"Sorry, nay," iyon lang ang kusang lumabas sa aking bibig.

Sorry dahil natakot akong ipaalam sa kaniya, samantalang dapat alam na alam kong kailanman ay hindi niya ako tatalikuran.

Sorry dahil pinagdudahan ko ang pagmamahal niya sa akin.

"Kung humihingi ka ng tawad dahil sa kalayaang hiniling mo, hindi kita mapapatawad dahil hindi naman iyan kasalanan. Hindi ba't palagi kong sinasabi sa inyong magpipinsan na ang kalayaan at karapatang pumili ng taong mamahalin ay hindi kailanman kaibahan sa lipunan. Kahit sino pang mahalin mo, Cadence, tatanggapin at mamahalin ni nanay, naiintindihan mo?"

Mas lalong humigpit ang yakap ko rito at tumango nang paulit-ulit. Parang hinahaplos ang puso ko sa mga salita ni nanay at ikinakalma ako.

"Narinig ko ang lahat ng pinag-usapan ninyo ng papa mo at ako ang humihingi ng tawad sa mga bagay na dapat hindi mo narinig, natanggap, at naranasan, apo. Patawarin mo si nanay kung hindi ko agad naramdamang kailangan mo pala ang suporta ko."

"Hindi niyo naman kailangan humingi ng tawad dahil sobra-sobra na ang binigay niyong pagmamahal sa'kin, nay."

Ngumiti ito at hinaplos ang mukha ko.

"Sino ba ang maswerteng napupusuan ng apo ko nang makilala ko naman," tanong ni nanay.

Kusang lumapat sa aking isipan ang imahe ng naglalambing na si Rave. Parang gusto ko siyang puntahan bigla at yakapin nang mahigpit.

Sobrang miss ko na agad siya.

"Lalaki 'yon, nay, at kilalang-kilala mo siya."

"Talaga? E, sino naman? Ipakilala mo nang mahusgahan ko kung balak ka bang pakasalan."

Natawa naman ako. "Babae lang, nay? Hindi naman ako mabubuntis no'n."

Hinawakan nito ang magkabilang kamay ko at hinaplos-haplos. "Ayoko nang ganoong salita, Cadence. Kahit lalaki ka, karapatan kong malaman kung ang taong mamahalin mo ay may plano bang pakasalan ka. Deserve mo ang mabuting tao at mahal na mahal ka."

"Opo, nay."

Muli akong yumakap dito na parang bata.

"Salamat sa pagiging totoo, apo. Proud si nanay sa'yo dahil pinili mo ang kalayaan, at alam kong proud na proud din ang mama mo sa'yo. Hayaan mo, hangga't naririto ako ay hindi ko hahayaang ipagkait sa'yo ang kalayaang hiling mo, apo. Mahal ka ni nanay, kayo ng kambal, kayo ang buhay ko. "

Hindi ko namalayan na nakasilip na pala ang kambal sa pinto at patalon na sumama sa yakapan namin ni nanay.

"Group hug para sa panget umiyak na si kuya Cadence!"

"Hoy, Mico! Doon ka nga, ang asim mo! Galing ka pa yata sa paksiwan."

Naka-jersey pa ito, complete attire. Mukhang galing pa sa liga nang dumiretso rito para makinig sa usapan namin ni nanay.

Chismoso't chismosa talaga sila ng kapatid nya.

Inamoy-amoy niya ang braso at maging kili-kili niya saka tumingin sa akin. "Hindi naman, kuya, ah? Baka ang kili-kili mo lang ang naaamoy mo."

"Nay, oh! Naninisi pa sa kaasiman niya si Mico," sumbong ko kay nanay na natawa lang.

"Hoy, Kuya Cadence!" masungit na tinawag naman ako ni Mica.

"Hoy ka rin!" biro ko.

Umirap sya at nagpamewang pa. "Bad ka talagang pinsan, inagawan mo ako ng future boyfriend!"

"Huh? Sino?"

"E 'di si kuya Rave! 'Di ba sabi ko sa'yo bantayan mo ang kaibigan mo at sa akin mo ireto kapag nag-eighteen na ako? Two years na lang sana 'yon, kuya Cade!"

Strings Not Too AttachedWhere stories live. Discover now