyo.
Matagal na din akong naninilbihan dito.
Marami akong trabaho, ngunit maliit lamang ang aking sweldo.

Ako ang namamahala sa mga bukid ng aking pinagsisilbihan.
Ako ang may hawak sa babuyan, manukan, palaisdaan, at gulayan.
Ako din ang nangangalaga sa mga naninirahan dito sa palasyo.
Ako ang nagpapakain at nag-aasikaso sa mga tao dito.

Ang aking amo ay palaging abala.
Minsan pati ang aking sweldo, nakakalimutan na din niya.
Ngunit, ayos lang iyon sapagkat mayroon pa naman akong naitabi sa nakaraan kong kita.
Kaya hindi ko siya kinukulit dahil alam kong marami siyang ginagawa.

Nasanay na din naman ako.
Dahil hindi siya ang unang gumawa nito.
Marami na akong naging amo at halos lahat pare-pareho lang ang kanilang pag-trato.
Sino ba naman ako para magreklamo?

Serbidora lang naman ako.

Noong kabataan ko pa, nabubuhay ako ng marangya.
Mayaman, maraming ginto, may sariling teritoryo at lupa.
Nagkaroon din ako ng mga kasintahan.
Sa totoo lang, tatlong beses na akong ikinasal ngunit tatlong beses din pinaglaruan.

Inabuso lang nila ako at sinaktan.
Ginamit ang aking yaman para sa sariling kaligayahan.
Marami akong naging anak, ngunit maski sila'y minaltrato.
At sa kanilang galit, pinaalis nila ang kanilang ama at hindi na pinabalik dito.

Buong akala ko noon, magiging masaya na ang wakas ng aking kuwento.
Akala ko magiging maayos na ang buhay ko sa piling ng mga anak ko.
Umasa ako na hindi nila ako tatalikuran o iiwanan.
Pero nagkamali ako, dahil mas lalo lang nila akong sinaktan at tinapakan.

Iyong mga anak ko, may mga sarili nang buhay.
Iyong iba, iba ang itinuturing na nanay.
Ang sabi nila, wala silang mapapala sa akin.
Kaya iniwan nila ako at hindi na binigyang-pansin.

May mga nanatili naman sa aking tabi.
Ngunit, hindi ko inakalang magagawa nila akong isantabi.
Maski yung mga apo ko, hindi ako kilala.
Mas kinikilala pa nila sina Erica, Kora, at Chiang  kaysa sa kanilang lola.

Sa kanilang ginawa, ako'y nabura na sa kanilang mga alaala.
Imbis na "nanay", ang tawag nila sa akin ay "Yaya" o "Serbidora".
Masakit bilang ina ang makalimutan ng kanyang mga supling.
Kung lahat ng ito'y isang panaginip, gusto ko nang magising.

Oo, tama.

Ang aking amo ay isa sa mga anak ko.
Unti-unti nilang inuubos ang yaman na sana'y ipapamana ko pa sa aking mga magiging apo.
Ano nalang ang iisipin ng mga apo ko kung puro utang ang kanilang mamamana?
Hindi kakayanin ng puso ko ang makitang nahihirapan sila.

Kaya heto, pinagbubutihan ko ang aking trabaho.
Baka sakaling tumaas o madagdagan ang sweldo ko.
Madagdagan lang ang kita kong "Pagmamahal at Respeto", malaking bagay na iyon.
Dahil iyon din ang makakatulong upang mabawi ko ang mga yaman na nawala sa akin noon.

Ano ang pangalan ko?  Hindi ba't nasabi ko na sayo?
"Manang Pinay", iyan ang tawag sa akin dito sa palasyo.
Mukhang hirap silang tawagin akong "Lola" at "Ina", kaya iyan nalang ang tawag nila sa akin dito.
Iyan ang palayaw na nanggaling sa "Pilipinas" na siyang tunay na pangalan ko.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon