Nang nakalapit na ang mga ito sa amin ay kaagad akong nagbigay galang sa dalawang ginoo na nasa aking harap, samantalang si Isabella ay hinalikan ang pisngi ng kaniyang ama at bumati sa Heneral.

"Marcus, ang palagi kong kinukuwento sa'yo, si Maximo Valencia." Pagpapakilala ni Ginoong Lorenzo sa akin sa Heneral.

"Maximo, si Heneral Marcus Castillo, ang dating punong heneral ng hukbong sandatahan ng Pilipinas." Yinuko ko naman ang aking ulo, at bahagyang ngumiti rito na nakatitig lamang diretso sa akin at walang emosyon na ako'y pinagmasdan.

"Nagagalak po ako na ika'y makilala, Heneral." bati ko rito, at inilahad ang aking kamay.

Tinitigan muna ako ng Heneral bago kinuha ang aking kamay, habang nakatitig pa rin sa akin.

"Hindi ko masasabing nagagalak ako na makilala ka, Maximo. Ngunit, eto, nakilala kita." Nakangisi nitong wika sa akin, kaniyang tinig ay mayroong halong angas na nagpapaalala sa akin sa kaniyang angkan. Walang kaduda-duda, nanggaling siya sa lahi ni Heneral Edgardo Castillo sapagkat nakuha nito ang kataasang ugali na namamayani sa mga Castillo noon, maski ngayon.

Isa sa mga maimpluwensiya at kilalang pamilya sa aming panahon ay ang mga Castillo. Ang ama ni Heneral Edgardo Castillo na si Don Cesar Castillo ay ang Gobernadorcillo ng Maynila, kung kaya't marami itong koneksyon sa politika at mga negosyo. Maski sa hukbong sandatahan sapagkat isa rin itong heneral sa kaniyang kabataan. Si Don Cesar ang namumuno sa buong Maynila simula pa noong taong 1875, hanggang sa aking pagkawala sa aking panahon ay siya pa rin ang gobernador ng Maynila. Nakilala si Don Cesar sa kaniyang matatag at maayos na pamamalakad ng kabisera at ng mga negosyo rito. Kung kaya't sa tatlong kilalang pamilya na sumusuporta sa rebolusyon--- ang mga Isidro, Domingo, at Castillo--- ang mga Castillo ang pinakamayaman. Samantalang ang mga Isidro ang pinakamalapit sa Gobernador-Heneral, at sa Kaharian ng Espanya. Habang ang mga Domingo ay kilala bilang mga mahuhusay na mga abogado sa bansa.

Bahagya naman akong ngumiti, at tinanguan na lamang ang Heneral. Kinuha ko ang aking kamay sa kaniya, at muli ako nitong pinagmasdan gamit ang kaniyang walang kaemo-emosyong mukha.

"Matanong lang, Heneral. Ngunit iyong pinangako mo sa madla na iyong pupuksuin ang mga rebeldeng grupo na namamalagi sa Cavite, paano mo iyon magagawa kung tayo lamang ang mapangahas na kumakalaban sa kolonya?" Ngumisi lamang ang Heneral sa aking tanong, at napatango. Ibinaling nito ang kaniyang bigat sa kaniyang isang paa, at muling ngumisi sa akin.

"Minsan, Maximo. Kailangan mong gamitin ang kalaban laban sa kalaban." ngisi nito sa akin. "Ngunit pinatalsik na ako sa aking puwesto. Mga putang Kastilang iyon." dagdag nito, kumuyom ang kaniyang kamay.

"Lahat tayo ay pinatalsik sa ating mga puwesto, Marcus."

Napalingon naman kaming lahat sa lalaking nagsalita mula sa likod ng Heneral.

"Supremo," sabay na sambit nina Ginoong Lorenzo at ng Heneral.

Kaagad ko namang ibinalik ang aking tingin sa bagong lalaki na nasa aming harapan. Itim ang kulay ng buhok nito, ngunit malapit na rin itong maging kulay-abo. Matikas ang kaniyang tindig, at magkasing-tangkad lamang sila ni Ginoong Lorenzo. Nakasuot ito ng puting camisa at kulay-abo na kurbata na pinaibabawan ng kayumangging tsaleko at terno. Kayumanggi rin ang pantalon nito at ang kaniyang sapatos na suot. Sa aking tingin ay magkasing-edad lamang din sila ni Ginoong Lorenzo.

Ngumiti ito sa akin, ngunit nagtataka lamang akong tinitigan siya. Kung siya ang Supremo ng Anak ng Katipunan, ibig sabihin ay siya rin ang nagpapadala sa akin ng mga mensahe at pera. Ngunit bakit Isagani ang kaniyang inilalagda sa kaniyang mga liham? At paano niya nalaman na ako ang kanilang tinaguriang Misteryo ng Kasaysayan?

Mi Querido, EspérameWhere stories live. Discover now