AKING ALITAPTAP, NAWA'Y BUMALIK KA SA'KIN (2)

86 3 1
                                    

"Sa ayaw mo at gusto Ms. Infantes, ngayong gabi ay ang nakatakda mo nang pag-uwi." panapos na wika ng guro.

Halos maubos na ang luha ni Klay kakaiyak, natuyo na ang mga iyon at tila humalo sa kanyang pisngi - sa kanyang mga pisngi na siyang pinakapaboritong parte ng kanyang mukha ni Fidel, ayon na rin dito.

"Fidel, ayokong iwan ka. A-Ayokong iwan ka dahil alam kong hihintayin mo 'ko. Ang pakiramdam na maghintay ay naranasan ko na. Dumating na ang araw na matagal ko nang dinarasal subali't parang ayokong... umalis dahil masasaktan ka. Ayokong saktan ka nang pangmatagalan. Kung puwede lang sa nalalabing sandali ay mahawakan ko man lang ang iyong kamay... maiparating ko man lang na hindi kita makakayang bitawan. Mahal kita, Fidel... Mahal na mahal." Kung sanay kayang marinig iyon ng hangin at dalhin kay Fidel... Sana.

"Magsisimula ang paglilitis sa inyo, Señor Fidel sa susunod na araw. Gagawin ko ang aking makakaya upang ikaw'y matulungan. Labis akong naaawa sa inyo. Batid nyo na matalik kong kaibigan ang inyong ama kaya ako'y labis na magsisisi kung ikaw ay tuluyang maisakdal nang wala man lang laban." Ito ang pangako ng alperes nang ito ay magtungo sa kanyang kulungan. Nalapatan na din ng gamot ang kanyang mga sugat. Kahit nananakit ang katawan ay lumilipad pa din ang isip niya kay Klay. Na sana ay nasa maayos pa din ito na kalagayan.

Dumaan ang dalawang araw. Hawak-hawak ng mga guardia sibil nang sila'y magtungo sa hukuman. Tumango ang alperes sa kanya.

Nanginginig man ang kalooban at namamawis dahil maaaring hatulan siya ng kamatayan sa sandaling iyon ay pinigil ni Fidel ang maluha sa harap ng mga tao.

Ang kanyang buhay na lubos niyang pinapangarap na ialay kay Klay ay maaaring sumapit na sa dulo.

Dahil mayroon pa ding nasa matataas na antas na mga kaibigan ng kanyang mga magulang noon ay hindi siya nasentensiyahan ng matagal na pagkakabilanggo. Mga isang buwan lamang ang inihatol sa kanya dahil hindi naman talaga napatunayan na siya ay kasali sa naganap na rebolusyon.

Binibilang ni Fidel ang bawat araw na dumaraan. Tuwing gabi ay dinadalaw siya ng alaaala nila ng kasintahan. Ang unang beses na nagtapat siya rito. Hindi nito agarang tinanggap ang kanyang pagtatangi, minsan nga ay naninibugho na sya kay Ibarra dahil kanyang nalalaman na ang katangian ng kanyang amigo ang lubos na nagugustuhan ng binibini. Ayaw niyang maging isang kopya lamang ni Ibarra sa paningin nito kaya't ginawa niya ang mga bagay na naaayon sa kung ano ang kaya niyang ihayag nang totoo. Makita man siya nito o hindi, kung ito ay maghahatid sa kanyang kabiguan sa una niyang pag-ibig. Ninais niyang sumugal sa natatanging babae na dumating sa kanyang tadhana. Labis ang kanyang tuwa nang sa wakas ay tinanggap na ng binibini ang kanyang pagsinta. Parang nabuhay na muli ang kanyang puso matapos mawalan ng mahal sa buhay sa napakatagal na panahon.

Sa loob ng isang buwan ay kanyang inaasahan na masulyapan muli ang nobya. Ang makapagsimula ng panibagong kabanata ngunit labis ang kanyang hinagpis nang hindi na niya ito mahagilap sa alin mang kwartel. Nagpakalat din siya ng mga paskin ng wangis nito, nagbabakasakali na may makakakita kay Klay ngunit bigong-bigo siya.

"K-Klay... Nasa'n ka? Ako ba'y tuluyan mo nang iniwan? Nandito ako't buhay para sa'yo. Sa papaano ko sisimulang maglakad muli kung wala ka sa tabi ko. Kung hindi ka maabot ng mga mata ko? Araw-araw ang pagdurugo ng aking puso. Lagi akong maghihintay sa ating tagpuan. Iisipin na tulad ng pagsikat ng araw ay aawit ka muli sa aking tabi."
Paroo't parito ang kanyang ginagawa sa hardin, tulad ng isang alitaptap na hayagang nakikita lamang ang taglay na liwanag sa gabi ay umaasa pa din siya na balang-araw masusumpungan niyang muli ang ningning ng mga mata ni Klay. Gaano man katagal ang gagawin niyang pagkalinga sa kanilang pag-iibigan at alaala ay hindi siya mapapagod. Tulad man ng simula kung saan siya ay sumugal. Tulad man ng simula na akala niya ay masasaktan siya. Walang kasiguraduhan ngunit ang puso ay nagpapasya kahit walang katiyakan.

Maria Clara at Ibarra FANFICTION (FIDELxKLAY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon