"Cadence, itikom mo 'yang bibig mo!"

Ngunit hindi ko iyon sinunod at piniling ilabas lahat ng sakit at hinanakit ko para sa taong inaasahan kong kahit paano, maiintindihan ako.

"Alam niyo ba kung gaano kasakit noong nawala si mama? Sobrang sakit, pa. At alam ko ring nasaktan kayo nang husto kaya noong nagmahal ulit kayo, kahit masakit, pa," huminga ako nang malalim bago muling nagpatuloy. "Kahit masakit wala kayong narinig sa akin dahil suportado ko ang kasiyahan mo. Pero noong bumuo ka ng sarili mong pamilya, tinanong mo ba kung gusto kong sumama sa'yo? 'Di ba hindi naman?"

Tumahimik ito ngunit ang mga mata ay nanatiling galit ang titig sa akin habang ako ay punong-puno ng sakit ang lumuluhang mga mata.

"Kasabay ng pagbuo mo ng bago, masaya, at kumpletong pamilya, inabandona mo naman ang unang anak mo at ako iyon, pa."

"Isinusumbat mo ba sa akin ang pagiging bakla mo, Cadence?"

Umiling ako.

"Hindi ko isinusumbat dahil kagustuhan kong maramdaman ito, pa. Dito ako masaya at wala namang masamang maging malaya, 'di ba? Wala naman akong tinatapakang tao at nirerespeto ko pa rin ang mga nasa paligid ko. Masama ba iyon, pa? Masama bang.... hilingin na sana kahit ngayon lang ay maramdaman ko namang nariyan ka para intindihin at tanggapin ako? "

Tahimik pa rin ito at walang salitang lumabas sa kaniyang bibig.

"Nasasaktan ako malamang nandidiri kayo sa akin at parang taong may malubhang sakit kung ituring pero, pa, ito na talaga ako. Hindi ko dapat ihingi ng tawad ang kagustuhan kong maging malaya ngunit  kung sa tingin nyo nabastos ko kayo, humihingi ako ng tawad sa inyo. Gusto ko na ring magpasalamat dahil kahit iniwan nyo ako, dinala niyo naman ako sa taong mahal na mahal ako higit kanino man. "

Si nanay.

"Cadence, apo..."

Sabay naming nilingon ni Papa ang pinanggalingan ng boses na iyon at naroon ang nag-aalalang tingin ni nanay.

Napangiti ako.

Masakit mang talikuran ng tatay, nariyan naman ang lola kong handang-handa akong yakapin.

Muli akong humarap kay papa, patuloy pa rin ang pagdaloy ng maiinit na mga luha.

"Alam kong nabibigla ka lang at hindi pa sapat ang pang-unawa tungkol sa ganitong usapin kaya naiintindihan kita, pa. Pero sana, kung hindi mo man ako matanggap bilang anak mo, sana respetuhin niyo na lang ako bilang tao."

Yumuko lang ako rito bago ito tinalikuran at nagpaalam na rin maging kay nanay.

Wala na rin naman akong narinig na pagpigil kay papa dahil alam kong kahit siguro umiyak ako ng dugo ay hindi pa rin magbabago ang tingin nito sa akin.

Tahimik akong umupo sa ibabaw ng kama at nagdasal.

Proud ako sa'yo, Cadence.

Maya-maya lang ay narinig ko ang mahihinang katok bago iluwa ng pinto si nanay. Hindi ko na itinago ang pag-iyak ko nang umupo ito sa tabi ko at mabilis na yumakap sa akin.

Simula nang minahal ko si Rave, samu't saring pagtanggap na ang naramdaman ko pero iba pa rin pala kapag natanggap ka ng taong unang-una mong minahal.

Lahat ng sakit kayang pawiin ng yakap ni nanay.

Hinangod nito ang likod ko maging ang buhok kong siguradong magulong-magulo na.

"Tahan na! Narito na si nanay, apo. Hindi mo kailangan matakot dahil nandito si nanay para sa'yo."

Kaya kong harapin ang pagtalikod ng ibang tao ngunit hindi ang babaeng tumayo bilang pangalawang ina sa akin at minahal ako kagaya ng pagmamahal ni mama.

Strings Not Too AttachedWhere stories live. Discover now