5

24 17 3
                                    

Sabay kaming pumasok ni Louie kahit mamaya pa ang klase niya. Magrereview na lang daw siya sa library habang naghihintay ng klase niya. Hinatid niya ako sa klase namin. Nakita ko naman na  papasok si Luis.

"Oh, papasok ka ata ngayon?" biro ko kay Luis pero hindi niya ako pinansin. Problema nun? Tiningnan ko naman si Louie na mukhang hindi nagulat sa ginawa ng kakambal niya.

"Papasok na ako." paalam ko kay Louie saka siya hinalikan sa pisngi. Humihirit pa nga siya ng isa dahil tinuturo niya pa ang kabila niyang pisngi.

"Tama na 'yan. Masyado pang maaga." sabi ko sa kanya.

"Ayun, meron pa pala mamaya, e." aniya, loko talaga 'to.

"Sige na, papasok na ako." paalam ko sa kanya saka pumasok sa room namin. Tumabi naman ako kay Kacey na parang kanina pa ako hinihintay.

"Badtrip ata si crush ngayon, besty?" bulong ni Kacey sa akin. Tinignan ko naman si Luis na may suot na earphone sa tenga niya habang nakapikit.

"Baka puyat." sagot ko kay Kacey.

"Uminom ba siya?" tanong pa ni Kacey. Hinarap ko naman siya.

"Besty, hindi ko naman nakakasama si Luis buong araw kaya hindi ko alam ang pinaggagawa niya." madalas ko talagang maprangka si Kacey dahil kay Luis, e. Ayaw ko naman kasi na umasa siya kay Luis dahil hindi nga nagseseryoso si Luis sa mga babae. Ngumuso naman si Kacey at hindi ako pinansin. Hay, tampururot na naman ang besty ko.

"Besty!" tawag ko kay Kacey nang iwanan niya ako sa room namin. Sobra naman ata ang pagtatampo niya. Porque badtrip ang crush niya dapat badtrip din siya? Tsk. Hinabol ko siya at hinawakan ko siya sa palapulsuhan nang maabutan ko siya. Nagulat naman ako nang humarap siya sa akin.

"Oh, bakit ka umiiyak?" tanong ko sa kanya at pinunasan ko ang luha niya. Hinatak naman niya ako sa ibang direksyon para makalayo sa mga tao.

"Ano ba ang nangyari?" tanong ko sa kanya nang huminto kami sa isang sulok ng building kung saan walang taong nagdaraan.

"Sinundan ko si Luis kagabi." aniya at tumulo na naman ang luha niya kaya pinunasan ko na naman iyon.

"Nagpunta siya sa bar kasama ang mga pinsan niya." dugtong niya pa.

"Teka, paano mo naman nalaman?" tanong ko dahil nagtataka ako kung bakit alam ni Kacey kung nasaan si Luis.

"Matagal na kaming magkatext ni Luis, minsan ay magkachat." sagot naman niya at napapikit ako. Mukhang hindi ko gugustuhin na marinig ang susunod niyang sasabihin. "Sorry besty, hindi ako nakinig sa'yo." niyakap niya ako kaya niyakap ko rin siya. May magagawa pa ba ako? Bestfriend ko naman siya kaya papatawarin ko siya.

"May ginawa ba sa'yo si Luis kaya ka umiiyak?" tanong ko. Kung anu-ano na kasi ang pumapasok sa isip ko dahil hindi ako pinansin ni Luis kanina. Kinakabahan na rin ako dahil sa pag-iyak ni Kacey. Hindi ko alam kung ano ang magagawa ko kay Luis kapag may ginawa siyang masama kay Kacey.

"Akala ko nagkasundo na kami na magseseryoso na siya. Madalas nga kaming magkitang dalawa kahit hindi namin pinapahalata sa school dahil alam kong magagalit ka. Pero nung sinundan ko siya ay may kasama siyang babae. Hindi nga humihiwalay 'yung babae sa kanya simula nang pagdating niya. Natiis ko silang pagmasdan na magkasama, Besty. Pero nung naghalikan na silang dalawa ay parang dinurog ang puso ko. Ibang usapan na 'yun, Besty." tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha sa mga mata ni Kacey. Ito na nga ba ang sinasabi ko, e.

"Ano'ng ginawa mo nang makita mo silang naghahalikan?" tanong ko sa kanya. Ang damit ko ay nabasa na dahil sa pag-iyak ni Kacey.

"Syempre, sinugod ko sila. Sinabunutan ko 'yung babae papalayo kay Luis pero noong awatin ako ni Luis ay nasampal ko siya. Galit na galit ako sa babaeng iyon at kay Luis." humagulgol na sa pag-iyak si Kacey habang hinahagod ko ang likuran niya.

