Ang Ating Istorya

421 2 0
                                    

PAG-IBIG.

Isang salita, pitong mga letra, subalit maraming kahulugan.
Lahat ng mga tao sa mundo, nararamdaman yan.
Sa magulang, kaibigan, kasintahan, sa sarili, sa mga hayop o bagay.
Ang salitang ito ang nagbibigay ng saya at kulay sa ating buhay.

Bawat isa sa atin ay nakaramdam na nito.
At syempre bilang may-akda, kasama na rin ako.
Pagdating dito, lahat tayo'y may sari-sariling kuwento.
Iisa man ang paksa, nagkakaiba naman sa kung paano nag-wakas ang mga ito.

Bilang pasimuno, ako ang mag-sisimula.
Ikukuwento ko ang aking karanasan dito sa aking tula.
Ito ang tula na magpapakilala ng kaunting parte ng aking pagkatao.
Isang tulang magkukuwento tungkol sa nakaraan ko.

Nagsimula ang lahat noong ako'y labing-limang taong gulang pa lamang.
Noong buwan ng Agosto at ako'y nasa ika-siyam na baitang.
Dito tayo magsisimula, kung saan nakilala ko siya.
Siya na nagparamdam sakin noon ng ligaya.

Nagpadala siya ng mensahe, nangungumusta.
Nalaman niya daw na hindi ako nakapasa.
At ang sabi niya pa mayroon daw mali, parang nadaya.
Dahil alam niyang magaling ako at masigla sa lahat ng asignatura.

Doon na nagsimula ang unang yugto ng aming istorya.
Hanggang sa inamin ko sa kanya na iniibig ko siya.
Isang malaking ngiti ang gumuhit sa aking mukha.
Sapagkat, inamin niyang ako rin ang itinitibok ng puso niya.

Sa ikalawang yugto, napuno ng saya ang aking puso.
Buwan ng Setyembre, nagkaroon ng "tayo".
Ika-dalawampu't siyam na araw ng buwan na iyon, ibinigay ko ang aking "Oo".
Isang bagay na nagpabago ng aking mundo.

Masaya naman tayo at mas lumalim ang samahan.
Isang bagay na nagpalalim din ng aking nararamdaman.
Unti-unti akong nalulunod sa pag-ibig ko sayo.
Na para bang lahat ng gusto mo ay ibibigay ko.

Itinuring kitang sentro ng aking mundo.
Sapagkat halos sayo lamang umiikot ang buong buhay ko.
Itinuring kitang bituin na nasa kalangitan.
Ikaw ang itinuring kong kasintahan at kaibigan na lubos kong pinagkatiwalaan.

Ang sumunod na yugto ay puno ng pagsubok.
Sapagkat isang lihim na relasyon ang aking pinasok.
Aaminin kong hindi naging madali ang naging proseso.
Dahil maraming humadlang at tumutol sa nais ko.

Kabilang na dito ang aking mga magulang.
Hindi daw maaari sapagkat ako'y musmos pa lamang.
Subalit sa katigasan ng ulo, hindi ko sila pinakinggan.
Mas piniling sundin ang puso at ang aking kagustuhan.

Hanggang sa, wala na silang nagawa.
Wala na silang nagawa upang ilayo ako sa kanya.
Sadyang mas malakas ang puso kaysa sa utak ng tao.
Unti-unti akong nabulag sa pagmamahal ko.

Ika-apat na yugto, dito na nga tuluyang nagbago.
May mga bagay akong ibinigay bilang isang regalo.
Tulad ng aking puso, tiwala, at mga sikreto na ipinagkatiwala ko sayo.
Dahil buong akala ko, mananatili ka dito sa piling ko.

Isang taon at siyam na buwan.
Libo-libong mga pahina ang aking nasulatan.
Mga pahina na inakala kong madadagdagan pa.
Mga pahina... Na nabasa ng aking mga luha.

Buwan ng Hulyo, natuldukan ang ating samahan.
Aaminin ko na labis akong nalungkot at nasaktan.
Ngunit, dama ko rin na nasasaktan at nahihirapan ka na.
Kaya kahit mahirap, ang ating aklat ay akin nang isinara.

Dumating muli ang buwan ng Agosto, sa araw ng kaarawan ko.
Kung saan ako'y muling kinausap mo.
Kung saan sinubukan muli nating ituloy ang naudlot nating kuwento.
Nadagdagan nanaman ang libro ng mga panibagong yugto.

Naaalala mo pa ba kung pang-ilan ka lagi sa aking listahan?
Sa listahan ko ng mga prioridad, ikaw lagi ang nasa unahan.
Tutol ka sa desisyon ko na unahin ka subalit hindi ako nakikinig.
Pasensya na pero ganyan talaga kalalim at katatag ang nadadama kong pag-ibig.

Bawat yugto ay aking paborito.
Sapagkat lahat ng ito'y tungkol sayo.
May masakit, may masaya, at may malungkot na mga yugto sa ating istorya.
At kahit hindi ka perpekto, minamahal at tanggap pa rin kita.

Kung pwede lang sana, gagawa ulit ako ng panibagong kuwento.
Kung saan makikilala kita at magkakaroon muli ng "tayo".
Kung saan aayusin ko na ang mga hakbang at proseso.
Kung saan ang magkakatuluyan sa dulo ay ikaw at ako.

Subalit... Hindi na iyon mangyayari pa.
Dahil dama ko at alam ko na ayaw mo na talaga.
Umabot tayo ng dalawang taon na inakala kong mas tatagal pa, sinta.
Subalit sa buwan ng Oktubre, tuluyan ka nang nawala.

Tayo ang may akda, subalit ako lang yata ang nakakaalala.
Kahit wala na ang mga pahina, kabisado ko pa rin ang ating istorya.
Mula sa simula hanggang sa pinakahuling pahina.
Mga pahinang nasunog, naging abo, subalit nanatili pa rin ang katagang...
"Mahal na mahal kita".

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now