9

27 17 4
                                    

Nakalipas ang isang linggo na dito ako sa condo ni Luis nakatira. Minsan ay sumasaglit kami sa unit ni Louie gamit ang duplicate key na nakuha niya dati para makakuha ako ng damit at ang gamit ko sa school. Nasa iisang building lang naman kaming tatlo. Magkalayo nga lang ang unit ng kambal.

"Kain na tayo, Alexa Jane." tawag sa akin ni Luis.

"Busog pa ako." sagot ko sa kanya habang nanonood ako ng palabas sa tv.

"Hindi naman pwedeng ganyan ka palagi." aniya saka tumabi sa akin.

"Kumain ka na, mamaya pa ako." sabi ko saka nilipat ang channel ng tv. Wala naman kasing magandang palabas.

"Hindi ka naman kakain mamaya, e." tinignan ko naman si Luis na nakatingin din sa akin.

"Sige, kakain na ako. Tara na." pagyaya ko sa kanya at nagpunta kami sa kusina. Nakahain na ang pagkain namin. Nakakagutom ang amoy ng kaldereta kaya naman agad akong nagsandok ng kanin.

"Alam mo, parehas kayo ni Louie na masarap magluto." sabi ko pagkatapos kong kainin ang pagkain ko. Nakagat ko ang labi ko nang marealize ko ang nasabi ko.

"Sorry, Luis." pero nginitian lang ako ni Luis. Pagkatapos nun ay hindi na ako nagsalita pa at hindi rin kumibo si Luis. Mahirap ng magsalita uli baka lalo pang magalit si Luis. Pagkatapos namin kumain ay pumwesto na ako sa lababo para linisan ang mga pinagkainan namin.

"Ako na diyan, Alexa Jane." pagpapaalis sa akin ni Luis. Pero hindi ako umalis sa kinatatayuan ko.

"Ako na, okay? Ikaw na nga ang nagluto, e." sagot ko sa kanya at umurong naman siya. Inumpisahan ko na ang paghugas ng mga pinagkainan namin. Nang hinuhugasan ko na ang plato ay biglang yumakap sa akin si Luis mula sa likod. Naalala ko tuloy noong nagluluto ako ng ulam namin ni Louie ay yumakap siya sa akin at sinabi niyang magchacharge lang daw siya.

"Luis," hinalikan niya ako sa pisngi at saka yumuko, ipinatong niya ang noo niya sa kanang balikat ko. Nanatili kami sa ganung posisyon hanggang sa matapos ako sa ginagawa ko. Nagpunas na ako ng kamay ko at saka ko hinarap si Luis.

"I love you, Alexa Jane." sinabi niya iyon nang nakatingin sa mga mata ko.

"Luis, alam mo naman, di ba?" sagot ko kay Luis. Nakita ko naman ang lungkot sa mga mata niya kahit nginitian niya ako.

"Kaya mo naman ako mahalin, di ba?" tanong niya sa akin. Bakit mo ba ako pinapahirapan ng ganito, Luis? Nahihirapan ako.

"Maghihintay ako." sagot niya sa akin. Hindi na ako sumagot pa.

***

"Besty, nakausap mo na ba si Louie?" tanong ni Kacey sa akin habang kumakain kami. Alam na ni Kacey ang lahat dahil naikwento ko na sa kanya. Nakamove-on naman na raw siya kay Luis. Alam naman na raw niya na ako ang babaeng seseryosohin ni Luis. Kung pwede lang magpalit kami ni Kacey ay ginawa ko na para seryosohin siya ni Luis.

"Hindi pa." sagot ko. Balak ko kasing hintayin umuwi si Louie para makausap ko siya. Hindi muna ako papasok sa huling klase namin. Minsan lang naman ako lumiban.

"Hmm, doon ka pa rin nakatira sa unit ni Luis?" nahihiyang tanong ni Kacey, tumango naman ako bilang sagot.

"Pero gusto ko ng umalis doon. Pakiramdam ko ay lalo akong nagtataksil kay Louie dahil sa pagtira ko roon."

"Oo nga, Besty. Gusto mo tumira ka muna sa apartment ko?"

"Sure, atleast doon ay malilibang ako." sagot ko sa kanya. Sinabi ko na rin sa kanya na hindi ako papasok mamaya dahil kakausapin ko si Louie.

"Sana magkaayos na kayo, Besty. Panira naman kasi si Luis, e."

"Sana nga, sana kausapin niya ako." naghiwalay na kami ni Kacey at nagpunta muna ako sa library para may magawa habang hinihintay ko ang oras ng uwian ni Louie.

Nang malapit na ang labasan nila Louie ay umalis na ako. Pumunta ako sa tapat ng classroom nila at hinintay ko ang paglabas niya.

"Louie, pwede ba tayong mag-usap?" tanong ko sa kanya nang salubungin ko siya.

"Wala naman tayong dapat pag-usapan." sagot niya at saka ako tinalikuran. Sinundan ko siya hanggang sa makarating siya sa parking lot.

