Capítulo 28

Mulai dari awal
                                    

"Anong nangyari sa iyo?" Mahinahon nitong tanong sa akin. Sinenyasan ko lamang siya na umalis na sa pagkakapatong sa akin na kaniya namang sinunod.

Isinandal ko ang aking ulo sa bato, at nilanghap ang preskong simoy ng hangin. Narito na ako sa aking panahon. Nakabalik na ako.

"Maximo?"

Liningon ko si Isagani. Bahagya lamang akong ngumiti rito bago sumandal muli sa bato.

"Maraming nangyari sa akin, Isagani."

"Kung gayon, ito na lamang, saan ka nanggaling? Ang huli naming balita sa iyo ay ang pagtakas mo sa araw ng iyong kamatayan. Kasunod doon ay ang malaking pabuya na ibibigay ng gobernador-heneral sa kung sino ang makapagtuturo kung nasaan ka. Wala pa ring nakakakuha ng pabuyang limang daang riyeles."

Bahagya naman akong ngumisi rito. "Nais mo ba na ako'y ipagkakanulo mo upang iyong makuha ang pabuya na nakapatong sa aking ulo?"

Ngumisi naman ito, at malakas na sinampal ang bato na aking sinasandalan. "Hibang ka ba, Maximo? Iyan ba ang nangyari sa iyo sa loob ng isang buwan na ikaw ay nawala? Sa tingin mo ay ipagkakanulo kita?"

Nang sinabi niya iyong kaniyang huling sinabi ay kaagad na bumigat ang aking dibdib. Napawi ang aking ngisi, at napabuntong-hininga na lamang ako.

Mayroon din namang magandang nangyari sa pagkanulo ni Isabella sa iyo, hindi ba?

Nakabalik ka na sa iyong panahon.

Nakabalik na nga ako sa aking panahon, ngunit bakit tila ayaw ko muna rito?

"Maximo? Maayos ka lang ba?" Liningon ko muli si Isagani, at bahagyang ngumiti at tumango. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. "Tayo'y humayo na, sigurado akong matutuwa ang mga kasamahan natin na malaman na ikaw ay buhay pa." ngisi nito habang tinutulungan akong makatayo.

"Hindi magandang biro," giit ko, at pabirong siniko ang sikmura nito.

Natawa na lamang ito. "Alam ko, patawad." Umiling-iling lamang ako, at nagsimula nang maglakad habang inaalalayan ni Isagani.

Naglakad kami ni Isagani paakyat ng bundok kung saan kasalukuyang nagtatago ang Katipunan. Nawasak na ang dati naming tagpuan, at pinaghahanap na rin ng mga Kastila ang karamihan sa mga Katipunero kung kaya't dito muna sila sa kabundukan namamalagi. Malayo sa mga tao, malayo sa mga Kastila.

Isang mayabong na kawayanan ang matikas na nakatayo sa aming harapan. Sa gitna nito ay isang pasukan na kasukat lamang ng isang tao na kinubli at pinapaligiran ng mga palumpong at mga kawayan. Lumingon-lingon si Isagani sa aming paligid, at dahan-dahang binuksan ang nakakubling pasukan.

Nang bumukas na ito, ay inudyok ako ni Isagani na pumasok sa loob. Pumasok ako, at muli niyang isinara ang pasukan. Sa loob ng kawayanan ay tanging mga nagtataasan at naglalakihang mga kawayan lamang ang aking nakikita pataas at paibayo, animo isa itong mataas na pasilyo sa Casa.

Nang nagsimula akong humakbang ay kaagad akong pinigilan ni Isagani. "Mag-ingat ka, Maximo." sabi nito sabay turo sa isang pisi na nakatali sa magkabilang kawayan sa aking paanan. "Maraming mga bitag ang pasumalang nilagay rito sa mga pasukan." Tumango lamang ako, at nauna nang lumakad si Isagani sa akin. Sinunod ko naman siya, habang iniiwasan din ang mga bitag na nakakubli rito.

Mi Querido, EspérameTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang