Humalo kami sa taong nagkukumpulan sa gitna kahit hindi naman ako sumasayaw at walang sinasayawan. Parang tuod lang ako.

Baka ma-turn off pa siya kung makita niya akong sumayaw. Baka makakita siya ng live kung paano sumayaw ang mga uod.

"Isang sayaw nga, pakitaan no naman ako."

"Nakita mo na kahapon, 'di ba?"

"Hindi buo, saka gusto ko 'yong kitang-kita ko mismo sa harap ko. Bilis, malapit na 'yong chorus," pamimilit ko.

Umiling ito. "Hindi ako pumunta rito para pagbigyan ang request mo. Bakit hindi na lang ikaw ang sumayaw?"

"Huwag na, baka ma-inlove ka pa, e," sabay tawa.

"Hindi pa ba?"

Ano raw? Ang lakas naman ng tugtog. Nakatapat ba naman kami malapit sa speaker, e.

"Huh?"

"Wala, gusto mong magpahangin sa labas? Ang init dito, siksikan."

Oo nga, hiyang-hiya ang jacket ko sa init. Malamig naman ang club dahil sa aircon, iyon nga lang ay sobrang daming tao dahil na rin sabado kaya siksikan at mainit, idagdag pa ang alak na dumadagdag sa init.

"Tara."

Si Jacob ay nakita kong bumaba na rin, papuntang restroom. Si Paulo ay kanina pa wala, siguradong gumagawa na ng milagro habang si Cedrix naman ay hindi ko na rin nakita.

Nasalubong ko pa sina Theo, may kausap na babae. Matinik din, ah? Ikaw ang aasarin ko bukas.

Sinundan ko lang si Rave na lumabas. Napagtanto kong sa parking lot ang punta namin at saka lang huminto sa harap ng sasakyan niya.

Naupo siya sa bumper nito at ganoon din ang ginawa ko. Masiyadong malayo ang sasakyan niya sa mismong entrance, nasa dulo na rin kasi ang na-parking-an niya.

Madilim na rin, ang ilaw na lang ay ang liwanag na nanggagaling sa entrance ng club. Tahimik din dito kaya namayani ang kaba sa akin, baka marinig niya ang lakas ng tibok ng puso ko.

"Kumusta?"

Hindi ko inaasahang iyon ang tanong niya. Sobrang random kasi.

"Okay lang?" alangan ko pang sagot, patanong pa iyon.

"Malay ko sa'yo, ikaw nga ang tinatanong ko, e."

Pilosopo.

"Okay nga lang. Oh, ayan, hindi na patanong, ah?"

"E, nagtanong ka ulit, e."

Tinulak ko ang braso niyang hindi man lang gumalaw. Ang tigas. Batak na batak.

"Ang panget mo kausap."

"Edi 'wag mo kausapin."

Kaya ko ba? Kaya ko bang huwag siyang kausapin gaya ng sinasabi niya? Isang araw nga na nasa Cavite ako, nangungulila na ako sa kaniya. Huwag pa kaya siyang kausapin?

"Hindi ko kaya."

"Bakit hindi mo kaya?"

Ramdam ko ang titig niya sa peripheral vision ko pero wala akong tapang na tingnan siya pabalik dahil baka hindi ko mapigil ang sarili kong halikan siya.

May tama na ako.

Sa alak pati sa kaniya.

"Hindi ko alam," sagot ko.

"Lahat na lang hindi mo alam."

Tumawa ako nang bahagya. "E, hindi ko nga alam, e."

Alam ko.

Strings Not Too AttachedWhere stories live. Discover now