Alam ko kung bakit hindi ko kayang hindi ka kausapin pero hindi ko pa rin sasabihin. Patuloy kong itatanggi at sasabihing hindi alam kaysa matapos kung anong mayroon tayo.
Itong mga ganito, kahit ito lang, 'yong simple lang kaming magkatabi at nag-uusap ay baka hindi na maulit kung malalaman niya na si Cadence na kaibigan niya simula no'ng highschool, gusto na siya.
"Nakita ko ang post ng One Sports, sa lunes ang first match niyo?" pagbubukas niya ng panibagong mapag-uusapan.
"Oo."
"Anong nararamdaman mo?"
Ang sarap sigurong magmahal nitong si Rave. Siya iyong tipo ng boyfriend na hindi lang puro landian ang alam.
Iyong tipo ng boyfriend na tatanungin kung kumusta ka. Kung anong ginawa mo sa magdamag. Anong pinagkakaabalahan mo. Anong nararamdaman mo at kung ano-ano pa.
And it's just nice to know that there is someone who wants to know the little thing but one of the most important things about you.
"Excited. Palagi naman akong excited tuwing naglalaro ng volleyball. Pero, kinakabahan din ako kasi siyempre kung nag-improve at naghanda ang team, siyempre ganoon din ang ibang school kaya nakakakaba."
"Sus! 'Di ba niyayabangan mo akong magaling kang setter?"
Tumawa ako. Dati kasi ay palagi kong iniyayabang na wala nang ibang setter ang kayang tapatan ang gusto niyang sets kung hindi ako lang.
"Dati 'yon."
Muli na namang namutawi ang katahimikan sa amin. Naubusan na rin ata siya ng topic, hindi naman kasi natural na madaldal ito.
"Nakita ko pala si Sam no'ng huwebes sa practice match namin. Doon pala siya nag-aaral."
Napangiti ako nang maalala 'yon. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwalang pareho kaming bumaliko. At masaya rin ako para sa kaniya, sa kanila ng girlfriend niya.
Sanaol.
"Ang saya mo."
Napalingon na ako. "Huh?"
"Ang saya mong nakita siya. Gusto mo pa ba?"
Masaya lang magkwento gusto na agad? Kung makikita niya lang sana ang mukha ko habang iniisip siya, doon niya masasabi ang tunay na depenisyon ng nagkakagusto at masaya.
"Wala na 'yon, 'no! Masaya lang ako na nagkita kami ulit. Parang ikaw, nagkita ulit tayo. Small world talaga."
Tapos ngayon gusto na kita.
"Masaya ka naman?"
"Saan? Na makita si Sam?"
"Hindi. Ako."
Hindi niya pinutol ang tinginan namin. Hindi ko rin magawang iwasan ang mga tingin niyang iyon kahit para na akong matutunaw.
Sayang naman. Sayang naman kasi 'yong ganitong panahon at oras na pwede ko siyang titigan.
Sa ganitong nararamdaman ko para sa katulad niyang lalaki rin, hindi malabong sa huli ay masasaktan lang ako. Kaya kahit masaya ako sa nangyayari, hindi maaalis sa isip ko na pwedeng last na 'to.
Hindi mo kasi masasabi kung hanggang saan lang ang isang bagay. Pwedeng tanggapin niya kung ano at sino ako, pero hindi ang nararamdaman ko.
Ngunit sa gabi at oras na 'to, sa tahimik na parking lot na walang ibang tao kung hindi siya at ako.....
"Oo, masayang-masaya."
Masaya akong nagkita kami ulit.
Tipid ang ngiti nito pero alam kong sinsero iyon, nakakalasing ang mga tingin niya. Parang hindi ako sa alak malalasing kun'di sa kaniya mismo.
String 19
Start from the beginning
