Chapter 18

10 2 0
                                    

Hindi ako makatulog pagkatapos namin magmovie marathon ni Luis dahil laging sumasagi sa isip ko ang pagmamakaawa ni Louie. Mula sa pagkakahiga ay napaupo ako sa kama. Tama ba ang naging desisyon ko? Tama ba na sumama ako kay Luis? Tama ba na iwanan ko si Louie? Tama ba na buuin ko ang pamilya namin? At higit sa lahat, tama ba na minahal ko sina Louie at Luis.

Napatayo ako saka lumabas ng kwarto. Nagpunta ako sa kusina para kumuha ng tubig na maiinom. Binabagabag ako ng pangyayari kanina. Sa tuwing pumipikit ako ay naalala ko si Louie na nakaluhod at nagmamakaawa sa harap ni Luis. Hindi ko akalain na magagawa iyon ni Louie. Bakit ba kasi nangyayari ito sa amin?

"Hindi ka makatulog?" napalingon ako kay Luis na nakatayo sa likod ko. "Iniisip mo ba si Kuya Louie?" tumango ako bilang sagot. "Okay lang naman sa akin na kausapin mo siya."

"Akala ko ba ay magiging makasarili ka na ngayon?" tanong ko sa kanya.

"Hindi ko pala kaya." sagot niya saka ngumiti. "Siguro ay sanay na akong magsakripisyo para sa ikasasaya ng iba."

"Luis, naman." ani ko saka hinawakan ang kamay niya. "'Wag mo naman ako bigyan ng rason para bitiwan ka."

"Isa lang naman ang gusto ko malaman, Alexa Jane." aniya saka tumingin nang diretso sa mga mata ko. "Mahal mo ba talaga ako?"

"Mahal na mahal kita, Luis. Hindi ka ba naniniwala?" sagot ko sa kanya saka siya niyakap.

"Ang sarap pakinggan na mahal ka rin ng taong minamahal mo." aniya at niyakap niya ako nang mahigpit. "Gusto mo ba na mag-usap kayo ni Kuya Louie?"

"Gusto ko siya kausapin pero baka kung ano na naman ang gawin niya sa akin." sagot ko. Bumitiw naman sa pagkakayakap si Luis.

"'Wag ka mag-alala, sasamahan naman kita." aniya.

"Salamat, Luis." sagot ko at muli siyang niyakap.

"Bukas ay kakausapin natin siya. Matulog na tayo." pagyaya ni Luis sa akin.

Nang makahiga na ako ay kinumutan ako ni Luis at saka hinalikan sa noo. "Good night, Alexa Jane."

"Good night." sagot ko pero bago pa ako pumikit ay biglang nagring ang cellphone ko dahilan nang pagbangon ko.

"Tumatawag si Kuya Louie." ani Luis habang iniaabot sa akin ang cellphone ko. Tiningnan ko ang screen upang kumpirmahin kung si Louie nga ang tumatawag. Bakas ang pagtataka sa mukha ni Luis nang tingnan ko siya.

"Hello." ani ko nang sagutin ko ang tawag ni Louie.

"Love," sa boses pa lang niya ay halata ko na nakainom siya. "Mag-usap tayo." aniya kasabay nang paghikbi niya.

Napatingin ako kay Luis na walang kaalam-alam sa pinag-uusapan namin ni Louie. "Bukas, mag-uusap tayo bukas." sagot ko kay Louie. Nakita ko pa na napatango si Luis.

"Bakit bukas pa? Pwede naman ngayon." napapikit ako sa sagot ni Louie.

"Bukas hindi ka na lasing kaya makakausap kita nang maayos." napailing naman si Luis nang marinig ang sinagot ko.

"Sabihin mo, hindi mo na talaga ako mahal, di ba? Bakit mo pa ako pupuntahan kung balewala na ako sa iyo." ako naman ang napailing ngayon sa inaasal ni Louie.

"Louie, kakausapin naman talaga kita. Mas maganda naman na mag-usap tayo nang hindi ka lasing." sagot ko, nagulat ako nang may marinig akong nabasag.

