Siya naman ngayon ang umiling. "Ayoko, ikaw ang gusto kong kasama, e."

Oh edi tangina mo, Rave! Wala na naman akong nasabi. Hindi na naman ako nakapagsalita. Para na naman akong aatakihin dito sa lakas ng lagabog ng puso ko.

Grabe iyong mga nagsasayawan sa tiyan ko, parang naka-remix ang kanta nila at todo sayaw sila.

Natatakot na ako sa nararamdaman ko. Natatakot na ako sa hindi malamang nararamdaman kong ito. Bakit kay Rave lang? Bakit kay Rave ko lang nararamdaman lahat ng 'to?

Bakit kapag iba naman ay kumpiyansang-kumpiyansa akong makipag-usap sa kanila pero kapag si Rave — kailangan ko pang paalalahanan ang sarili kong umayos at huwag ipahalatang kinakabahan.

Natatakot na ako. Ayokong alamin pero may hinala na ako sa nararamdaman ko.

"Umuwi ka na lang, hindi ako talaga pwede," sagot ko muli.

Humawak pa ito sa tiyan niya. "Libre ko naman saka....bayad mo na rin kasi hinatid kita kanina," sabay pakawala ng ngisi.

"Hoy! Ikaw ang nag-offer no'n tapos ngayon nagpapabayad ka riyan! Nang blackmail ka pa, ah? Hindi mo pa nga binabalik 'yong towel ko," sigaw ko naman sa kaniya.

Nanunumbat, e, edi magsumbatan kami.

"Papalitan ko 'yon, mas marami pa."

"Bakit? Nawala mo?"

Umiling siya."Basta, akin na 'yon. Papalitan ko na lang ng isang dosena."

Isang dosena kapalit ng isang towel? Not bad, huh? Need na need ko pa naman niyan. At saka, bakit sa kaniya na lang daw 'yon? Sus! Nawala niya lang kamo 'yon at ayaw niya pang aminin.

"Palitan mo, ah?" paniniguro ko.

"Oo nga. Ano? Tara na?"

Hindi pa rin talaga siya titigil.

"Hindi mo ba talaga kayang mag-isa? Mag-drive thru ka na lang kung hindi mo kaya tapos sa condo mo kainin."

Matagal siyang tumitig, wala na roon ang nakangiti o nakangisi niyang mukha. Blangko na lang iyon na bahagyang lumungkot.

Tangina?

Sumali ba siya ng acting session? Bakit ang galing-galing niyang umarte? Nagpapaawa pa.

Hayop talaga!

"Sige, next time na lang siguro."

Tingnan mo, pati sa tono niya pinapakita niya talagang malungkot siya. Nakakabwiset talaga siya pero mas nakakabwiset ako dahil awang-awa naman ako sa kaniya.

"Tangina mo talaga, Raven Lexus! Napaka OA mo ng kingina mo ka. Sandali! Magpapaalam ako kila coach. Siguraduhin mong libre mo lahat, ah?"

Biglang umaliwalas ang mukha nito, ngayon ay kitang-kita na ang pantay-pantay at maputi niyang mga ngipin sa lawak ng ngisi niya. "Oo naman, kahit ano pang gusto mo."

Sabihin ko kayang gusto ko ng bahay at lupa, ibibigay niya? Kahit ano raw, e. Napailing na lang ako, kahit naman kaya niya hindi ko iyon hihilingin. Hindi pa naman kasing kapal ng pader ang mukha ko.

Pumasok ako sa loob ng gym at nakitang mga nag-aayos na ng gamit ang lahat. Sabay-sabay silang lumingon sa akin, kahit si coach.

Hilaw akong ngumiti sa kanila. "Uh, coach, ano po..." hindi ko mahanap ang salita. Nakakahiya, tampulan ng tukso na naman ako nito.

"May babae 'yang pupuntahan si Cadence sigurado," sambit ni TJ.

"Iba ang se-set-an niyan ngayong gabi, coach. Hindi 'yan sasabay sa'tin tamo!" dagdag naman ni Theo.

Strings Not Too AttachedWhere stories live. Discover now