Inaapuyan ni Ginoong Lorenzo ang isa pang sulo na kaniyang ibinigay kay Isagani na nasa aking unahan.

"Saan ito patungo, Lorenzo?" rinig kong wika ni Isagani.

"Sa ilalim ng Casa, Israel. Gaya ng iyong mungkahi," Nakita ko namang tumango si Isagani sa sinabi ni Ginoong Lorenzo. "Maglalakad pa tayo ng halos isang oras bago tayo makarating doon."

Muling tumango si Isagani.

Narinig ko itong nagbuntong-hininga bago nagsalita. "Mayroon tayong isang espiya." wika nito na nagpabuntong-hininga kay Ginoong Lorenzo.

"Ang tanong ay kung sino ang taong iyon," tahimik na tugon ni Ginoong Lorenzo.

"Isang taong nakakaalam na nasa sa inyo si Maximo."

"Si Marcus, si C-Christian," Nangangatal na tinig ni Ginoong Lorenzo, lalo na nang banggitin nito ang pangalan ng anak.

Nakita kong umiling-iling si Isagani. "Hindi iyon magagawa ni Christian. Alam na niyang magkadugo sila ni Maximo, at alam kong hindi siya gagawa ng kung anuman upang masira ang kaniyang pamilya.  Si Marcus naman, hindi ako nakakasiguro. Tuso ang batang iyon, ngunit alam niya wala siyang mapapala sa magkakanulo sa atin, lalo na't alam na rin ng bagong punong heneral na kasapi ang kanilang pamilya sa rebelyon."

Dahil doon ay napahinga ng maluwag si Ginoong Lorenzo.

"Maraming nakakaalam na sa amin tumutuloy si Maximo."

"Alam ko, Lorenzo."

Namuo ang katahimikan sa aming lahat habang patuloy kami sa paglalakad sa lagusan. Ngunit kaagad na lamang akong napahinto sa aking paa nang mayroon akong napagtanto.

"Magpahinga muna tayo. Malayo-layo na rin ang ating nalakad." tinig ni Isagani.

Huminto sina Ginoong Lorenzo at Tía Claudia sa sinabi ni Isagani. Nakita kong umupo si Tía Claudia sa lupa habang nanatiling nakatayo si Ginoong Lorenzo.

"Ano nang mangyayari sa mansyon de Alfonso, Ginoong Lorenzo?" Lumingon naman sa akin si Ginoong Lorenzo, ngunit kaagad din naman siyang tumingin muli sa aming dadaanan.

"Sigurado akong hahalughugin ng hukbo ang buong mansyon. Ngunit sa oras na malaman nilang wala na tayo roon ay hindi ko na alam kung anong mangyayari." ani nito.

"Karamihan sa mga bahay ng mga rebelde na nahuli ng gobyerno ay sinusunog ng hukbo. Tinatapunan din nila ang mga ito ng bomba upang masiguro na mawasak ang buong bahay." Tahimik na tugon ni Isagani na ngayon ay nasa aking likuran.

Tumango-tango naman si Ginoong Lorenzo sa sinabi ni Isagani. "Parang ganoon ang mangyayari sa mansyon, Maximo." sabi nito sa akin.

Tumango lamang ako. "At kung matunton ng hukbo ang lagusan na nasa ilalim ng hagdanan?"

Nakita ko lamang na bahagyang ngumisi si Ginoong Lorenzo. "Kung matunton man nila ang nakakubling pinto na nasa ilalim ng hagdanan, Maximo, hindi pa rin nila tayo matutunton hanggang nasa ilalim tayo ng lupa." Kumunot ang aking noo sa kaniyang sinabi. "Isang makapal na bakal ang namamagitan sa lagusan na nasa ilalim ng hagdan at sa lagusan na tinatahak natin ngayon. At tanging ako lang ang makapagbubukas doon." paliwanag nito.

Tumango-tango na lamang ako. Umupo ako sa tabi ni Tía Claudia kung saan aking naramdaman na patuloy pa rin itong nanginginig.

"I-Isabella. Kailangan kong makausap si Isabella." bulong nito. Kumunot naman ang aking noo.

"L-Lorenzo, kailangan kong makausap si Isabella." Nangangatal na tanong nito habang diretso lamang nakatitig sa kabilang pader ng lupa sa lagusan. Nakita kong inilabas ni Ginoong Lorenzo ang kaniyang smartphone, at umiling-iling.

Mi Querido, EspérameTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon