Hindi ako nagpatinag at hinintay na makaalis ang sasakyan ni Rave bago ako pumasok nang tuluyan sa loob.
Nasa tapat ito ng pinto at doon ako dumiretso, hindi ko makita sina nanay. Tanging si papa lang ang naroon.
"Anong—"
Hindi ko na naituloy ang pagtatanong nang maramdaman ang bigat at lapad ng kamay nito sa kaliwang pisngi ko.
"Talagang hanggang dito dinala mo 'yang sakit mo? Hindi ka ba nahihiya? Hindi mo na ako nirespeto!"
Parang kulog ang boses na iyon ni papa na nagdulot ng matinding kaba sa akin. Mabilis sinuyod ng mga mata ko ang sala at nakita ang nagmamadaling si nanay.
"Allan, anong nangyayari? Bakit ka sumisigaw riyan? Cadence, apo, tara na pumasok ka. Nagluto si nanay ng paborito mo."
Pinilit kong ngumiti. "Mamaya na lang, nay. May pag-uusapan lang po kami ni papa."
"Nay, mamaya na lang. Pumasok na kayo at kailangan kong kausapin itong anak ko."
Anak mo?
Itinuturing pa pala niya akong anak niya?
Kahit nagtataka ay tumango si nanay at dumiretso na sa kaniyang kwarto. Ginamit ko ang oportunidad na iyon upang pumasok ngunit mabilis ding nagsalita si papa.
"Ano? Sobrang lala na ng kabaklaan mo at umakyat na sa utak mo kaya pati ako tinatalikuran mo na?"
"Sino bang unang tumalikod sa atin, pa? Hindi ba't ikaw? Tinalikuran mo ako bilang anak mo?"
"Huwag mong baguhin ang usapan para iwasan ang katotohanang bakla kang punyeta ka!"
Pait akong ngumiti.
Bakit diring-diri? Ano bang ginawa ko sa kaniya?
"Oo, pa. Bakla nga ako, may masama ba ro'n?" buong tapang kong pag-amin.
Mas lalong sumama ang mukha nito.
"Masama, Cadence. Masamang-masama at isa iyang kahihiyang punyeta ka! Sino ang humawa sa iyo ng sakit na 'yan? Iyong naghatid sa'yo?"
Sakit?
Putangina sakit?
"Kailan naging sakit ang kagustuhang maging malaya at magmahal, pa? Anak mo ako at inaasahan kong kayo ang unang tatanggap sa aki—"
"Hindi ko matatanggap ang kabaklaan mong iyan, Cadence. Sino ba ang nagturo sa'yo niyan? Ang mga teammate mo? O ang barkada mo? Ililipat kita rito nang matigil iyang kahibangan m—"
Hindi ko na napigilan ang emosyon ko at tuluyan na iyong sumabog.
Wala na akong pakialam kung humagulgol ako sa harapan ng tatay ko at makitang galit at nasasaktan ako dahil iyon naman talaga ang totoo.
"Kahit saang lupalop ng mundo niyo pa ako dalhin, hindi magbabago ang nararamdaman ko. Gugustuhin ko pa ring maging malaya at magmahal ng kung sinong gugustuhin ko."
"Kung itutuloy mo iyang kabaklaan mo, huwag mo nang asahang may tatay ka pa ring matatakbuhan dahil kailan man, hindi kita matatanggap."
Alam ko naman, e. Alam ko naman at tinanggap ko na pero ang sakit pa rin pala.
Ang sakit pa rin pa lang marinig sa mismong bibig ng tatay mo at sa harap pa mismo ng mukha ko.
Bakit kung pandirihan niya ako ay parang may malala akong sakit? At kung sakit ang magmahal at maging malaya, handa akong maging malubha.
"Ayos lang. Ayos lang kahit hindi mo ako tanggapin dahil sa hinihingi kong kalayaan. Alam niyo kung bakit? Kasi kahit noon pa man, noong namatay si mama, para ka na ring namatay, pa. Inabandona mo na rin ako at tuluyang kinalimutan."
String 35
Start from the beginning