"Louie, please. Pakinggan mo naman ako." pumasok siya sa kotse niya kaya pumasok din ako. Hindi pwedeng hindi ko siya makausap.

"Bumaba ka." utos niya.

"Hindi ako bababa hangga't hindi kita nakakausap." pagmamatigas ko. Umiling na lang siya at pinaandar ang kotse. Pakiramdam ko ay lumilipad kami sa bilis ng pagpapatakbo ni Louie. Hanggang sa makarating siya sa unit niya ay nakasunod ako sa kanya.

"Hindi ka na rito nakatira." aniya nang pumasok ako sa loob.

"Hindi mo ba ako namimiss?" tanong ko at saka lumapit sa kanya. Tinalikuran naman niya ako at nagpunta siya sa kwarto. Sinundan ko siya roon at saka siya niyakap.

"Mag-usap tayo, Love." naiiyak na ako sa pagmamakaawa sa kanya.

"Nasaktan mo ako, nasaktan niyo ako." aniya, humarap naman ako sa kanya.

"Akala ko, ikaw si Luis. Hindi ko akalain na siya iyon dahil wala naman siyang dahilan para pumunta rito." pagpapaliwanag ko. "Maniwala ka, Louie. Hindi ko rin naman gusto ang nangyari. Ginamit ni Luis ang pagiging kambal niyo para malinlang niya ako." dugtong ko pa.

"Pero may nangyari sa inyo! 'Yun ang masakit sa lahat, Alexa!"  sigaw ni Louie sa akin. Hindi natigil ang pag-iyak ko sa pagsigaw niya.

"Ikaw naman 'yung mahal ko, e. Alam mo naman 'yun, di ba?"

"Nandoon na tayo, Alexa. Hindi ko akalain na hindi mo mapapansin na hindi ako 'yung kasama mo. Ganun na ba ang pagkakatulad namin ni Luis?" umiling naman ako bilang sagot.

"Hindi? Eh, bakit nangyari 'yun? Sabihin mo!" hinawakan ni Louie ang magakabila kong braso nang mahigpit saka ako niyugyog.

"Nasasaktan ako, Louie." daing ko dahil sa higpit ng pagkakahawak niya sa akin. Napapikit na ako sa sakit.

"Umalis ka na." aniya saka ako binitiwan. Namanhid ang braso ko sa higpit ng pagkakahawak niya.

"Umalis ka na dahil baka ko mapigilan ang sarili ko at masaktan kita." pinagtatabuyan na naman niya ako palalabas. Pero lumuhod ako sa harap niya. Pinunasan ko na rin ang luha ko.

"Hindi ako aalis dito hangga't hindi tayo nagkakaayos." pagmamatigas ko.

"Tumayo ka diyan." pag-uutos niya pero hindi ko siya sinunod. "Tumayo ka na." umiling ako bilang pagtutol. "Alexa," sapilitan akong tinayo ni Louie at sinandal ako sa pader. Medyo sumakit ang likod ko sa ginawa niyang pagsandal sa akin. Lumapit siya sa akin kaya napapikit ako.

"Ihahatid na kita sa kanya." napadilat ako nang sabihin niya iyon. Hinatak niya ako papalabas at nakita ko si Luis na nasa labas. Hindi nagkibuan ang magkapatid hanggang sa pumasok na si Louie sa loob. Nakita ko ang galit sa mukha ni Luis pero iniwan ko siya at dumiretso ako sa unit niya. Pagdating ko doon ay nag-impake na ako. Pinigilan naman ako ni Luis sa ginagawa ko nang maabutan niya ako. Pinagtatanggal niya ang mga naimpake ko.

"Hindi ka aalis."

"Wala kang magagawa kung aalis ako." sagot ko sa kanya at ibinalik ko sa bag ang mga damit ko.

"Bakit, nagkaayos na ba kayo ni Kuya Louie kaya iiwan mo na ako?" pagalit niyang tanong.

"Hindi! Hindi, kami nagkaayos. Nang dahil sa'yo ay hindi na kami magkakaayos ni Louie! Ano, masaya ka na?" inis na sagot ko sa kanya.

"Saan ka naman pupunta kung hindi ka babalik kay Kuya?"

"Sa lugar kung saan malayo sa'yo!" sagot ko sa kanya saka ko binitbit ang gamit ko. Hinarangan naman ni Luis ang pintuan.

"Umalis ka diyan. Aalis na ako." nanatili si Luis na nakaharang sa pinto. Tinutulak ko siya pero masyado siyang malakas.

"Tumabi ka sabi d'yan, e." naiyak na ako sa ginagawa niya. Pinunasan niya ang luha kong umaagos sa pisngi ko.

"Bakit ba lagi mo na lang akong pinapahirapan? Sinabi kong umalis ka, e. Bakit ba ang kulit-kulit mo?" pinaghahampas ko siya sa inis ko. "Nakakainis ka! Pinapahirapan mo ako. Gusto ko ng lumayo sa'yo!" hindi ako pinigilan ni Luis, kinulong niya ako sa bisig niya habang umiiyak ako.

ThornWo Geschichten leben. Entdecke jetzt