"Pumasok ka na rin," sabay tingin sa relong suot ko. "Mag-a-alas diyes na, e."
Hindi ko alam kung anong iniisip niya at ang tagal niyang sumagot pero isang mabilis na halik sa aking pisngi ang ginawa niya.
Nakarinig ako ng singhapan sa paligid ngunit isa lang ang kumuha sa atensyon ko.
Papalapit si Paulo at siguradong nakita niya iyon.
"Pasok na ako. I love you."
Hindi ko muna inintindi si Paulo at ngumiti kay Rave. "I love you too."
Halos sabay kaming umakyat ng hagdan ni Paulo ngunit walang nag-iimikan sa aming dalawa.
Noong palapit na kami sa classroom ay naglakas loob na akong tawagin siya.
"Pau, iyong—"
"Wala akong pakialam."
Iyon lang ang huli niyang sinabi bago nagmamadaling iniwan ako at nauna sa klase.
Grabe naman magtampo 'to.
Umiling na lang ako at sumunod na ring pumasok. Unang bumungad sa akin ang nangungusap na mga mata nina Jacob at Cedrix sabay inginuso si Paulo na nasa dulo ng kaliwang row.
Malayo iyon sa amin at ang katabi niya na roon ay ang basurahan. Sobrang isolated naman ni gago?
Tahimik ang klase nang dumating ako at panay tingin lang ang binibigay nila.
"Cade, congrats."
"Huh? Para saan, Lyka?" tanong ko sa mayor namin.
Ngumisi siya. "Tangeks naiinggit sa'yo ang halos lahat ng babae rito 'no! Inangkin mo ba naman ang isang Verancia."
Ah iyon pala.
Oo na. Alam ko namang sobrang gwapo talaga ni Rave kaya kahit bago lang siya rito, e, nakuha niya agad ang atensyon ng halos karamihang babae rito.
"Sorry na lang, ako ang pinili," nakangisi kong sagot.
Nagtawanan ang klase, nakikinig pala sila sa usapan namin.
"Angas mo, Cade, lodi ka talaga!" sigaw ni Mark.
At nagsimula na silang mang-asar sa akin. Kahit paano ay naging magaan ang loob ko dahil may mga tao na namang tumanggap sa amin.
Hindi man tanggap nang husto ni Paulo, naiintindihan ko naman iyon at maniniwala sa sinabi ni Rave na it takes time.
Alam ko kung anong past issues ni Paulo kaya iniintindi ko. Darating din naman ang oras na magiging handa rin siyang pag-usapan namin at hihintayin ko ang oras na iyon.
"Sa lounge na lang ako, samahan nyo na lang si Paulo," sabi ko sa dalawa.
Pinapansin naman sila ni Paulo, pasarkastiko nga lang.
Umiling sila. "Sinubukan naming ayain tapos sabi niya kahit libre pa raw namin hindi siya sasama."
"Hindi naman namin sinabing libre sya, inaya lang naman. Feeler din talaga 'tong si Paulo, e."
Binatukan ko ang dalawa. "Kapag narinig kayo no'n, siguradong rambulan na naman kayo."
Kahit alam kong hindi naman ako papansinin ni gago ay inaya ko pa rin ito sa GC namin at sinabing kung magbago ang isip niya ay nasa lounge lang kami at kumakain.
Hindi na rin namin masyadong inintindi si Pau kasi alam naman namin ang ugali no'n. Bago pa kasi sa kaniya ang lahat kaya masungit pa. Sa ngayon, midterm na sa huwebes at binabagsakan na kami ng plates kaya iyon ang pinagtutuunan namin ng pansin.
String 33
Comenzar desde el principio