"Tahan na, Besty. Kakausapin ko si Luis." pagpapatahan ko kay Kacey. Mukhang pati ako at damay sa pag-aaway nila ni Luis. Hindi ko akalain na matagal na pala sila ni Luis. Jusko, si Kacey rin pala ang dahilan kung bakit nakipaghiwalay si Luis sa girlfriend niya noong isang araw kung saan niya ako hinabol. Maraming naikwento sa akin ni Kacey, ilang beses na rin pala siyang nakapunta sa condo ni Luis. Hindi ko akalain na kaya niyang maglihim sa akin ng ganun. Akala ko crush lang talaga, e. Todo asar ko pa sa kanya 'yun pala ay sila na.

"Sorry talaga, Besty. Alam ko kasing magagalit ka." huminga na lang ako nang malalim para kalmahin ang sarili ko. Hindi ito ang tamang oras para magalit ako sa bestfriend ko.

"Okay lang, hindi naman ako nagkulang sa pagpapaalala sa iyo. Alam mo naman na masasaktan ka pero pinursige mo pa rin. Ngayon, umiiyak ka na nga. Siguro naman naalala mo na lahat ng paalala ko sa'yo." nginitian ko si Kacey na naluluha na naman.

"Ano ng balak mong gawin ngayon?" tanong ko sa kanya.

"Gusto ko siyang kausapin. Hindi na rin kasi niya ako nirereplyan sa mga text messages ko."

"Baka naman nakablock ka." sagot ko sa kanya. Umiling naman siya.

"Natatawagan ko pa rin naman siya. Sadyang iniiwasan lang niya ako." sagot naman niya.

"Hayaan mo, papakiusapan ko si Luis na kausapin ka. Pero kung hindi siya pumayag ay wala na akong magagawa. Iba kasi ang awra ngayon ni Luis, e" 'yun ay kung papansinin ako ni Luis.

Natapos ang lunch break namin at hindi kami nakakain ni Kacey. Mabuti na lang at hindi kami sabay ng lunch break ni Louie kung hindi ay hahanapin niya ako. Hindi pa naman kakain iyon nang hindi ako kasabay lalo na kung usapan namin na sabay kaming kakain. Mabuti na lang at may vacant kami kaya nakalabas ako para bumili ng makakain.

"Tama nga ako. Hindi ka kumain kanina." napatingin ako sa nagsalita pagkatapos ko kunin ang hamburger na binili ko. Tinignan niya pa ang binili ko.

"Bakit iyan lang ang kakainin mo?" tanong niya. Naupo na lang ako sa bakanteng upuan at tumabi siya sa akin.

"Madaliang kain lang naman." sagot ko sa kanya saka kumagat sa hamburger na binili ko.

"Ano pa ang gusto mo?" umiling naman ako.

"Okay na ako dito." sagot ko sa kanya. Tumango naman siya at naglagay ng earphone sa tenga niya. Pinagmasdan ko ang mukha niya kung may bakat pa ng pagkakasampal ni Kacey.

"Gisingin mo ako kung aalis ka na." aniya saka yumuko para matulog na. Kakausapin ko na sana siya kaso parang puyat naman siya. Pagkatapos ko kumain ay ginising ko na si Luis.

"Mukhang puyat na puyat ka ata." sabi ko sa kanya habang naglalakad kami. Tinanggal na rin niya ang earphone niya sa tenga.

"Malapit na kasi ang exam." sagot niya.

"Nagrereview ka na agad? Masyado kang advance." natatawa kong tanong. Next week pa naman ang exam namin.

"Alam mo naman, madalas akong wala sa klase kaya naghahabol ako."

"Ikaw kasi, e. Buti nakakatulog ka pa habang nakikinig ng music?" tanong ko sa kanya. Natawa naman siya sa akin at nilagay niya sa tenga ko ang isang earphone. Narinig ko naman ang boses ng prof namin habang nagdidiscuss.

"Ito ba 'yung pinapakinggan mo kanina?" tanong ko sa kanya. Tumango naman siya.

"Galing ko 'no?" tanong niya sabay kindat sa akin. Inirapan ko naman siya.

"Eh kung hindi ka kasi madalas uma-absent ay hindi ka sana napupuyat ng ganyan." sabi ko sa kanya.

"Oh, easy ka lang. Nagagalit ka agad, e." aniya at tinignan ko siya nang masama dahil nakuha niya pang tumawa.

"Ewan ko sa'yo." binilisan ko ang paglakad para maiwan siya. Naririnig ko pa rin na tumatawa siya. Kainis talaga. Bakit kasi ginising ko pa siya.

"Galit ka na talaga niyan, Alexa Jane?" tanong niya nang maabutan niya ako na paakyat na sa hagdan.

"Hindi." maikli kong sagot ko sa kanya.

"Eh ano, nag-aalala lang?" tanong niya.

"Basta, mas maganda kung palagi kang pumapasok." napangiti naman siya sa sinagot ko. Huminto siya sa paglalakad kaya napahinto rin ako.

"Sige, simula ngayon ay hindi na ako a-absent." aniya saka hinawakan ang kamay ko.

"Tara na, baka ma-late pa tayo, Alexa Jane." at naglakad na uli kami.

ThornTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon