Capítulo 12

Beginne am Anfang
                                    

Sa loob ng isang linggo ay marami akong nalaman at natutunan kay Natalia. Naging malapit kami sa isa't isa, at nawala na iyong kaasiwaan namin noong kami'y unang nagkita, at nagkakilala. Hindi ko naman maikaila ang aking nararamdaman para sa Binibini, na ako'y marahan na nahuhulog na sa kaniya. Hindi ko alam kung paano ko ito titigilan, ngunit ayaw ko, sapagkat sa paglipas ng mga araw na kami'y magkasama magdamag, habang akin siyang sinusulyapan sa ilalim at ibabaw ng libro ay mas nahuhumaling ako sa kaniya. Bawat araw na kami'y magkasamang nagbabasa, unti-unti ko nang nalalaman ang dahilan ng pambihirang pagtibok ng aking puso sa tuwing siya'y aking kasama.

"Upon recovering, he realizes his love for Natasha, which she reciprocates. Pierre and Natasha got married in 1813, and bore four children. Nikolai weds Mary, resolving his family’s financial problems. He also rebuilt Mary’s family’s estate, which had been damaged in the war. Despite some tensions, both couples lived a happy life." salaysay ko, at isinara ang libro. "The End." dagdag ko at tumingin kay Natalia. Nakapalitada na naman sa kaniyang mga labi ang ngiting aking labis na kinahuhumalingan. Hindi ko na naman mapigilan ang aking sarili kaya't ako'y ngumiti naman sa kaniya.

~

Война и миръ

War and Peace

Ang librong nagdugtong sa amin ni Natalia. Ang pinakaunang saksi sa aking pag-irog sa kaniya. Naglalaman ito ng mga masalimuot na mga pangyayari sa buhay ng limang maharlikang pamilya nang sakupin ni Napoleon at ng mga Pranses ang bansang Russia. Ngunit sa katapusan ng kuwento ay lumiwanag din naman ang lahat. Walang bida ang kuwentong War and Peace na isinulat ng Rusong may-akda na si Ginoong Leo Tolstoy. Tungkol lamang ito sa naging buhay ng limang pamilya sa pananakop ni Napoleon, at ang epekto nito sa Tsarism ng Russia.

Patuloy pa rin sa pagtatalakay si Maestro Trujillo habang ako nama'y nakatingin pa rin kay Isabella. Maya-maya ay inilapag na ni Isabella ang kaniyang pluma, at tiningnan ang kaniyang isinulat sa kaniyang kuwaderno.

Война и миръ

"War and Peace." bulong ko.

Napatigil naman si Isabella at tumingin sa akin habang nakakunot ang kaniyang noo. Bahagya lamang akong ngumiti sa kaniya, at ibinalik na ang aking tingin kay Maestro Trujillo.

***

"Hi." rinig kong tinig ng isang babae galing sa aking likuran.

Napalingon naman ako sa kinaroroonan ng babae sa aking likod, at bahagyang ngumiti sa kaniya. Hindi kalayuan sa kaniyang likuran ay mayroong isang pangkat ng mga babae na nagbubulungan at nagkakatuwaan habang tinatanaw ang babaeng nasa aking harapan.

"Maximo, ¿verdad?"

Maximo, right?

Ani nito, at napalunok. Nginitian ko na lamang siya. "Sí. Maximo."

Napangiti naman ang babae at inilahad ang kaniyang kamay. "Mi nombre es Helen Montes." pagpapakilala nito sa akin.

Kinuha ko naman ang kaniyang kamay, at animo naman na nagagalak ang mga kababaihang nasa 'di kalayuan. Binaling ko ang aking tingin kay Helen na ngayon ay nakayuko habang magkahawak ang aming mga kamay. Nakita ko naman ang pamumula ng kaniyang mga pisngi kahit na ito'y nakayuko. Kaagad din naman niyang kinuha ang kaniyang kamay galing sa akin sa hindi ko mapagtanto na dahilan.

Mi Querido, EspérameWo Geschichten leben. Entdecke jetzt