Sa Pagitan Ng Tayo At Wala

752 3 0
                                    

Heto nanaman ako, gumagawa ng panibagong tula para sayo.
Tula na naglalaman ng panibagong kuwento.
Kuwento na hindi tulad ng mga nababasa mo sa mga libro.
Dahil tayong dalawa ang bida sa istoryang ito.

Simulan natin sa buwan ng Setyembre, mahal ko.
Naaalala mo pa ba ang buwan na ito?
Dito ko sisimulan ang aking kuwento.
Sa buwan na kung saan nagkaroon ng "tayo".

Di ka mayaman, di rin makisig ang iyong mukha.
Ngunit ang iyong ugali at pagkatao ay sadyang nakakatuwa.
Mahilig magbiro at may taglay na talino.
Mga katangian mo na naging dahilan ng pagkahulog ko sayo.

Naaalala ko pa yung araw na kung saan nakatanggap ako ng mensahe mula sayo.
Nagtatanong kung bakit nakangiti ako kahit malungkot ang aking puso.
Agad akong nakaramdam ng pagkagulat at pagtataka.
Paano mo napansin o nalaman na pilit lang ang mga ngiti na aking pinapakita?

Agad kong sinabi sayo ang tunay na nararamdaman ko.
Bumagsak kasi ako sa Matematika kaya ako'y nanlulumo.
Agad kang gumawa ng mga biro para lang ako'y pangitiin.
At dahil sa ginawa mo lalong lumalim ang aking pagtingin.

Isa sa mga di ko inaasahan ay ang sunod mong sinabi.
Di ko alam kung paano ko nagawang pigilan ang aking pagtili.
Isang ngiti ang gumuhit sa aking mga labi.
Yung ngiti na para bang batang nakatanggap ng kendi.

"Mahal kita. Matagal na."

Hanggang ngayo'y binabalik-balikan ko ang araw na iyon.
Sapagkat nagbago na ang mundo ko simula noon.
Naaalala ko pa kung paano ka natigilan nung umamin rin ako sayo.
Na ikaw lang at wala ng iba pa ang tinitibok ng aking puso.

Simula noon, ang mundo ko'y nagkaroon ng buhay.
Pati na rin ang buhay ko ay naging makulay.
Walang araw na lumilipas na hindi ako masaya.
Dahil ikaw, mahal ko, ang dahilan ng ligaya na aking nadarama.

Mahal, alam mo ba... Minsan na kong humiling sa isang bulalakaw.
Na sana... Na sana ang aking tadhana ay ikaw.
Ikaw na dahilan kung paano ako muling natutong ngimiti at tumawa.
Ikaw na dahilan kung bakit ang bawat araw na dumadaan ay puno ng kulay at sigla.

Noong una'y marami ang humadlang at hindi sang-ayon.
Ngunit di rin nagtagal, tinanggap din nila ang ating relasyon.
Noong araw na iyon labis na kasiyahan ang aking nadama.
Sapagkat hindi natin kailangan pang magtago ng sikreto o ilihim ito sa kanila.

Sa bawat buwan na lumilipas, mas lalong tumatag ang ating samahan.
Ngunit... Tunay nga ang kasabihan na lahat ng bagay ay may katapusan.
Natuldukan ang ating storya dahil sa ginawa kong kasalanan.
Nang dahil saking pagkakamali, ikaw ay lumuha at nasaktan.

Patawad... Patawad... Patawad, mahal ko kung nabasag ko ang iyong puso.
Patawad kung naging malihim ako sayo.
Patawad kung mas nanaig ang takot at pangamba.
Pangamba na baka pag inamin kong nasasaktan ako, masasaktan din kita.

Ngunit.... Ano ang iyong ginagawa mahal ko?
Tinapos mo ang relasyon natin pero pinaparamdam mong may lugar pa ko sa buhay mo.
Hindi kita maintindihan, nais ko sanang maliwanagan.
Sapagkat ako'y nalilito na at hindi ko na rin alam kung ano ang aking kinalalagyan.

May mga araw na kung saan ubod ng tamis ang iyong pakikitungo sa akin.
Palagi kang nangungumusta at umaakto na para bang may namamagitan pa rin sa atin.
Kung minsan nama'y natatalo pa ang yelo sayo pagdating sa palamigan.
Walang paramdam o kamustahan na kadalasang nauuwi sa dedmahan.

Hindi ko na alam kung ano ang dapat kong maramdaman.
Hindi ko alam kung dapat ba kong matuwa o masaktan.
Hindi ko na alam kung ano ba ang tingin mo sakin.
Kung ako ba'y mahal mo pa o ako ba'y pampalipas oras nalang sa iyong paningin.

Nagtiwala ako. Nagtitiwala pa rin ako sa mga sinabi mo.
Sa mga sinabi mong mga pangako.
Kaya sana wag mong sirain ang tiwalang ibinigay ko sayo.
Sana... Sana totoo ang sinabi mong mahal mo ko at hindi mo ko niloloko.

Sana nga hindi ka nagbibiro, mahal ko.
Sana nga totoo yung sinabi mong magkakaroon pa ng "TAYO".
Dahil sa mga oras na ito, ako'y nasa pagitan ng "tayo" at "wala".
Tama. Ako'y nasa pagitan ng "pwede pa" at "malabo na".

Parang may "tayo" kahit wala naman talaga.
Dinaig pa natin ang mga ikinasal na sa bawat palitan natin ng mga matatamis na salita.
Dinaig pa natin ang hindi magkakilala pagdating sa larangan ng dedmahan.
Yun bang parang walang imik at hangin ang ating turingan.

Alam ko na dapat na kong sumuko.
Pero yung bwisit kong puso iba ata ang gusto.
Parehong nagtatalo ang aking puso at utak.
Na dati'y nagkasundong mahalin ka noong pinulot at binuo mo muli ang puso kong nabiyak.

Sa pagitan ng "tayo" at "wala", nandoon ako nakatayo.
Umaasa na hahatakin mo ko pabalik sa buhay mo.
Umaasa na tutuparin mo ang iyong pangako na babalik ka.
Umaasa na meron pa... Na pwede pa... Na may pag-asa pa...

Napaka-sakit isipin na hanggang dito lang ako.
Na ito lang ang katayuan at papel ko sa buhay mo.
Sa isang uri ng relasyon na hindi pa napapangalanan ng madla.
Sa isang relasyon na kung saan nasa pagitan ako ng "tayo" at "wala".

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon