Chapter 23

26 1 0
                                    

"Bye, asawa ko." pang-aasar sa akin ni Luis habang paalis na siya.

"Sige na, umalis ka na. Mag-iingat ka." ani ko habang tinutulak siya papalabas ng pinto.

"Gustong-gusto mo na ako paalisin, asawa ko." pagda-drama niya.

"Umayos ka nga, Luis. Baka ma-late ka pa."

"Hindi na mabiro. Sige, aalis na ako. Ingat kayo ng kambal." aniya saka ako hinalikan sa noo.

"Mag-iingat ka." pahabol ko pa at tumango naman siya. Sinara ko na ang pintuan nang nakasakay na siya sa elevator.

Hindi pa man ako nakakalayo sa pintuan ay may nagbukas muli nito. Akala ko ay bumalik si Luis ngunit si Louie na ang kaharap ko ngayon.

"Good morning, Love." bati niya sa akin na may ngiti sa labi.

"Anong ginagawa mo dito? Kakaalis lang ni Luis."

"Kaya nga ako nandito dahil wala 'yung kakambal ko." aniya saka lumapit sa akin para yakapin ako pero lumayo ako sa kanya.

"Louie, sinabi ko naman sa iyo na hindi pwede itong ginagawa mo. Paano kung malaman ni Luis na nagpupunta ka dito." inis kong sagot sa kanya.

"Sa tingin mo ba ay wala pa rin siyang alam." napakunot naman ang noo ko sa sinabi niya. "Masyado ka atang takot sa kakambal ko."

Pinili kong hindi na magsalita pa. Tumalikod ako sa kanya para magpunta sa kusina.

"Kain tayo sa labas." pagyaya niya sa akin. "Huwag mo na sana ako tanggihan ngayon, Love."

Humarap ako sa kanya at pinagkrus ang braso ko. "Ilang beses ko ba sasabihin sa'yo na hindi pwede."

"Isasama naman natin 'yung kambal. Iuuwi ko rin naman kayo agad. Hindi rin naman magtataka ang ibang tao kung ako ba ang ama nila dahil kamukha ko rin naman si Luis."

"Umalis ka na lang. 'Wag mo na ipilit 'yung gusto mo."

"Lagi na lang ako pinapaalis ng mahal ko." pagtatampo niya.

Muli ko siyang tinalikuran para hindi ko na siya mapansin pa. Maya maya lang ay narinig ko na naglalakad na siya palayo at ang pagbukas at pagsara ng pinto. Mabuti naman at umalis na siya. Lumabas ako ng kusina upang makasiguro kung nakaalis na ba talaga si Louie.

Tiningnan ko muna ang kambal sa kwarto para malaman kung gising na ba sila. Pero parehas na mahimbing ang tulog nila kaya nagpasya na akong mag-umpisa sa gawaing bahay. Nang aayusin ko ang mga throw pillow sa upuan ay napansin ko ang cellphone ni Luis na nakalapag sa center table. Agad kong kinuha iyon at lumabas. Baka maabutan ko pa si Luis sa baba. Nang bumukas ang pintuan ng elevator sa ground floor ay lumabas na ako. Pero parang napako ang mga paa ko dahil sa nakita ko.

"Alexa," napalunok ako nang tawagin niya ako. "long time no see." halos hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko habang papalapit siya nang papalapit sa akin. "Kamusta ka na? Hindi mo na kami binibisita."

"O-okay lang po, Tita." nauutal kong sagot habang yakap-yakap niya ako.

"Tinatanong ko nga si Louie kung bakit hindi ka niya sinama noong umuwi siya sa amin." nagtatampong ani ng mommy ni Louie saka bumitiw sa pagkakayakap. "Nag-away ba kayo ng anak ko?"

"Hi-hindi p-po." Hindi mawala ang pagkautal ko sa tuwing sinasagot ko siya. Natatakot ako dahil naalala ko ang sikreto namin ni Luis.

"Mommy? Anong ginagawa niyo dito?" napalingon ako sa likod nang may magsalita.

"Ano pa ba? Syempre binibisita si Alexa. Bakit kasi hindi mo siya sinama noong umuwi ka?" sagot ng mommy niya sa kanya.

Napakamot naman sa likod ng ulo niya si Louie at napangiti. "Sinabi ko naman sa inyo na may pinuntahan lang ako malapit doon kaya dumaan na ako sa atin." paliwanag ni Louie.

"O siya, kailangan bumawi ni Alexa sa akin." ani Tita at hinawakan ang kamay ko saka hinigit papalapit sa kanya dahilan nang pagkagulat ko at pagkakunot ng noo ni Louie.

"Hindi pwedeng umalis si Alexa, mommy." depensa ni Louie saka kinuha ang isa kong kamay at hinigit palapit sa kanya.

"Anak naman, minsan ko na lang nga maka-bonding si Alexa." pagtatampo ni tita.

"May lakad si Alexa ngayon." nanlaki ang mata ko na nakatingin kay Louie.

Ano ang pinagsasabi niya?

"Magde-date ba kayo?" tanong sa akin ni tita. Tatango na sana ako nang magsalita uli si Louie.

"Pupuntahan niya ang kaibigan niya na kakagaling lang sa sakit." sagot ni Louie dahilan ng pagkalungkot ng mukha ni Tita.

"Sorry po, Tita." hingi kong paumanhin. "Next time po babawi ako. Lalabas po tayo." sa sinabi kong iyon ay napangiti si Tita.

"Next time, ha?" paninigurado pa ni tita na ikinatango ko naman. "Aalis na rin ako dahil nakita ko naman na si Alexa."

"Akala ko pa naman ako ang pinuntahan niyo dito, mommy." pagtatampo ni Louie.

"Si Alexa ang matagal ko nang hindi nakikita kaya siya ang gusto kong makita." sermon ng mommy niya sa kanya kaya napayuko na lang si Louie.

"Ihahatid ko na po kayo, mommy."

"Hindi na. Kasama ko naman ang driver natin."

Dahil mapilit si Louie ay sinamahan na lang namin si Tita sa sasakyan niya. Nagpaalam kami sa kanya at may sinabi siya na dumagdag pa sa aming problema.

"Pwede mo ng bitiwan ang kamay ko." ani ko habang nasa loob kami ng elevator ni Louie.

"Alalahanin mo, may utang ka sa akin." sagot ni Louie na may nakakalokong ngiti. Napaisip naman ako sa sinagot niya. "'Yung sinabi kong dahilan kay mommy. Nakalimutan mo na agad."

"Saka mo na ako singilin sa utang na 'yun." walang gana kong sagot.

Tahimik naman na nakasunod sa akin si Louie. Naupo ako sa upuan at nasapo na lang ang aking ulo sa dami ng problema.

"Huwag mo na isipin 'yun." ani Louie saka tumabi sa akin.

"Sa tingin ko talaga ay may alam na sila." sagot ko kay Louie.

"Masyado ka naman takot. Hindi naman nangangain ang magulang namin." sinamaan ko ng tingin si Louie dahil wala ako sa mood makipagbiruan ngayon. "Kalma, binibiro ka lang naman."

"Gusto ko ng ipakilala ang kambal sa kanila pero si Luis kasi, e."

"May hinihintay lang siguro 'yung kapatid ko."

"Ano naman ang hinihintay niya? Kapag pumuti na ang uwak?" inis kong sagot.

"Malalaman mo rin. Kahit nga ako naiinip na."

"Alam mo, nagtataka na ako sa mga pinagsasabi mo, Louie, ano ba talaga ang ibig mong sabihin?" seryoso kong tanong sa kanya pero tanging ngiti lang ang natanggap ko. "Magsalita ka nga. Nagkakakausap ba kayo ni Luis? Ano raw ba ang plano niya?"

"Hindi ba't kayo ang magkasama at may pamilya? Bakit hindi mo alam ang plano niya?"

"Louie!"

"Alam mong hindi mo ako madadala sa ganyan, Love." napapikit na lang ako sa inis.

"Umalis ka na kung ayaw mo sabihin." hinigit ko siya patayo. "Umalis ka na." tinutulak ko siya papalapit sa pinto.

"Lagi mo na lang ako pinapaalis, Love."

"Tigil-tigilan mo ako, Louie. Hindi ka nakakatulong." sagot ko habang binubuksan ko ang pintuan pero pinipigilan ako ni Louie.

"Gusto mo ba talaga matapos 'yung problema mo?" tanong niya habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko.

"Baka kalokohan na naman 'yan."

"Simple lang naman 'to." sagot niya saka inilagay ang kamay niya sa balikat ko.

"Ano naman ang plano mo?" seryoso kong tanong sa kanya.

"Ako ang magpapakilalang ama ng kambal."

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jul 20, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

ThornWhere stories live. Discover now