Gusto ko siyang amuhin at suyuin.

Gusto kong sabihin sa kaniyang hindi ako galit at hindi ko magagawang magalit sa kaniya. Siya na 'yan, e, si Rave na 'yan na gustong-gusto ko kaya pa'no ko magagawang magalit sa kaniya?

Pero kailangan ko munang umiwas para naman tulungan ang sarili ko dahil wala namang ibang tutulong sa akin makaahon sa nararamdaman ko sa kaniya kung hindi ako lang din.

"Hindi ako galit, okay? Hindi rin ako umiiwas, Rave," mahinahon kong sagot. Iyon na lang ang tanging kaya kong ibigay.

"But why do I feel like you're building walls between us? Hindi ka na sumasagot sa mga chats, texts, at tawag ko."

"Wala nga akong load."

"Niload-an na kita!"

"Na dapat hindi mo ginawa kasi hindi ko naman hiniling."

"Pero gusto kitang kausap, Cade. Kung wala kang load kaya hindi ka makareply, ayan — binigyan kita," sagot nya.

Bakit ba ako? Bakit ako ang gusto mong ka-chat? Katawagan? Bakit hindi mo tawagan ang girlfriend mo?

"Busy lang ako ngayon, Rave. Hindi ko na magawang isingit pa 'yan sa time ko, marami kaming plates. May training at laban din kami, mayroon pang photo booth para sa Anniversary week. Ikaw? Hindi ka ba busy?"

"Busy. But I can make time, Cade. I can still open my phone to talk to you. Pwede rin akong maghintay hanggang matapos ang training mo tapos sabay tayong mag-dinner. Kaya ko ring manood sa bawat laro mo. Kung gusto mo, palaging mayroong paraan, Cade."

Ang sarap pakinggan kung totoo.

Ganitong-ganito ang linya mo bago ako umasa nang todo tapos sa huli — talo pa rin.

"Kung ikaw kaya mo, ako hindi."

Kakayanin sana kung hindi lang kaibigan ang turing mo sa akin.

"Bakit?" nasasaktang tanong niya.

Kumunot ang noo ko. "Anong bakit, Rave? Bakit ko kailangang ipaliwanag sa'yo? Alam mo, ang gulo mo. Lahat ng sinasabi mo hindi normal para sa akin. Naririnig mo ba lahat ng sinasabi mo? Kasi kung oo, ano ba ang ibig sabihin nito?"

"Anong ibig mong sabihin?"

"Lahat, Rave! Lahat ng binibitawan mong linya, lahat ng ginagawa mo, lahat ng mga reaksyon mo, kahit iyong mga tono ng pananalita mo — lahat. Lahat, Rave! Lahat magulo. Ano bang ibig sabihin ng mga 'yon?"

Nasabi ko. Nasabi ko lahat ng tanong ko.

Ito ang gusto mo, 'di ba? Usap? Sige, pag-usapan natin.

Hindi siya nakapagsalita. Natahimik siya. Wala siyang ibang nagawa kung hindi ang tumitig.

Nagsusukatan kami ng tingin at kasabay no'n ang paglakas ng kabog ng dibdib ko. Kahit anong gawin ko, kahit naiinis ako sa lahat ng sinasabi at ginagawa niya — siya pa rin ang dahilan ng kaba at kabog ng dibdib ko.

At siya lang ang may kakayahang gawin iyon sa akin. Siya lang. Si Rave lang.

"Wala 'di ba? Walang ibig sabihin. Kahit ikaw hindi mo rin alam kung ano nga ba lahat ng ginagawa mo. Hindi mo alam kung para saan lahat ng sinasabi mo."

"Cade, hindi, hindi gano—"

Tutulo na.

Babagsak na ang ulan at ganoon din ang luha ko.

Tangina naman. Ayoko namang umiyak sa harapan niya dahil kingina, kung talaga kaibigan ang turing ko sa kaniya — bakit ako iiyak sa harap niya, hindi ba?

Strings Not Too AttachedWhere stories live. Discover now