"Kayo na?"

Umiling ako. "Hindi ko type."

"Anong type mo?"

Pinigilan kong mangiti. "AB positive."

"Ang walang kwenta mo kausap."

"Edi 'wag mong kausapin," panggagaya ko sa sinagot niya sa akin kanina.

"Hindi ko kaya."

"Bakit hindi mo kaya?"

Ngayon ikaw naman ang sumagot.

Ang tingin niya ay nagtagal sa labi ko bago muling nag-angat upang salubungin ang titig ko.

"Ayoko nang hindi ka kausap. Hindi na ako sanay at mukhang hindi na ako masasanay."

Kung sino mang nagbabantay ng oras sa mundo, sana makisama siya at mapakiusapan kong pahintuin muna ang takbo nito.

Kung hindi kayang pahintuin, kahit pabagalin na lang muna. Gusto ko lang makasama pa sa ganito katahimik na lugar si Rave.

"May nagugustuhan ka bang iba kaya hindi mo type si Angelic?"

Kung isasagot kong meron... mahahalata niya bang siya ang tinutukoy ko?

Sana hindi.

"Meron."

Tumitig ito. Matagal. Nakita ko pa kung paano napalitan ng... sakit? Ang mga tingin nito. Hindi ako sigurado pero para saan ang sakit na iyon?

Bakit ka nasasaktan, Rave?

"Liligawan mo?"

Nag-isip ako. "Hindi ko alam. Ang komplikado kasi ng sitwasyon."

"Baka naman taken na 'yang nagugustuhan mo?"

Taken ka ba?

"Hindi. Kaso hindi ko alam kung dapat ba akong umamin. Para kasing kahit hindi ko pa aminin alam ko na ang sagot niya. Basta ang hirap," sagot ko.

Ano kayang mararamdaman niya kung malalaman niyang lahat ng sagot ko sa tanong niya, siya ang tinutukoy ko? Magagalit kaya siya? Lalayo?

Gusto ko sanang ibalik sa kaniya ang tanong. May banda sa puso kong gustong malaman kung may nagugustuhan na rin ba siya.

"Ikaw ba? May nagugustuhan ka?"

"Gusto mong malaman?"

Kahit masakit, oo.

Tinanggal niya ang hibla ng pilik-mata kong nalagas saka muling tumitig nang napaka lambot sa aking mga mata.

"Meron. At gusto ko siya, Cadence. Sobrang gustong-gusto."

Ngumiti ako. "Nice!"

Tangina nice?

Ilabas lahat ng alak at lalaklakin ko nang walang hinto.

Tanong-tanong ka pa kasi, Cadence, e. Anong napala mo ngayon? 'Di ba masakit?

"Tingin mo sa susunod na mga buwan ganito pa rin tayo?"

Hindi ko man sigurado ang tinutukoy niya pero palagay ko iyong closeness namin iyon.

"Siguro... Depende..."

Depende kung magugustuhan ka na pabalik ng taong gusto mo. Kasi kapag nangyari 'yon, didistansiya na ako.

Pero habang wala pa naman, kakalabanin ko muna ang sakit.

Tumingin ito sa langit. Punong-puno iyon ng bituin kaya sigurado akong hindi uulan. Iyon kasi ang kasabihan na kapag maraming bituin, hindi uulan, kapag wala naman, uulan.

"Ang ganda ng langit 'no?" tanong niya.

Tinitigan ko ito.

"Oo nga, ang ganda."

Ang sarap pagmasdan.

"I want us to stay like this, Cadence," sabay lingon muli sa akin. "Lagi sanang ganito."

Sana, Rave. Sana.

"Nahihilo ako."

Hindi ko nasundan ang sumunod nitong galaw at ipinatong ang noo sa aking kaliwang balikat. Nakayuko siya roon.

Hindi ako makahinga. Ayokong gumalaw dahil baka lalo siyang mahilo.

Parang may sariling isip ang kamay ko nang dampian nito ang malambot na buhok ni Rave. Marahan kong hinaplos iyon, wala naman siyang pagtutol kaya itinuloy ko iyon.

"Anong oras ka uuwi?"

Tiningnan ko ang suot na relo. Mag a-alas dose na pala?

"Hindi ko pa alam. Ikaw?"

"Kapag uuwi ka na."

Tama na, Rave. Asang-asa na ako masiyado.

"Gusto mo na bang umuwi?"

"Uuwi ka na rin ba?" tanong niya.

Tumango ako. Bukod sa kalandian, maaga pa ang training ko bukas. Hindi ko kayang magka-hang-over, mahirap na at lunes ang unang laro namin.

"Tara, uwi na tayo."

Strings Not Too AttachedWhere stories live. Discover now