:: akin ka muna

18 2 0
                                    

Nais kong sulitin ang bawat sandali na kasama kita
Bubuo ng mga alaalang hanggang sa huling hininga'y igugunita.

Dahan-dahang isandal ang ulo sa balikat at tayo'y mamahinga
Sa malambot na kamang saksi ng pighati't saya na mga luha.

Sabay nating dungawin ang gasuklay na buwan sa bintana
Habang ninanamnam tahimik na gabi na tayo lang dalawa.

Bibilangin natin ang mga gatuldok na bituin sa kalangitan, Aking Sinta
Aabangan pagdaan ng bulalakaw at sabay ipipikit ating mga mata.

Isasayaw kita nang walang humpay sa ilalim ng puno ng mangga
Sa gitna ng sanlibong nananahang alitaptap na nakahahalina.

Lalakbayin ang hardin na napapaligiran ng mga bulaklak na kayganda
Hayaan mo sanang iipit ang bagong pitas na rosas sa 'yong tainga.

Maaari bang kalimutan mo muna kahit saglit lang ang kaniyang presensya?
Sa akin na lang muna ang pagtingin at damdamin na alay mo sa kaniya.

Ngayong gabi lang, sana'y pagbigyan mo ang aking panalangin kay Ama
At sa pagsapit ng umaga, ipapaubaya na kita sa tunay mong tadhana.

Isang Daang Tula Para sa Isang Estranghera Where stories live. Discover now