"Hindi ako lasing!" sigaw ni Louie sa kabilang linya. "Kung ayaw mo makipag-usap ngayon, edi 'wag! Tingnan natin kung may makakausap ka pa bukas."

"Teka, anong pinagsasabi mo, Louie?" naguguluhan kong tanong. "Louie? Magsalita ka." tiningnan ko ang screen ng cellphone ko at naibaba na pala niya ang tawag.

"Bakit?" tanong ni Luis pero hindi ko siya sinagot dahil abala ako sa pagbabasa sa mga text sa akin ni Louie. Kanina pa pala siya nagte-text.

Napatayo ako sa kama nang mabasa ko ang kakarating lang na text message mula kay Louie. Agad-agad akong lumabas ng kwarto para puntahan siya. Natatakot ako, natatakot ako sa kung ano man ang binabalak na gawin ni Louie sa sarili niya.

"Teka, Alexa Jane, saan ka pupunta?" napahinto ako nang harangin ako ni Luis sa pinto.

"Pupuntahan ko si Louie, kinakabahan ako, Luis. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng sinabi niya sa akin kanina na hindi na kami makakapag-usap bukas. Tapos 'yung text niya sa akin ngayon na nagpapaalam na siya. " paliwanag ko. Napatango na lang si Luis at pinagbuksan pa ako ng pinto. Mabilis akong tumakbo papunta sa elevator at pinindot ang floor ng unit ni Louie.

Habang nasa elevator ay ramdam ko ang lakas ng kabog sa dibdib ko. Nanalangin din ako na sana ay walang gawin na masama si Louie.

Pagbukas ng pintuan ng elevator ay tumakbo ako papunta sa tapat ng pinto ng unit ni Louie saka kumatok. "Louie! Nandito na ako." sigaw ko. Lalong lumalakas ang kabog sa dibdib ko nang mapagtanto ko na naka-lock pala ang pinto. "Louie!" kinalampag ko na ang pintuan.

Hinawi naman ako ni Luis at saka niya isinuksok ang susi sa doorknob. Nang mabuksan niya iyon ay pumasok na ako para hanapin si Louie.

Nakatapak pa ako ng bubog malapit sa kusina. Napaluhod naman si Luis nang mapa-aray ako. Pero hindi ko na pinansin iyon at pumasok na ako sa kusina.

Nakita ko si Louie na nakasubsob sa lamesa, agad naman akong lumapit sa kanya kahit iika-ika ako maglakad. "Louie," tawag ko sa kanya. Napansin ko na may hawak pa siya na bubog sa kanang kamay niya. "Louie, anong ginawa mo?" lumapit naman sa amin si Luis habang tinitingnan ko ang magkabilang palapulsuhan ni Louie.

"Hindi naman malalim ang pagkakasugat niya." ani Luis habang pinupunasan ang dugo sa kaliwang palapulsuhan ni Louie.

"Dalhin kaya natin siya sa ospital." suhestyon ko na ikinailing naman ni Luis.

"Hindi na kailangan, Alexa Jane." sagot niya saka inakay si Louie papatayo. "Daldalhin ko siya sa kwarto niya."

"Sige, magpapakulo lang ako ng tubig." sagot ko at inalalayan naman niya si Louie papunta sa kwarto.

Habang nagpapakulo ako ng tubig ay nilinisan ko ang sugat ko at tinanggal ko na rin ang mga bubog sa sahig. Pagkatapos magpakulo ay sumunod na rin ako sa kwarto. Nakita ko si Luis na nilalagyan ng gasa ang sugat ni Louie.

"Iiwan muna kita dito." ani Luis. "Iniwan natin 'yung kambal dun."

"Susunod din agad ako." sagot ko pero umiling si Luis.

"Maiwan ka dito."

"Bakit naman?" apela ko.

"Bantayan mo muna si Kuya." aniya. "Hindi mo naman kami iiwan, di ba?" tumango naman ako bilang sagot. Niyakap ako ni Luis at hinalikan sa noo. " Mauuna na ako." paalam niya.

ThornTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon