Strings Not Too Attached 24
"Gusto kita, Cadence."
Parang tumahimik nang tuluyan ang paligid ko, at sa oras na ito, kaya ko nang patunayan na talaga pa lang totoo iyong sinasabi nilang tumatahimik ang paligid mo kapag may nag-co-confess sa'yo.
Wala na akong pakialam kung may sakit pa ba siya o kung palapit na ang mga kaibigan niya. Gusto kong siguraduhin kung ano ang narinig ko.
"Gusto mo 'ko, Rave?"
Ngumiti sya at pinisil ang tungki ng aking ilong.
"Gusto ko nang umuwi, Cadence," sagot niya. "Iyon ang sinabi ko."
Pero...
Iba ang narinig ko.
Hindi naman ako bingi, ah?
"Pero hindi ako bingi, Rave, alam ko kung anong naririnig ko. Gusto mo ba ako?"
Sabihin mo lang na oo, aamin din ako at sisiguraduhing hindi matatapos ang gabing ito na pareho pa rin kaming single.
"Cade, nahihilo na ako. Gusto ko nang magpahinga."
Malungkot akong tumango.
Wala, nag-ilusyon nga lang siguro talaga ako. Baka naman masyado na akong patay na patay sa kaniya at nakakarinig na ako ng mga bagay na gusto kong marinig mula rito.
Hindi ko na ata kayang tukuyin kung ano ang pinagkaiba ng reyalidad at ng ilusyon.
Pero hindi, e. Malinaw sa pandinig ko kung ano ang narinig ko at sinabi niya pero sige, baka nga talagang namali lang ako ng dinig.
"Kami na ang bahala kay Rave, Cade. Balik ka na sa training mo."
Nakatingin pa rin sa akin si Rave, parang may gusto pa ring sabihin ngunit piniling huwag na lang ituloy. Wala na rin naman akong gustong sabihin pa dahil nasasaktan ako.
Iyong narinig kong inamin niyang gusto niya ako tapos biglang sasabihing mali lang ang dinig ko? Para na rin niya akong ni-reject sa sinabi niya at iyon ang dahilan kung bakit nasasaktan ako ngayon.
Paano na lang kung tuluyan akong umamin? Anong isasagot niya? Magagalit siya? Or worse, pandidirihan niya ba ako dahil imbes na kaibigan ang turing ko sa kaniya, e, higit pa roon?
"Una na 'ko, magpagaling ka."
Hindi ko na hinintay ang isasagot niya o kung sasagot pa ba siya kaya bago pa man siya makapag-decide ay tumalikod na ako at nagsimulang maglakad palayo roon.
Talo na.
Hindi pa man nagsisimula pero sigurado akong talo na. Hindi ko na susubukan.
Nakakatakot nang sumubok.
"Gago umiiyak ka ba?"
Tumawa ako at pasimpleng pinunasan ng towel ang buong mukha.
Tangina bakit nga ba ako umiiyak?
Umiiyak ako? Putangina, hindi ako 'to.
"Tanga! Ba't ako iiyak?"
"Malay ko sa'yo, gago! Kaya nga tinatanong ko kung umiiyak ka."
"Hindi ako umiiyak."
Hindi ko man alam kung para saan ang luhang kumawala sa mga mata ko, binalewala ko iyon at natatawa lang akong iniwan na roon ni TJ.
Hinintay ko na lang mag alas-diyes para makauwi at makapagpahinga. Araw-araw namang ganito ang gawain ko.
Klase, vacant, training...
